Ang Zarahemla sa Ilalim ng Pamumunong Nauukol sa Hukuman

Ang Mga Krimen ni Nehor at Paglilitis

Alma 1:1

Ang batas ay ipinatupad at pinanatili sa Zarahemla.

Ngayon ito ay nangyari na, na sa unang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, mula sa panahong ito, si haring Mosias na yumaon na ng lakad ng buong lupa, na nakipaglaban ng isang mabuting laban, naglakad nang matwid sa harapan ng Diyos, ay walang sino mang iniwanan na mamahalang kahalili niya; gayon pa man, siya ay nagtakda ng mga batas, at kinilala ito ng mga tao; anupa’t, sila ay kinailangang sumunod sa mga batas na kanyang ginawa.

Alma 1:2,15,3–4

Isang lalaki na nagngangalang Nehor ay lumitaw at nagsimulang magturo ng mga doktrinang anti-kristo.

At ito ay nangyari na, na sa unang taon ng panunungkulan ni Alma sa hukumang-luklukan, ...isang malaking lalaki, at nakilala dahil sa kanyang labis na lakas ...


...ang kanyang pangalan ay Nehor ...


At siya ay lumibot sa mga tao, nangangaral sa kanila ng tinatawag niyang salita ng Diyos, nagpapatotoo laban sa simbahan; ipinahahayag sa mga tao na ang lahat ng saserdote at guro ay nararapat na maging tanyag; at nararapat na hindi gumawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay, kundi nararapat silang tustusan ng mga tao.

At siya ay nagpatotoo rin sa mga tao na ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa huling araw, at na hindi nila kinakailangang matakot ni manginig, kundi ang itaas nila ang kanilang mga ulo at magalak; sapagkat nilikha ng Panginoon ang lahat ng tao, at kanya ring tinubos ang lahat ng tao; at, sa katapusan, ang lahat ng tao ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Alma 1:5–6

Maraming tao ang naniwala kay Nehor at sumunod sa kanyang mga turo.

At ito ay nangyari na, na itinuro niya ang mga bagay na ito nang husto kung kaya’t marami ang naniwala sa kanyang mga salita, maging sa napakarami kung kaya’t nagsimula silang tustusan siya at bigyan siya ng salapi. At nagsimula siyang maiangat sa kapalaluan ng kanyang puso, at magbihis ng napakamamahal na kasuotan, oo, at nagsimula ring magtatag ng isang simbahan alinsunod sa paraan ng kanyang pangangaral.

Alma 1:7–9

Isang araw, nakatagpo ni Nehor si Gedeon sa lansangan; sila ay nagkaroon ng argumento, at pinatay ni Nehor si Gedeon.

At ito ay nangyari na, nang siya ay paalis na, upang mangaral sa mga yaong naniniwala sa kanyang salita, na nasalubong niya ang isang lalaking nabibilang sa simbahan ng Diyos, oo, maging isa sa kanilang mga guro; at siya ay nagsimulang makipagtalo sa kanya nang matalim, upang kanyang maakay palayo ang mga tao ng simbahan; subalit siya ay napangatwiranan ng lalaki, pinaaalalahanan siya sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos.

Ngayon, ang pangalan ng lalaki ay Gedeon, at siya yaong naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagpapalaya sa mga tao ni Limhi mula sa pagkaalipin. Ngayon, sapagkat siya ay napangatwiranan ni Gedeon sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos siya ay napoot kay Gedeon, at hinugot ang kanyang espada at nagsimulang saksakin siya. Ngayon, si Gedeon na pinatanda na ng maraming taon, kaya nga hindi niya nagawang mapaglabanan ang kanyang mga saksak, anupa’t napatay siya sa pamamagitan ng espada.

Alma 1:2,10–11

Si Nehor ay dinala sa hukuman.

... isang lalaking dinala sa kanyang harapan upang hatulan, isang malaking lalaki, at nakilala dahil sa kanyang labis na lakas.


At ang lalaking pumatay sa kanya ay dinakip ng mga tao ng simbahan, at dinala sa harapan ni Alma, upang mahatulan alinsunod sa mabibigat na kasalanang kanyang nagawa. At ito ay nangyari na, na siya ay tumindig sa harapan ni Alma at ipinagtanggol ang kanyang sarili nang buong kapangahasan.

Alma 1:12–14

Si Alma, ang punong-hukom, ay hinatulan siya ng kamatayan dahil sa pagpatay.

Subalit sinabi ni Alma sa kanya:

Masdan, ito ang unang pagkakataon na ang huwad na pagkasaserdote ay pinasimulan sa mga taong ito. At masdan, hindi ka lamang nagkasala ng huwad na pagkasaserdote, kundi nagpilit pang ipatupad ito sa pamamagitan ng espada; at kung ang huwad na pagkasaserdote ay ipatutupad sa mga taong ito ay mangangahulugan ito ng kanilang lubusang pagkalipol.

At pinadanak mo ang dugo ng isang mabuting tao, oo, isang taong nakagawa ng labis na kabutihan sa mga taong ito; at kung amin kang patatawarin, ang kanyang dugo ay uusig sa amin upang maghiganti. Anupa’t hinahatulan kang mamatay, alinsunod sa batas na ibinigay sa atin ni Mosias, na ating huling hari; at ito ay kinilala ng mga taong ito; kaya nga, ang mga taong ito ay kinakailangang sumunod sa batas.

Alma 1:15

Ipinagtapat ni Nehor ang kanyang kamalian, at binitay sa isang puno.

At ito ay nangyari na, na kanilang dinakip siya; at ang kanyang pangalan ay Nehor; at kanilang dinala siya sa tuktok ng burol ng Manti, at doon siya binigyang-katwiran, o sa lalong maliwanag ay pinaamin, sa pagitan ng kalangitan at ng lupa, na ano man ang kanyang itinuro sa mga tao ay salungat sa salita ng Diyos; at doon siya nagdanas ng isang kadusta-dustang kamatayan.