At ngayon, anak ko, nahihiwatigan ko na kahit paano ay mayroon pang bumabalisa sa iyong isipan, na hindi mo maunawaan—yaong hinggil sa katarungan ng Diyos sa pagpaparusa sa mga makasalanan; sapagkat ipinipilit mong ipalagay na kawalang-katarungan na ang makasalanan ay matalaga sa isang kalagayan ng kalungkutan.
Ngayon masdan, anak ko, ipaliliwanag ko sa iyo ang bagay na ito. Sapagkat masdan, matapos na paalisin ng Panginoong Diyos ang ating mga unang magulang sa halamanan ng Eden, upang magbungkal ng lupa kung saan sila ay kinuha—oo, kanyang pinaalis ang tao; at naglagay siya sa dulong silangan ng halamanan ng Eden ng mga querubin, at isang nagniningas na espada na umiikot, upang ingatan ang punungkahoy ng buhay—
Ngayon, nakikita natin na ang tao ay naging katulad ng Diyos, nakaaalam ng mabuti at masama; at baka iunat niya ang kanyang kamay, at pumitas din sa punungkahoy ng buhay, at kumain at mabuhay magpakailanman, ang Panginoong Diyos ay naglagay ng mga querubin at ng nagniningas na espada, upang hindi siya makakain ng bunga—
At sa gayon ating nakikita na may isang panahong ipinagkaloob sa tao upang magsisi, oo, isang panahon ng pagsubok, isang panahon upang magsisi at maglingkod sa Diyos. Sapagkat masdan, kung iniunat kaagad ni Adan ang kanyang kamay, at kumain sa punungkahoy ng buhay, siya ay maaaring nabuhay magpakailanman, alinsunod sa salita ng Diyos, nang walang puwang sa pagsisisi; oo, at gayon din, ang salita ng Diyos ay mawawalan ng kabuluhan, at ang dakilang plano ng kaligtasan ay mabibigo.
Ngunit masdan, itinakda sa tao ang mamatay—kaya nga, sapagkat sila ay inilayo sa punungkahoy ng buhay sila ay nararapat na ihiwalay sa balat ng lupa—at ang tao ay naligaw magpakailanman, oo, sila ay mga taong nahulog.
At ngayon, nakikita mo na sa pamamagitan nito ang ating mga unang magulang ay itinakwil kapwa temporal at espirituwal mula sa harapan ng Panginoon; sa gayon nakikita natin na sila ay naging mga nasasakupang sumusunod alinsunod sa kanilang sariling kagustuhan. Ngayon, masdan, hindi kapaki-pakinabang na ang tao ay mabawi mula sa temporal na kamatayang ito, sapagkat iyon ay makawawasak sa dakilang plano ng kaligayahan.
Kaya nga, sapagkat ang kaluluwa ay hindi maaaring mamatay, at ang pagkahulog ay nagdala sa buong sangkatauhan ng espirituwal na kamatayan gayundin ng temporal, ibig sabihin, sila ay itinakwil mula sa harapan ng Panginoon, kapaki-pakinabang na ang sangkatauhan ay mabawi mula sa espirituwal na kamatayang ito.
Samakatwid, sapagkat sila ay naging mga likas na makamundo, makalaman, at mala-diyablo, ang kalagayang ito ng pagsubok ay naging kalagayan para sa kanila upang maghanda; ito ay naging isang paghahandang kalagayan.
Anupa’t alinsunod sa katarungan, ang plano ng pagtubos ay hindi maisasakatuparan, tanging sa mga hinihingi ng pagsisisi ng tao sa kalagayang ito ng paghahanda, oo, dito sa kalagayang ito ng pagsubok; sapagkat maliban sa mga hinihinging ito, ang awa ay hindi magkakaroon ng bisa maliban kung wawasakin nito ang gawa ng katarungan. Ngayon, ang gawa ng katarungan ay hindi maaaring mawasak; kung magkakagayon, ang Diyos ay titigil sa pagiging Diyos.
At sa gayon nakikita natin na ang buong sangkatauhan ay nahulog, at sila ay napanghahawakan ng katarungan; oo, ng katarungan ng Diyos, na nagtatalaga sa kanila magpakailanman na itakwil mula sa kanyang harapan.
At ngayon tandaan, anak ko, kung hindi dahil sa plano ng pagtubos, (isinasaisantabi ito) sa sandaling sila ay mamatay, ang kanilang mga kaluluwa ay malungkot; sapagkat itinakwil mula sa harapan ng Panginoon. At ngayon, walang paraan upang mabawi ang tao sa kalagayang ito ng pagkahulog, na dinala ng tao sa kanyang sarili dahil sa kanyang sariling pagsuway;
At ngayon, ang plano ng awa ay hindi magkakaroon ng kaganapan maliban sa pagsasagawa ng pagbabayad-sala; kaya nga, ang Diyos na rin ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan, upang maisakatuparan ang plano ng awa, upang tugunin ang hinihingi ng katarungan, at nang sa gayon, ang Diyos ay maging isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos.
Ngayon, ang pagsisisi ay hindi mapapasa mga tao maliban kung may kaparusahan, na walang hanggan din katulad ng buhay ng kaluluwa, nakaakibat salungat sa plano ng kaligayahan, na walang hanggan din katulad ng buhay ng kaluluwa.
Ngayon, paano ang isang tao ay magsisisi maliban kung siya ay nagkasala?
Paano siya magkakasala kung walang batas?
Paanong magkakaroon ng batas maliban kung may kaparusahan?
Ngayon, may kaparusahang kaakibat, at isang makatarungang batas na ibinigay,
na nagdadala ng taos na paggigiyagis ng budhi ng tao.
Ngayon, kung walang batas na ibinigay—
kung ang isang tao ay pumaslang siya ay mamamatay—
siya ba ay matatakot na siya ay mamatay kung siya ay pumaslang?
At gayon din, kung walang batas na ibinigay laban sa kasalanan,
ang tao ay hindi matatakot na magkasala.
At kung walang batas na ibinigay,
kung ang tao ay magkasala, ano ang magagawa ng katarungan, o maging ng awa,
sapagkat ang mga ito ay hindi magkakaroon ng karapatan sa nilikha.
Ngunit may isang batas na ibinigay, at isang kaparusahang nakaakibat, at isang ipinahintulot na pagsisisi; kung aling pagsisisi ay inangkin ng awa; kung hindi, aangkinin ng katarungan ang nilikha at ipatutupad ang batas, at ang batas ay magpapataw ng kaparusahan; kung hindi gayon, ang mga gawa ng katarungan ay mawawasak, at ang Diyos ay titigil sa pagiging Diyos. Ngunit ang Diyos ay hindi tumitigil sa pagiging Diyos, at aangkin ng awa ang nagsisisi,
At ang awa ay darating dahil sa pagbabayad-sala;
At ang pagbabayad-sala ang nagdala upang mapangyari
ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay,
At ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay
ang magbabalik sa tao sa harapan ng Diyos;
At sa gayon sila ay manunumbalik sa kanyang harapan,
upang hatulan alinsunod sa kanilang mga gawa,
alinsunod sa batas at katarungan.
Sapagkat masdan, isinasagawa ng katarungan ang lahat ng kanyang hinihingi,
at inaangkin din ng awa ang lahat ng kanya;
at sa gayon walang maliligtas kundi ang tunay na nagsisisi.
Ano, iyo bang ipinalalagay na ang awa ay makaaagaw sa katarungan? Sinasabi ko sa iyo, Hindi; kahit isang kudlit. Kung magkakagayon, ang Diyos ay titigil sa pagiging Diyos. At sa gayon isinasagawa ng Diyos ang kanyang dakila at mga walang hanggang layunin, na inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig. At sa gayon dumating ang kaligtasan at katubusan ng mga tao, at gayundin ang kanilang pagkalipol at kalungkutan.
Kaya nga, o aking anak, sinumang nais na lumapit ay makalalapit at malayang makababahagi sa tubig ng buhay; at ang sinumang hindi lalapit siya ay hindi pinipilit na lumapit; ngunit sa huling araw, ito ay manunumbalik sa kanya alinsunod sa kanyang mga gawa. Kung kanyang ninais na gumawa ng masama, at hindi nagsisi sa kanyang mga araw, masdan, masama ang mangyayari sa kanya, alinsunod sa pagpapanumbalik ng Diyos.