At ngayon sinabi ni Korihor kay Alma:
Kung magpapakita ka sa akin ng isang palatandaan, upang ako ay mapaniwalang may Diyos, oo, patunayan mo sa akin na siya ay may taglay na kapangyarihan, at nang sa gayon ako ay maniwala sa katotohanan ng iyong mga salita.
Subalit sinabi ni Alma sa kanya:
May sapat ka nang mga palatandaan; tutuksuhin mo ba ang iyong Diyos? Sasabihin mo ba, Magpakita ka sa akin ng palatandaan, bagaman taglay mo ang patotoo ng lahat ng ito na iyong mga kapatid, at gayon din ang lahat ng banal na propeta?
Ang mga banal na kasulatan ay nakalahad sa iyong harapan, oo, at ang lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos; oo, maging ang mundo, at lahat ng bagay na nasa ibabaw nito, oo, at ang pag-inog nito, oo, at gayon din ang lahat ng planetang gumagalaw sa kanilang karaniwang ayos ay nagpapatunay na may Kataas-taasang Tagapaglikha.
At gayon pa man, nagpalibut-libot ka, inaakay palayo ang mga puso ng mga taong ito, nagpapatotoo sa kanila na walang Diyos? At gayon man magkakaila ka ba laban sa lahat ng katunayang ito?
At sinabi niya:
Oo, ipagkakaila ko, maliban sa pakitaan mo ako ng palatandaan.
At ngayon ito ay nangyari na, na sinabi ni Alma sa kanya:
Masdan, ako ay nalulungkot dahil sa katigasan ng iyong puso, oo, dahil sa iyo pa ring tinitikis ang diwa ng katotohanan, upang ang iyong kaluluwa ay mawasak.
Subalit masdan, higit na mabuti na ang iyong kaluluwa ay mawala kaysa sa ikaw ang maging sanhi ng pagdadala sa maraming kaluluwa tungo sa pagkawasak, sa pamamagitan ng iyong pagsisinungaling at sa pamamagitan ng iyong mahihibong salita; kaya nga, kung muli kang magkakaila, masdan, parurusahan ka ng Diyos, na magiging pipi ka, upang hindi mo na mabuksan pa kailanman ang iyong bibig, nang hindi mo na malinlang pa ang mga taong ito.
Ngayon sinabi ni Korihor sa kanya:
Hindi ko itinatatwa ang pagkakaroon ng Diyos, kundi hindi ako naniniwalang may Diyos; sinasabi ko ring hindi mo nalalamang may Diyos; at maliban kung pakitaan mo ako ng palatandaan, ay hindi ako maniniwala.
Ngayon sinabi ni Alma sa kanya:
Ito ang ibibigay sa iyo bilang palatandaan, na mapipipi ka, alinsunod sa aking mga salita; at sinasabi ko sa pangalan ng Diyos, magiging pipi ka, na hindi ka na makapangungusap pa.
Ngayon, nang sabihin ni Alma ang mga salitang ito, si Korihor ay napipi, na hindi siya makapangusap, alinsunod sa mga salita ni Alma.
At ngayon, nang makita ito ng punong hukom, iniunat niya ang kanyang kamay at sumulat kay Korihor, sinasabing:
Naniniwala ka na ba sa kapangyarihan ng Diyos? Kung kanino ninais mong pakitaan ka ni Alma ng kanyang palatandaan? Sa akala mo ba’y pahihirapan niya ang iba, upang pakitaan ka ng isang palatandaan? Masdan, siya ay nagpakita sa iyo ng palatandaan; at ngayon, makikipagtalo ka pa ba?
At ngayon iniunat ni Korihor ang kanyang kamay at sumulat, sinasabing:
Nalalaman kong ako ay napipi sapagkat hindi ako makapagsalita; at nalalaman kong walang bagay maliban sa kapangyarihan ng Diyos ang makagagawa nito sa akin; oo, at noon pa’y nalalaman ko nang may Diyos.
Subalit masdan, ako ay nalinlang ng diyablo; sapagkat siya ay nagpakita sa akin sa kaanyuan ng isang anghel, at sinabi sa akin:
‘Humayo at bawiin ang mga taong ito,
sapagkat nangaligaw silang lahat
sa pagsunod sa isang di kilalang Diyos’At sinabi niya sa akin:
‘Walang Diyos.’
Oo, at tinuruan niya ako ng nararapat kong sabihin. At itinuro ko ang kanyang mga salita; at itinuro ko ang mga ito dahil sa kasiya-siya ang mga ito sa makamundong isipan; at itinuro ko ang mga ito, maging hanggang sa makamtan ko ang malaking tagumpay, hanggang sa ako ay katotohanang naniwala na ang mga ito ay totoo; at dahil dito kinalaban ko ang katotohanan, maging hanggang sa ipataw ko ang malaking sumpang ito sa akin.
Ngayon, nang sabihin niya ito, siya ay nagsumamo na si Alma ay manalangin sa Diyos, upang maalis ang sumpa mula sa kanya.
Subalit sinabi ni Alma sa kanya:
Kung ang sumpang ito ay aalisin mula sa iyo ay muli mong aakayin palayo ang mga puso ng mga taong ito; kaya nga, mangyayari sa iyo ang naaayon sa kalooban ng Panginoon.