Ngayon ito ay nangyari na, na si Moroni, matapos niyang makuha ang pag-aari ng lunsod ng Nefihas, matapos makadakip ng maraming bihag, na nakapagbawas sa mga hukbo ng mga Lamanita nang malaki, at matapos mabawi ang marami sa mga Nephita na mga nadalang bihag, na nagpalakas sa hukbo ni Moroni nang labis-labis; kaya nga, si Moroni ay nagtungo mula sa lupain ng Nefihas sa lupain ng Lehi. At ito ay nangyari na, nang makita ng mga Lamanita na si Moroni ay sumasalakay sa kanila, na muli silang natakot at nagsitakas mula sa harapan ng hukbo ni Moroni.
At ito ay nangyari na, na tinugis sila ni Moroni at ng kanyang hukbo sa bawat lunsod, hanggang sa makaharap nila sina Lehi at Tiankum; at ang mga Lamanita ay nagsitakas mula kina Lehi at Tiankum, maging hanggang sa mga hangganan sa may dalampasigan, hanggang sa sila ay makarating sa lupain ng Moroni. At ang lahat ng hukbo ng mga Lamanita ay sama-samang nagtipon hanggang sa silang lahat ay naging iisang hukbo sa lupain ng Moroni. Ngayon si Amoron, ang hari ng mga Lamanita, ay kasama rin nila.
At ito ay nangyari na, na sina Moroni at Lehi at Tiankum ay nagkuta kasama ang kanilang mga hukbo sa paligid sa mga hangganan ng lupain ng Moroni, hanggang sa ang mga Lamanita ay mapaligiran sa mga hangganan ng ilang sa timog, at sa mga hangganan ng ilang sa silangan.
At sa gayon sila nagkuta sa gabi. Sapagkat masdan, ang mga Nephita at ang mga Lamanita rin ay pagod dahil sa kahabaan ng paglalakbay; anupa’t hindi sila nag-isip na gumawa ng pakana sa gabi, maliban kay Tiankum; sapagkat siya ay labis na nagalit kay Amoron, hanggang sa inakala niya na si Amoron, at si Amalikeo na kanyang kapatid, ang dahilan ng malaki at matagal na digmaang ito sa pagitan nila at ng mga Lamanita, na naging dahilan ng labis na digmaan at pagdanak ng dugo, oo, at masidhing taggutom.
At ito ay nangyari na, na si Tiankum sa kanyang galit ay nagtungo sa kuta ng mga Lamanita, at ibinaba ang kanyang sarili sa mga muog ng lunsod.
At siya ay humayong may dalang lubid, sa bawat dako, hanggang sa natagpuan niya ang hari...
...at kanyang pinukol siya ng sibat, na tumuhog sa kanya sa malapit sa puso.
Subalit masdan, nagising ng hari ang kanyang mga tagapagsilbi bago siya namatay, kung kaya’t tinugis nila si Tiankum, at pinatay siya.
Ngayon ito ay nangyari na, nang malaman nina Lehi at Moroni na patay na si Tiankum ay labis silang nalungkot; sapagkat masdan, siya ay isang lalaking buong giting na nakipaglaban para sa kanyang bayan, oo, isang tunay na kaibigan ng kalayaan; at nagdanas siya ng napakaraming masisidhing paghihirap. Subalit masdan, siya ay patay na, at yumaon ng lakad ng buong lupa.
Ngayon ito ay nangyari na, na si Moroni ay humayo kinabukasan, at sinalakay ang mga Lamanita, hanggang sa kanilang pinagpapatay sila ng labis na pagkatay; at kanilang naitaboy silang palabas ng lupain; at nagsitakas sila, maging sa hindi na sila bumalik pa sa panahong yaon laban sa mga Nephita.
At sa gayon nagtapos ang ikatatlumpu at isang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi; at sa gayon sila nagkaroon ng mga digmaan, at pagdadanak ng dugo, at taggutom, at paghihirap, sa loob ng maraming taon. At nagkaroon ng mga pagpaslang, at alitan, at pagtiwalag, at lahat ng uri ng kasamaan sa mga tao ni Nephi; gayon pa man alang-alang sa mabubuti, oo, dahil sa mga panalangin ng mabubuti, sila ay naligtas.
Subalit masdan, dahil sa labis na katagalan ng digmaan na namagitan sa mga Nephita at sa mga Lamanita ay marami ang naging matitigas, dahil sa labis na katagalan ng digmaan; at marami ang napalambot dahil sa kanilang paghihirap, kung kaya nga’t sila ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos, maging sa kailaliman ng pagpapakumbaba.