Ang isa ay magbabangon sa kaligayahan alinsunod sa kanyang pagnanais ng kaligayahan, o kabutihan alinsunod sa kanyang pagnanais sa mabuti; at ang isa pa ay sa masama alinsunod sa kanyang pagnanais sa masama; sapagkat dahil sa siya ay nagnais na gumawa ng masama sa buong araw kung kaya’t siya ay magtatamo ng gantimpala na masama pagdating ng gabi. At gayon din ito sa kabilang dako. Kung siya ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan, at nagnais ng kabutihan hanggang sa kanyang huling mga araw, kung magkagayon, siya rin ay gagantimpalaan sa kabutihan.
Sila ang mga yaong tinubos ng Panginoon; oo, sila ang mga yaong kinuha, na naligtas mula sa yaong walang katapusang gabi ng kadiliman; at sa gayon sila tatayo o mahuhulog, sapagkat masdan, sila ang kanilang sariling mga hukom, kung gagawa man ng mabuti o gagawa ng masama. Ngayon, ang mga batas ng Diyos ay hindi nababago; samakatwid, ang daan ay nakahanda upang ang sinumang may nais ay maaaring lumakad doon at maligtas.