At ito ay nangyari na, na ako ay bumalik kasama ang aking dalawang libo laban sa mga Lamanita na ito na tumutugis sa amin. At ngayon masdan, ang mga hukbo ni Antipus ay naabutan sila, at nagsimula ang isang kakila-kilabot na digmaan. Ang hukbo ni Antipus na mga pagod dahil sa kanilang mahabang paglalakbay sa napakaikling panahon, ay magsisibagsak na sana sa mga kamay ng mga Lamanita; at kung hindi ako bumalik na kasama ang aking dalawang libo ay makakamtan na sana nila ang kanilang layunin.
Sapagkat si Antipus ay bumagsak sa pamamagitan ng espada, at marami sa kanyang mga pinuno, dahil sa kanilang kapaguran, na sanhi ng bilis ng kanilang paghayo—kaya nga, ang mga tauhan ni Antipus, na nalilito dahil sa pagbagsak ng kanilang mga pinuno, ay nagsimulang magbigay-daan sa harapan ng mga Lamanita.