Subalit masdan, ito ay nangyari na, na sa ikadalawampu at pitong taon ng panunungkulan ng mga hukom, na si Tiankum, sa pag-uutos ni Moroni—na nagtalaga ng mga hukbo upang ipagtanggol ang katimugan at ang kanlurang hangganan ng lupain, at sinimulan ang kanyang paghayo patungo sa lupaing Masagana, upang matulungan niya si Tiankum kasama ang kanyang mga tauhan sa pagbawi ng mga lunsod na nawala sa kanila— At ito ay nangyari na, na si Tiankum ay nakatanggap ng mga utos na gumawa ng pagsalakay sa lunsod ng Mulek, at bawiin ito kung maaari.
At ito ay nangyari na, na si Tiankum ay gumawa ng paghahanda upang magsagawa ng pagsalakay sa lunsod ng Mulek, at humayong kasama ang kanyang hukbo laban sa mga Lamanita; subalit nakita niya na hindi nila maaaring magapi sila habang sila ay nasa kanilang mga muog; kaya nga tinalikdan niya ang kanyang balak at muling bumalik sa lunsod ng Masagana, upang hintayin ang pagdating ni Moroni, nang siya ay makatanggap ng lakas sa kanyang hukbo.
At ito ay nangyari na, na si Moroni ay dumating na kasama ang kanyang hukbo sa lupain ng Masagana, sa pagtatapos ng ikadalawampu at pitong taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.
At sa pagsisimula ng ikadalawampu at walong taon, sina Moroni at Tiankum, at marami sa mga punong kapitan ay nagkaroon ng pulong ng digmaan—kung ano ang kanilang nararapat gawin upang magawa nilang palabasin ang mga Lamanita upang labanan sila sa digmaan; o maaari nilang linlangin sila sa anumang paraan upang sila ay lumabas sa kanilang mga muog, upang sila ay makakuha ng kalamangan laban sa kanila at muling makuha ang lunsod ng Mulek.
At ito ay nangyari na, sila ay nagpasugo ng mga mensahero sa hukbo ng mga Lamanita, na nagtatanggol sa lunsod ng Mulek, sa kanilang pinuno, na nagngangalang Jacob, hinihiling sa kanya na siya ay lumabas na kasama ang kanyang mga hukbo upang harapin sila sa kapatagan na nasa pagitan ng dalawang lunsod. Subalit masdan, si Jacob, na isang Zoramita, ay tumangging lumabas na kasama ang kanyang hukbo upang harapin sila sa kapatagan.
At ito ay nangyari na, na si Moroni, na nawalan ng pag-asang makaharap sila sa isang patas na labanan, kaya nga, siya ay bumuo ng isang plano upang malinlang niyang lumabas ang mga Lamanita mula sa kanilang mga muog. Anupa’t inutusan niya si Tiankum na magsama ng maliit na bilang ng mga tauhan at humayo sa malapit sa dalampasigan; at si Moroni at ang kanyang hukbo, sa gabi, ay humayo sa ilang, sa kanluran ng lunsod ng Mulek; at sa gayon, sa kinabukasan, nang matuklasan ng mga bantay ng mga Lamanita sina Tiankum, sila ay nagsitakbo at sinabi ito kay Jacob, na kanilang pinuno.
At ito ay nangyari na, na ang mga hukbo ng mga Lamanita ay humayo laban kina Tiankum, inaakalang sa pamamagitan ng kanilang bilang ay magagapi sina Tiankum dahil sa kaliitan ng kanyang bilang. At nang makita ni Tiankum ang mga hukbo ng mga Lamanita na sumasalakay laban sa kanya, siya ay nagsimulang umurong pababa sa dalampasigan, pahilaga.
At ito ay nangyari na, nang makita ng mga Lamanita na siya ay nagsimulang tumakas, lumakas ang kanilang loob at tinugis sila nang matulin. At habang inilalayo nina Tiankum ang mga Lamanita na tumutugis sa kanila nang walang saysay, masdan, iniutos ni Moroni na isang bahagi ng kanyang hukbo na kasama niya ay humayo patungo sa lunsod, at angkinin ito.
At gayon ang ginawa nila, at pinatay ang lahat ng yaong naiwan upang ipagtanggol ang lunsod, oo, lahat ng yaong tumangging isuko ang kanilang mga sandata ng digmaan. At sa gayon nakuha ni Moroni ang pag-aari ng lunsod ng Mulek sa pamamagitan ng isang bahagi ng kanyang hukbo, samantalang siya ay humayong kasama ang nalalabi upang harapin ang mga Lamanita sa kanilang pagbalik mula sa pagtugis kina Tiankum.
At ito ay nangyari na, na tinugis ng mga Lamanita sina Tiankum hanggang sa sila ay makarating sa malapit sa lunsod ng Masagana, at pagkatapos sila ay hinarap nina Lehi at ng isang maliit na hukbo, na naiwanan upang ipagtanggol ang lunsod ng Masagana.
At ngayon masdan, nang mamasdan ng mga punong kapitan ng mga Lamanita si Lehi at ang kanyang hukbo na sumasalakay sa kanila, sila ay nagsitakas sa labis na pagkalito, na baka hindi nila makuha ang lunsod ng Mulek bago sila maabutan nina Lehi; sapagkat sila ay napagod dahil sa kanilang paghayo, at ang mga tauhan ni Lehi ay hindi pagod. Ngayon, hindi nalalaman ng mga Lamanita na si Moroni ay nasa likuran nila kasama ang kanyang hukbo; at ang kinatatakutan lamang nila ay si Lehi at ang kanyang mga tauhan.
Ngayon, hindi nais nina Lehi na sila ay maabutan hanggang sa makaharap nila si Moroni at ang kanyang hukbo. At ito ay nangyari na, na bago pa nakaatras nang malayo ang mga Lamanita sila ay napaligiran na ng mga Nephita, ng mga tauhan ni Moroni sa isang panig, at ng mga tauhan ni Lehi sa kabila, lahat sila ay pawang mga hindi pagod at puno ng lakas; subalit ang mga Lamanita ay pagod dahil sa kanilang mahabang paghayo. At inutusan ni Moroni ang kanyang mga tauhan na salakayin sila hanggang sa isuko nila ang kanilang mga sandata ng digmaan.
At ito ay nangyari na, na si Jacob, na kanilang pinuno, na isa ring Zoramita, at may di malupig na espiritu, pinamunuan niya ang mga Lamanita na makidigma sa masidhing galit laban kina Moroni. Sina Moroni na nasa kanilang daraanan, anupa’t nagtika si Jacob na patayin sila at maghawan ng kanyang daraanan patungo sa lunsod ng Mulek. Subalit masdan, si Moroni at ang kanyang mga tauhan ay higit na malalakas; kaya nga hindi nila binigyang-daan ang mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na sila ay lumaban sa magkabilang panig sa masidhing galit; at marami ang napatay sa magkabilang panig; oo, at si Moroni ay nasugatan at si Jacob ay napatay. At si Lehi ay dumaluhong sa kanilang likuran sa masidhing galit kasama ang kanyang malalakas na tauhan, kung kaya’t ang mga Lamanita sa likuran ay nagsuko ng kanilang mga sandata ng digmaan; at ang nalalabi sa kanila, sapagkat labis na nalito, ay hindi malaman kung saan susuling o hahataw.
Ngayon, si Moroni na nakikita ang kanilang pagkalito, sinabi niya sa kanila: Kung dadalhin ninyo ang inyong mga sandata ng digmaan at isusuko ang mga ito, masdan, ititigil namin ang pagpapadanak ng inyong dugo.
At ito ay nangyari na, nang marinig ng mga Lamanita ang mga salitang ito, ang kanilang mga punong kapitan, lahat ng yaong hindi napatay, ay lumapit at inihagis ang kanilang mga sandata ng digmaan sa paanan ni Moroni, at inutusan din ang kanilang mga tauhan na gayon din ang kanilang gawin.
Subalit masdan, marami ang tumanggi; at ang mga yaong tumangging isuko ang kanilang mga espada ay dinakip at iginapos, at ang kanilang mga sandata ng digmaan ay kinuha mula sa kanila, at napilitan silang humayo kasama ng kanilang mga kapatid patungo sa lupaing Masagana. Ngayon, ang bilang ng mga bihag na nadakip ay nahigitan pa ang bilang ng mga yaong napatay, oo, higit pa sa yaong mga napatay sa magkabilang panig.