Ngayon, ito ay naging isang malaking pagsubok sa mga yaong nanatiling matatag sa pananampalataya; gayon pa man, sila ay naging matatag at di natitinag sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, at kanilang binata nang may pagtitiis ang pag-uusig na ibinunton sa kanila. At kapag iniiwanan ng mga saserdote ang kanilang gawain upang ipahayag ang salita ng Diyos sa mga tao, ang mga tao rin ay iniiwanan ang kanilang mga gawain upang pakinggan ang salita ng Diyos.
At kapag ang mga saserdote ay naipahayag na sa kanila ang salita ng Diyos, silang lahat ay muling nagbabalik nang buong sigasig sa kanilang mga gawain; at ang saserdote, ay hindi pinahahalagahan ang kanyang sarili nang higit sa kanyang mga tagapakinig sapagkat ang mangangaral ay hindi nakahihigit kaysa sa tagapakinig, ni ang guro ay nakahihigit kaysa sa mag-aaral; at sa gayon silang lahat ay pantay-pantay, at silang lahat ay gumagawa, bawat tao ayon sa kanyang lakas.
At ibinahagi nila ang kanilang kabuhayan, bawat tao alinsunod sa kanyang taglay, sa mga maralita, at nangangailangan, at sa may karamdaman, at sa naghihirap; at hindi sila nagbibihis ng mamahaling kasuotan, gayon man, sila ay maaayos at kaakit-akit. At sa gayon itinatag ang mga gawain ng simbahan; at sa gayon sila nagsimulang magkaroong muli ng patuloy na kapayapaan, sa kabila ng lahat ng pag-uusig sa kanila.
At ngayon, dahil sa katatagan ng simbahan sila ay nagsimulang labis na magsiyaman, nananagana sa lahat ng bagay ano man ang kanilang kinakailangan—nagkaroon ng kasaganaan sa mga kawan ng tupa at baka, at patabain ng lahat ng uri, at kasaganaan din sa butil, at sa ginto, at sa pilak, at sa mahahalagang bagay, at kasaganaan sa sutla at maiinam na hinabing lino, at lahat ng uri ng matitibay na kayo.
At sa gayon, sa kanilang maunlad na kalagayan, hindi nila itinaboy ang sino mang mga hubad, o mga gutom, o mga uhaw, o mga may karamdaman, o mga hindi nakandili; at hindi nila inilagak ang kanilang mga puso sa mga kayamanan; anupa’t sila ay naging mapagbigay sa lahat, kapwa matanda at bata, kapwa alipin at malaya, kapwa lalaki at babae, maging sa labas ng simbahan o sa loob ng simbahan, walang itinatangi sa mga tao hinggil sa mga yaong nangangailangan.
At sa gayon sila umunlad at naging higit na mayayaman kaysa sa mga yaong hindi nabibilang sa kanilang simbahan. Sapagkat yaong mga hindi nabibilang sa kanilang simbahan ay pinalayaw ang kanilang sarili sa mga pangungulam, at sa pagsamba sa mga diyus-diyusan, o katamaran, at sa paninirang-puri, at sa inggitan at sa sigalutan; nagbibihis ng mamahaling kasuotan; iniaangat sa kapalaluan ng kanilang sariling paningin; nang-uusig, nagsisinungaling, nagnanakaw, nanloloob, gumagawa ng mga pagpapatutot, at pumapaslang, at lahat ng uri ng kasamaan; gayon pa man, ang batas ay ipinatutupad sa lahat ng yaong lumalabag dito, hangga’t maaari.
At ito ay nangyari na, na sa pamamagitan ng gayong pagpapatupad ng batas sa kanila, bawat tao ay nagdurusa alinsunod sa nagawa niya, sila ay naging higit na matatag, at hindi nangahas na gumawa ng ano mang kasamaan kung ito ay malalaman; kaya nga nagkaroon ng labis na kapayapaan sa mga tao ni Nephi hanggang sa ikalimang taon ng panunungkulan ng mga hukom.