At ngayon ito ay nangyari na, na ang mga hukbo ng mga Lamanita, sa kanlurang dagat, sa katimugan, habang wala si Moroni dahil sa ilang di pagkakaunawaan sa mga Nephita, na pinagmulan ng mga pagtitiwalag sa kanila, ay nakakuha ng kaunting pagwawagi sa mga Nephita, oo, kung kaya’t sila ay nakapag-angkin ng ilang bilang ng kanilang mga lunsod sa bahaging yaon ng lupain. At sa gayon dahil sa kasamaan sa kanila, oo, dahil sa mga pagtitiwalag at di pagkakaunawaan sa kanila, sila ay nalagay sa napakamapanganib na katayuan.
At ngayon, ito ang mga lunsod na naangkin ng mga Lamanita sa pamamagitan ng pagpapadanak ng dugo ng napakarami sa ating magigiting na tauhan: Ang lupain ng Manti, o ang lunsod ng Manti, at ang lunsod ng Zisrom, at ang lunsod ng Cumeni, at ang lunsod ng Antipara.
At ang mga Lamanita ay nakapagpanatili rin ng maraming bihag, lahat sila ay mga punong kapitan, sapagkat wala nang iba silang pinatawad na mabuhay. At inaakala namin na sila ngayon sa mga oras na ito ay nasa lupain ng Nephi; gayon nga ito kung hindi sila napatay.
Subalit masdan, narito ang isang bagay kung saan tayo ay maaaring magkaroon ng labis na kagalakan. Sapagkat masdan, sa ikadalawampu at anim na taon, ako, si Helaman, ay humayo sa unahan nitong dalawang libong kabataang lalaki patungo sa lunsod ng Judea, upang tulungan si Antipus, na siyang hinirang mong pinuno ng mga tao sa bahaging yaon ng lupain.
At sinamahan ko ang aking dalawang libong anak, (sapagkat sila ay karapat-dapat na tawaging mga anak) patungo sa hukbo ni Antipus, kung aling lakas ay labis na ikinasiya ni Antipus; sapagkat masdan, ang kanyang hukbo ay nabawasan ng mga Lamanita dahil sa nakapatay ang kanilang hukbo ng malaking bilang ng ating mga tauhan, kung aling pangyayari ay nararapat tayong magdalamhati. Gayon pa man, maaaliw natin ang ating sarili sa bagay na ito, na sila ay namatay para sa kanilang bayan at sa kanilang Diyos, oo, at sila ay maliligaya.
At ngayon ito ay nangyari na, na si Helaman ay humayo sa unahan ng kanyang dalawang libong kabataang mga kawal, upang tulungan ang mga tao sa mga hangganan ng lupain sa katimugan sa may kanlurang dagat. At sa gayon nagtapos ang ikadalawampu at walong taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi.
At ito ang mga lunsod na naangkin nila nang ako ay makarating sa lunsod ng Judea; at natagpuan ko si Antipus at ang kanyang mga tauhan na gumagawa nang buong lakas upang patibayin ang lunsod. Oo, at sila ay pinanghihinaan na ng katawan maging sa espiritu, sapagkat sila ay buong giting na nakikipaglaban sa araw at gumagawa sa gabi upang pangalagaan ang kanilang mga lunsod; at sa gayon sila nagdanas ng labis na paghihirap ng lahat ng uri.
At ngayon, sila ay nagtikang magwagi sa lugar na ito o mamatay; anupa’t maaari mong akalain na itong maliit na hukbong dinala ko, oo, yaong mga anak ko, ay nagbigay sa kanila ng malaking pag-asa at labis na kagalakan.
At ngayon ito ay nangyari na, nang makita ng mga Lamanita na si Antipus ay nakatanggap ng karagdagang lakas sa kanyang hukbo, sila ay napilitan sa mga utos ni Amoron na huwag sumalakay sa lunsod ng Judea, o lumaban sa amin, upang makidigma. At sa gayon kami pinagpala ng Panginoon; sapagkat kung sila ay sumalakay sa amin sa kahinaan naming ito na maaari na sana nilang malipol ang aming maliit na hukbo; subalit sa gayon kami pinangalagaan.
Sila ay inutusan ni Amoron na pangalagaan ang mga yaong lunsod na nasakop nila. At sa gayon nagtapos ang ikadalawampu at anim na taon. At sa pagsisimula ng ikadalawampu at pitong taon ay naihanda na namin ang ating lunsod at aming sarili sa pagtatanggol. Ngayon, kami ay nagnanais na salakayin kami ng mga Lamanita; sapagkat hindi namin nais na salakayin sila sa kanilang mga muog.
At ito ay nangyari na, na kami ay naglagay ng mga tiktik sa paligid, upang bantayan ang mga galaw ng mga Lamanita, upang hindi nila kami malampasan sa gabi ni sa araw upang makasalakay sa iba nating mga lunsod na nasa kahilagaan. Sapagkat nalalaman namin na sa mga lunsod na yaon ay hindi sapat ang kanilang lakas upang harapin sila; kaya nga, kami ay nagnais, kung kanilang lalampasan kami, na salakayin sila sa kanilang likuran, at sa gayon sila salakayin sa likuran at sa gayon ding oras ay makasagupa sila sa harapan. Inaakala naming magagapi namin sila; ...
...subalit masdan, kami ay nabigo sa aming naising ito. Sila ay hindi nagtangkang lampasan kami ng kanilang buong hukbo, ni isang bahagi nila, at baka hindi sapat ang kanilang lakas at sila ay bumagsak. Ni sila ay nagtangkang humayo laban sa lunsod ng Zarahemla; ni sila ay nagtangkang tawirin ang bukal ng Sidon, patungo sa lunsod ng Nefihas. At sa gayon, sa pamamagitan ng kanilang mga hukbo, sila ay nagtikang pangalagaan ang mga lunsod na yaon na kanilang nasakop.
At ngayon ito ay nangyari na, na sa ikalawang buwan ng taong ito, may dinala sa aming maraming pagkain mula sa mga ama ng yaong aking dalawang libong anak. At may ipinadala ring dalawang libong tauhan sa amin mula sa lupain ng Zarahemla. At sa gayon kami nakahanda nang may sampung libong tauhan, at mga pagkain para sa kanila, at para rin sa kanilang mga asawa at kanilang mga anak.
At ang mga Lamanita, dahil sa nakikitang dumarami ang aming mga hukbo sa araw-araw, at dumarating ang mga pagkain para sa aming panustos, nagsimula silang matakot, at nagsimulang biglaang sumasalakay, na kung maaari ay wakasan ang pagtanggap namin ng mga pagkain at lakas.