Ngayon, nang makita namin na ang mga Lamanita ay nagsimulang maging balisa sa paraang ito, nagnais kaming gumawa ng pakana sa kanila; anupa’t si Antipus ay nag-utos na humayo ako kasama ang maliliit na anak ko patungo sa kalapit na lunsod, na tila bagang kami ay nagdadala ng mga pagkain para sa kalapit na lunsod. At pinahayo kami sa malapit sa lunsod ng Antipara, na tila bagang magtutungo kami sa kasunod na lunsod, sa mga hangganan sa may dalampasigan.
At ito ay nangyari na, na kami ay humayo, na tila bagang may mga pagkain, upang magtungo sa lunsod na yaon. At ito ay nangyari na, na si Antipus ay humayo kasama ang bahagi ng kanyang hukbo, iniwanan ang nalalabi upang pangalagaan ang lunsod. Subalit hindi siya humayo hangga’t nakahayo na ako kasama ang maliit kong hukbo, at nakalapit sa lunsod ng Antipara. At ngayon, sa lunsod ng Antipara nakahimpil ang pinakamalakas na hukbo ng mga Lamanita; oo, ang pinakamarami.
At ito ay nangyari na, nang maipaalam ito sa kanila ng kanilang mga tiktik, sila ay lumabas kasama ang kanilang hukbo at humayo laban sa amin. At ito ay nangyari na, na kami ay nagsitakas sa harapan nila, pahilaga. At sa gayon namin naakay palayo ang pinakamalakas na hukbo ng mga Lamanita;
Oo, nang may kalayuan, kung kaya’t nang makita nila ang hukbo ni Antipus na tumutugis sa kanila, nang kanilang buong lakas, na hindi sila lumiko sa kanan ni sa kaliwa, kundi ipinagpatuloy ang kanilang paghayo sa tuwid na landas sa pagtugis sa amin; at, tulad ng inaakala namin, kanilang layuning mapatay kami bago sila maunahan ni Antipus, at ito ay upang hindi sila mapaligiran ng aming mga tao.
At ngayon si Antipus, namamalas ang aming panganib, ay pinabilis ang paghayo ng kanyang hukbo. Subalit masdan, gabi na; kaya nga, kami ay hindi nila naunahan, ni hindi sila naunahan ni Antipus; anupa’t nanguta kami para sa gabi.
At ito ay nangyari na, na bago sumapit ang pagsikat ng umaga, masdan, ang mga Lamanita ay tinutugis kami. Ngayon hindi sapat ang aming lakas upang makipaglaban sa kanila; oo, hindi ko mapahihintulutan na ang aking maliliit na anak ay bumagsak sa kanilang mga kamay; kaya nga ipinagpatuloy namin ang aming paglalakbay, at ginawa namin ang aming paglalakbay sa ilang. Ngayon hindi sila nagtangkang lumiko sa kanan ni sa kaliwa at baka sila mapaligiran; ni hindi rin ako lumiko sa kanan ni sa kaliwa at baka maabutan nila ako, at hindi namin kayang humarap sa kanila, kundi mapatay, at gagawin nila ang kanilang pagtakas; at sa gayon kami tumakas sa buong maghapon sa ilang, maging hanggang sa magdilim.
At ito ay nangyari na, na muli, nang sumapit ang liwanag ng umaga ay nakita namin ang mga Lamanita na sumasalakay sa amin, at kami ay nagsitakas mula sa kanilang harapan. Subalit ito ay nangyari na, na hindi nagtagal ang kanilang pagtugis sa amin nang tumigil sila; at ito ay sa umaga ng ikatlong araw ng ikapitong buwan. At ngayon, kung naabutan man sila ni Antipus ay hindi namin nalalaman, subalit sinabi ko sa mga tauhan ko:
Masdan, hindi natin nalalaman na baka tumigil sila sa layuning tayo ang sumalakay sa kanila, upang kanilang mahuli tayo sa kanilang bitag; Kaya nga, ano ang masasabi ninyo, aking mga anak, haharapin ba ninyo sila upang makidigma?
At ngayon sinasabi ko sa iyo, mahal kong kapatid na Moroni, na hindi pa ako nakakikita ng labis na katapangan, hindi pa, ni sa lahat ng Nephita. Sapagkat tulad ng pagtawag ko sa kanila na aking mga anak (sapagkat silang lahat ay labis na napakabata pa) gayon man sinabi nila sa akin:
Ama, masdan, kasama natin ang ating Diyos, at hindi niya pahihintulutang bumagsak tayo; samakatwid, tayo ay humayo; hindi natin papatayin ang ating mga kapatid kung kanilang hahayaan tayo; samakatwid, halina’t tayo ay humayo, at baka magapi nila ang hukbo ni Antipus.
Ngayon hindi pa sila nakikipaglaban, gayon pa man sila ay hindi natakot sa kamatayan; at mas inisip pa nila ang kalayaan ng kanilang mga ama kaysa sa kanilang sariling mga buhay; oo, sila ay tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos. At inilahad nila sa akin ang mga salita ng kanilang mga ina, sinasabing:
Hindi kami nag-aalinlangan, nalalaman ito ng aming mga ina.
At ito ay nangyari na, na ako ay bumalik kasama ang aking dalawang libo laban sa mga Lamanita na ito na tumutugis sa amin. At ngayon masdan, ang mga hukbo ni Antipus ay naabutan sila, at nagsimula ang isang kakila-kilabot na digmaan. Ang hukbo ni Antipus na mga pagod dahil sa kanilang mahabang paglalakbay sa napakaikling panahon, ay magsisibagsak na sana sa mga kamay ng mga Lamanita; at kung hindi ako bumalik na kasama ang aking dalawang libo ay makakamtan na sana nila ang kanilang layunin.
Sapagkat si Antipus ay bumagsak sa pamamagitan ng espada, at marami sa kanyang mga pinuno, dahil sa kanilang kapaguran, na sanhi ng bilis ng kanilang paghayo—kaya nga, ang mga tauhan ni Antipus, na nalilito dahil sa pagbagsak ng kanilang mga pinuno, ay nagsimulang magbigay-daan sa harapan ng mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na ang mga Lamanita ay nagkalakas-loob, at nagsimulang tugisin sila; at sa gayon sila tinutugis ng mga Lamanita nang may labis na pagsusumigasig nang si Helaman ay dumating sa kanilang likuran kasama ang kanyang dalawang libo, at nagsimula silang labis na pagpapatayin, hanggang sa ang buong hukbo ng mga Lamanita ay tumigil at bumaling kay Helaman. Ngayon, nang makita ng mga tao ni Antipus na nagsitalikod ang mga Lamanita, sama-samang tinipon nila ang kanilang mga tauhan at muling sumalakay sa likuran ng mga Lamanita.
At ngayon ito ay nangyari na, na kami, ang mga tao ni Nephi, ang mga tao ni Antipus, at ako kasama ang aking dalawang libo, ay pinaligiran ang mga Lamanita, at pinagpapatay sila; oo, hanggang sa sila ay napilitang isuko ang kanilang mga sandata ng digmaan at gayon din ang kanilang sarili bilang mga bihag ng digmaan.
At ngayon ito ay nangyari na, nang isuko nila ang kanilang sarili sa amin, masdan, binilang ko ang mga yaong kabataan na kasama kong nakipaglaban, nangangambang baka marami sa kanila ang napatay. Subalit masdan, sa aking labis na kagalakan, wala ni isang katao sa kanila ang bumagsak sa lupa; oo, at sila ay nakipaglaban na tila bagang may lakas ng Diyos; oo, wala pang nalalamang nakipaglaban ang mga tao nang may gayong kahiwagang lakas; at lakip ang gayong makapangyarihang lakas nang sinalakay nila ang mga Lamanita, kung kaya’t kanilang natakot sila; at dahil dito isinuko ng mga Lamanita ang kanilang sarili bilang mga bihag ng digmaan.
At dahil sa wala kaming paglalagyan para sa mga bihag namin, nang mabantayan namin sila upang matanuran namin sila mula sa mga hukbo ng mga Lamanita, kaya nga ipinadala namin sila sa lupain ng Zarahemla, at isang bahagi ng mga yaong tauhan ni Antipus na hindi napatay, na kasama nila; at ang nalalabi ay isinama ko at inianib sila sa aking kabataang mga Ammonita, at sinimulan ang aming paglalakbay pabalik sa lunsod ng Judea.