At ito ay nangyari na, na si Limhi at ang kanyang mga tao ay bumalik sa lunsod ng Nephi, at muling nagsimulang mamuhay sa lupain nang mapayapa. At ito ay nangyari na, na matapos ang maraming araw, ang mga Lamanita ay nagsimulang muling mapukaw sa galit laban sa mga Nephita, at nagsimula silang magtungo sa palibot ng mga hangganan ng lupain.
Ngayon, hindi sila nagtatangkang patayin sila, dahil sa sumpang ginawa ng kanilang hari kay Limhi; subalit kanilang sinasampal sila sa kanilang mga pisngi, at gumagamit ng kapangyarihan sa kanila; at nagsimulang magpataw ng mabibigat na pasanin sa kanilang mga likod, at itinataboy silang tulad ng isang maamong asno— Oo, ang lahat ng ito ay naganap upang maisakatuparan ang salita ng Panginoon.
At ngayon, labis ang pagdurusa ng mga Nephita, at walang paraan upang mapalaya nila ang sarili sa kanilang mga kamay, sapagkat napalilibutan sila ng mga Lamanita sa lahat ng panig.
At ito ay nangyari na, na ang mga tao ay nagsimulang bumulung-bulong sa hari dahil sa kanilang mga paghihirap; at nagsimula silang maghangad na humayo laban sa kanila sa pakikidigma. At labis nilang binagabag ang hari ng kanilang mga daing; kaya nga, pinahintulutan niya silang gawin ang alinsunod sa kanilang mga naisin.
At muli nilang kinalap ang kanilang sarili, at isinuot ang kanilang baluti, at humayo laban sa mga Lamanita upang itaboy silang palabas ng kanilang lupain. At ito ay nangyari na, na tinalo sila ng mga Lamanita, at naitaboy silang pabalik, at napatay ang marami sa kanila. At ngayon, nagkaroon ng labis na pagdadalamhati at pananaghoy sa mga tao ni Limhi, ang balong babae ay nagdadalamhati dahil sa kanyang asawa, ang anak na lalaki at anak na babae ay nagdadalamhati dahil sa kanilang ama, at ang mga kapatid na lalaki dahil sa kanilang mga kapatid. Ngayon, nagkaroon ng napakaraming balo sa lupain, at nagpalahaw sila nang labis sa araw-araw, sapagkat nagkaroon sila ng labis na pagkatakot sa mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na ang kanilang patuloy na pagpalahaw ay pumukaw sa mga nalalabing tao ni Limhi na magalit laban sa mga Lamanita; at muli silang nakidigma, subalit muli silang naitaboy pabalik, na nagdusa ng malaking kawalan.
Oo, muli silang nakidigma, maging sa ikatlong pagkakataon, at nagdusa sa gayon ding paraan; at yaong mga hindi napatay ay muling bumalik sa lunsod ng Nephi.
At nagpakumbaba sila ng kanilang sarili maging hanggang sa alabok, ipinaubaya ang kanilang sarili sa singkaw ng pagkaalipin, ipinaubaya ang kanilang sarili na hampasin, at maitaboy nang paroo’t parito, at pahirapan, alinsunod sa naisin ng kanilang mga kaaway. At nagpakumbaba sila ng kanilang sarili maging sa kailaliman ng pagpapakumbaba; at mataimtim silang nagsumamo sa Diyos; oo, maging sa buong maghapon sila ay nagsumamo sa kanilang Diyos na kanya silang hanguin mula sa kanilang mga paghihirap.
At ngayon, ang Panginoon ay mabagal sa pakikinig sa kanilang pagsusumamo dahil sa kanilang mga kasamaan; gayon pa man, dininig ng Panginoon ang kanilang pagsusumamo, at nagsimulang palambutin ang mga puso ng mga Lamanita kung kaya’t nagsimula nilang pagaanin ang kanilang mga pasanin; gayon man hindi pa minarapat ng Panginoon na palayain sila mula sa pagkaalipin.
At ito ay nangyari na, na nagsimula silang unti-unting umunlad sa lupain, at nagsimula silang magtanim ng higit na maraming butil, at mga kawan ng tupa, at mga baka, kung kaya’t hindi sila nagdusa ng gutom.
Ngayon may malaking bilang ang kababaihan, higit pa sa kalalakihan; kaya nga, nag-utos si haring Limhi na bawat lalaki ay nararapat magbahagi para sa panustos ng mga balo at kanilang mga anak, upang hindi sila mamatay sa gutom; at kanila itong ginawa dahil sa kalakihan ng bilang ng mga napatay.
Ngayon, ang mga tao ni Limhi ay nanatiling magkakasama sa iisang pangkat hangga’t maaari, at pinangalagaan ang kanilang mga butil at kanilang mga kawan; At ang hari rin ay hindi nagtiwala sa kanyang sarili sa labas ng mga muog ng lunsod, maliban kung kasama niya ang kanyang mga bantay, nangangamba na baka sa alinmang kaparaanan ay mahulog siya sa mga kamay ng mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na wala nang kaguluhang namagitan sa mga Lamanita at sa mga tao ni Limhi, maging hanggang sa panahong si Ammon at ang kanyang mga kapatid ay dumating sa lupain.