Ang Panahon ng Digmaan ng Zarahemla

Ang Pag-urong Ng Mga Amalikita at Ang Muog Ng Mga Nephita

Alma 46:28–29

Si Amalikeo, nakikita ang mga suportang nakukuha ni Moroni, at nagaalala na ang kanyang mga sariling tagasunod ay magduda sa kanyang ipinaglalaban, ay kinuha ang mga yaong susunod sa kanya sa lupain ng Nephi, na kung saan pinaplano niyang makianib sa mga Lamanita.

Ngayon ito ay nangyari na, nang sabihin ni Moroni ang mga salitang ito ay humayo siya, at nagpasabi rin sa lahat ng dako ng lupain kung saan may mga nagsipagtiwalag, at kinalap ang lahat ng taong nagnanais na mapanatili ang kanilang kalayaan, upang sumalungat laban kay Amalikeo at sa mga yaong nagsitiwalag, na tinatawag na mga Amalikeohita.

At ito ay nangyari na, nang makita ni Amalikeo na higit na nakararami ang mga tao ni Moroni kaysa sa mga Amalikeohita— at nakita rin niya na ang kanyang mga tao ay nag-aalinlangan hinggil sa katarungan ng panig na kanilang inaniban—kaya nga, nangangambang baka hindi niya makamit ang layunin, ipinagsama niya yaong kanyang mga tao na ibig sumama at lumisan patungo sa lupain ng Nephi.

Alma 46:30–32

Si Moroni, hindi nagnanais na ang mga Lamanita ay makatanggap pa ng higit na lakas, ay pinangunahan ang kanyang pangkat sa pagtatangkang tambangan ang mga tao ni Amalikeo.

Ngayon inakala ni Moroni na hindi kinakailangang magkaroon ng higit pang lakas ang mga Lamanita; anupa’t kanyang naisip na harangin ang mga tao ni Amalikeo, o dakpin sila at ibalik sila, at patayin si Amalikeo; oo, sapagkat nalalaman niya na kanyang pupukawin ang mga Lamanita na magalit laban sa kanila, at uudyukan sila na sumalakay upang makidigma laban sa kanila; at ito ay alam niyang gagawin ni Amalikeo upang makamit niya ang kanyang mga layunin.

Kaya nga, inakala ni Moroni na kinakailangang ipagsama niya ang kanyang mga hukbo, na magkakasamang tinipon ang kanilang sarili, at sinandatahan ang kanilang sarili, at nakipagtipan na panatilihin ang kapayapaan—at ito ay nangyari na, na ipinagsama niya ang kanyang hukbo at humayong dala ang kanilang mga tolda patungo sa ilang, upang harangin ang daraanan ni Amalikeo sa ilang. At ito ay nangyari na, na ginawa niya ang naaalinsunod sa kanyang mga naisin, at humayo sa ilang, at hinadlangan ang mga hukbo ni Amalikeo.

Alma 46:33–34

Ang mga puwersa ni Moroni ay kinatagpo ang kay Amalikeo—nagawang makatakas ni Amalikeo at kakaunti sa mga tagasunod, ngunit ang mga nalalabi ay dinala pabalik sa Zarahemla.

At ito ay nangyari na, na si Amalikeo ay tumakas na kasama ang maliit na bilang ng kanyang mga tauhan, at ang nalabi ay nahulog sa mga kamay ni Moroni at dinalang pabalik sa lupain ng Zarahemla. Ngayon, si Moroni na isang lalaking hinirang ng mga punong hukom at ng tinig ng mga tao, kaya nga, siya ay may kapangyarihan alinsunod sa kanyang kagustuhan sa mga hukbo ng mga Nephita, na magtatag at gumamit ng kapangyarihan sa kanila.

Alma 46:35

Ang mga Amalikeohita na tumangging magtaguyod kay Moroni at sa kanyang layunin ng kalayaan ay hinatulan ng kamatayan.

At ito ay nangyari na, na sino man sa mga Amalikeohita ang tumangging makipagtipan na itataguyod ang layunin ng kalayaan, upang sila ay makapagpanatili ng malayang pamahalaan, ay ipinapapatay niya; at kakaunti lamang ang tumanggi sa tipan ng kalayaan.

Alma 46:36–37

Ipinagpapatuloy ang kanyang kampanya para sa kalayaan, pinapangyari ni Moroni na ang kanyang bandila ng kalayaan ay maitaas sa bawat tore ng mga teritoryong Nephita, at ang mga Nephita ay nagtamasa ng bahagyang kapayapaan.

At ito rin ay nangyari na, na ipinataas niya ang bandila ng kalayaan sa bawat tore na nasa lahat ng lupain, na pag-aari ng mga Nephita; at sa ganito itinayo ni Moroni ang bandila ng kalayaan sa mga Nephita. At sila ay nagsimulang muling magkaroon ng kapayapaan sa lupain; at sa gayon nila napanatili ang kapayapaan sa lupain hanggang sa pagtatapos ng ikalabingsiyam na taon ng panunungkulan ng mga hukom.

Alma 46:38-39

Apat na taong kapayapaan ang tinamasa habang si Helaman at ang kapisanan ng mga saserdote ay nagpapanatili ng kaayusan sa simbahan, patuloy na nagtuturo tungkol kay Jesukristo.

At si Helaman at ang matataas na saserdote ay nagpanatili rin ng kaayusan sa simbahan; oo, maging sa loob ng apat na taon ay nagkaroon sila ng labis na kapayapaan at pagsasaya sa simbahan. At ito ay nangyari na, na marami ang namatay, matibay na naniniwala na ang kanilang mga kaluluwa ay tinubos ng Panginoong Jesucristo; sa gayon sila lumisan sa daigdig na nagsasaya.

Alma 46:40-41

Sa panahong ito ng kapayapaan, kahit na ang ilan sa mga tao ay namatay sa karamdaman, ang pangangalagang pangkalusugan ay naging matagumpay dahil sa kasaganaan sa mga halamang panglunas.

At may ilang nangamatay sa mga lagnat, na sa ilang panahon ay napakadalas sa lupain—subalit hindi gaanong malubha ang mga lagnat dahil sa labis na kainaman ng maraming halaman at ugat na inihanda ng Diyos upang maalis ang sanhi ng mga karamdaman, na pumapasailalim sa mga tao dahil sa kalagayan ng klima— Subalit marami ang nangamatay dahil sa katandaan; at ang mga yaong nangamatay sa pananampalataya kay Cristo ay maligaya sa kanya, tulad ng nararapat nating akalain.