Ang Panahon ng Digmaan ng Zarahemla

Ang Pagkubkob sa Zarahemla

Helaman 1:16–17, 15

Ang bagong haring Lamanita, si Tubalot (Anak ni Amoron), ay nagtalaga ng isang lalaki na nagngangalang Coriantumer upang pamunuan ang mga sundalong Lamanita.

Kaya nga, ang hari ng mga Lamanita, na ang pangalan ay Tubalot, na anak na lalaki ni Amoron, sa pag-aakala na si Coriantumer, sapagkat isang malakas na lalaki, ay maaaring manaig sa mga Nephita, sa pamamagitan ng kanyang lakas at gayon din sa pamamagitan ng kanyang kahanga-hangang karunungan, kung kaya nga’t sa pamamagitan ng pagpapasugo sa kanya ay matamo niya ang kapangyarihan sa mga Nephita—

Kung kaya nga’t kanyang pinukaw sila na magalit, at kinalap niya ang kanyang mga hukbo, at hinirang niya si Coriantumer na maging pinuno nila, at pinahayo sila patungo sa lupain ng Zarahemla upang makidigma laban sa mga Nephita. At muli silang sumalakay upang sumagupa sa digmaan laban sa mga Nephita.


At sila ay pinamunuan ng isang lalaki na nagngangalang Coriantumer; at siya ay inapo ni Zarahemla; at isa siyang tumiwalag mula sa mga Nephita; at isa siyang malaki at malakas na lalaki.

Helaman 1:14–15

Tinipon ni Coriantumer at binigyan ng mga sandata ang isang malaking hukbo, at nagmartsa patungo sa Zarahemla.

At ito ay nangyari na, na sa ikaapatnapu at isang taon ng panunungkulan ng mga hukom, na nangalap ng di mabilang na hukbo ng mga tauhan ang mga Lamanita, at sinandatahan sila ng mga espada, at ng mga simitar at ng mga busog, at ng mga palaso, at ng mga baluti sa ulo, at ng mga baluti sa dibdib, at ng lahat ng uri ng pananggalang ng bawat uri. At muli silang sumalakay upang sumagupa sa digmaan laban sa mga Nephita.

Helaman 1:18

Dahil sa mga nagdaang suliraning politikal sa mga Nephita, ang Zarahemla ay hindi lubusang nabantayan.

At ito ay nangyari na, na dahil sa labis na alitan at maraming suliranin sa pamahalaan, na hindi sila nakapagtalaga ng sapat na bantay sa lupain ng Zarahemla; sapagkat inakala nila na ang mga Lamanita ay hindi magtatangkang pasukin ang pusod ng kanilang mga lupain upang lusubin ang yaong malaking lunsod ng Zarahemla.

Helaman 1:19–21

Ang hukbo ni Corianumer ay nilusob ang Zarahemla na may nakabibiglang bilis, pinagpapatay ang sinuman sa kanilang madaraanan; si Pacumeni ay sinubukang tumakas, subalit napatay siya muna ni Coriantumer.

Subalit ito ay nangyari na, na si Coriantumer ay humayo sa unahan ng kanyang napakalaking hukbo, at sinalakay ang mga naninirahan sa lunsod, at naging napakabilis ng kanilang pagsulong na wala nang panahon pa upang makalap ng mga Nephita ang kanilang mga hukbo.

Samakatwid pinatay ni Coriantumer ang bantay sa pasukan ng lunsod, at humayong kasama ang kanyang buong hukbo patungo sa lunsod, at pinatay nila ang lahat ng humadlang sa kanila, hanggang sa maangkin nila ang buong lunsod. At ito ay nangyari na, na si Pacumeni, na siyang punong hukom, ay tumakas sa harapan ni Coriantumer, maging hanggang sa mga pader ng lunsod. At ito ay nangyari na, na inihampas siya ni Coriantumer sa pader, hanggang sa siya ay mamatay. At sa gayon nagtapos ang mga araw ni Pacumeni.

Helaman 1:22–24

Nang mapagtanto ni Coriantumer na siya ay may ganap na kontrol sa Zarahemla, siya ay nagpasyang palawakin ang kanyang pagkubkob sa pamamagitan ng pagsalakay sa lunsod ng Masagana.

At ngayon, nang matanto ni Coriantumer na nasa pag-aari na niya ang lunsod ng Zarahemla, at nakitang nagsisitakas ang mga Nephita sa kanilang harapan, at mga napatay, at nadakip, at itinapon sa bilangguan, at na nakamtan niya ang pag-aari ng pinakamalakas na muog sa buong lupain, na siya ay nagkalakas-loob hanggang sa pasugod na sana siya sa lahat ng lupain.

At ngayon hindi siya nanatili sa lupain ng Zarahemla, kundi humayo siyang kasama ang isang malaking hukbo, maging patungo sa lunsod ng Masagana; sapagkat matibay ang hangarin niyang sumalakay at marating ang kanyang paroroonan sa pamamagitan ng espada, upang matamo niya ang mga hilagang bahagi ng lupain.

At, sa pag-aakala na ang kanilang pinaka-lakas ay nasa gitna ng lupain, kaya nga siya ay humayo, hindi nagbigay ng panahon sa kanila upang sama-samang matipon ang kanilang sarili maliban lamang sa maliliit na pangkat; at sa pamamaraang ito kanilang sinalakay sila at pinabagsak sila sa lupa.

Helaman 1:25–27

Hindi lubos na napagtibay ni Moronihas ang Zarahemla, iniisip na ang mga Lamanita ay hindi mangangahas na salakayin ang pangunahing lunsod.

Subalit masdan, ang paghayong ito ni Coriantumer sa gitna ng lupain ang nagbigay kay Moronihas ng malaking kalamangan sa kanila, sa kabila ng malaking bilang ng mga Nephita na napatay. Sapagkat masdan, inakala ni Moronihas na ang mga Lamanita ay hindi magtatangkang pasukin ang gitna ng lupain, kundi sasalakayin nila ang mga lunsod sa paligid na nasa mga hangganan tulad ng kanilang ginawa noon; kaya nga pinapangyari ni Moronihas na ang kanilang malakas na hukbo ay pangalagaan ang mga yaong bahagi na nasa paligid na malapit sa mga hangganan.

Subalit masdan, ang mga Lamanita ay hindi natakot alinsunod sa kanyang nais, kundi pinasok nila ang gitna ng lupain, at sinakop ang kabisera na lunsod ng Zarahemla, at humayo sa mga pinakakabiserang bahagi ng lupain, pinapatay ang mga tao ng isang malaking pagkatay, kapwa kalalakihan, kababaihan at maliliit na bata, inaangkin ang maraming lunsod at maraming muog.

Helaman 1:28–29

Si Moronihas ay nagpadala ng mga pangkat upang tambangan si Coriantumer habang siya ay patungo sa Masagana; Si Coriantumer ay nagsimulang umurong pabalik sa Zarahemla, subalit si Moronihas ay nagaabang kasama ang mas marami pang mga pangkat.

Subalit nang matuklasan ito ni Moronihas, kaagad niyang isinugo si Lehi na kasama ang hukbo sa paligid upang hadlangan sila bago sila makarating sa lupaing Masagana. At gayon nga ang ginawa niya; at kanyang nahadlangan sila bago sila nakarating sa lupaing Masagana, at nakidigma sa kanila, hanggang sa nagsimula silang magsiurong patungo sa lupain ng Zarahemla.

Helaman 1:30

Isang kakila-kilabot na labanan ang sumiklab, na kung saan si Coriantumer ay namatay.

At ito ay nangyari na, na hinadlangan sila ni Moronihas sa kanilang pag-urong, at nakidigma sa kanila, hanggang sa ito ay naging isang labis na madugong digmaan; oo, marami ang napatay, at natagpuan ding kabilang sa mga yaong napatay si Coriantumer.

Helaman 1:31–34

Ang mga nakaligtas na mga Lamanita, nang makita ang kanilang sarili na napapalibutan ng mga Nephita, ay sumuko, at sila ay muling pinabalik sa lupain ng Nephi. Ang Zarahemla ay nabawi ng mga Nephita.

At ngayon, masdan, ang mga Lamanita ay hindi makaurong saan mang panig, ni sa hilaga, ni sa timog, ni sa silangan, ni sa kanluran man, sapagkat sila ay napaligiran sa lahat ng panig ng mga Nephita. At sa gayon pinasugod ni Coriantumer ang mga Lamanita sa gitna ng mga Nephita, hanggang sa sila ay mapailalim sa kapangyarihan ng mga Nephita, at siya mismo ay napatay, at isinuko ng mga Lamanita ang kanilang sarili sa mga kamay ng mga Nephita. At ito ay nangyari na, na inangking muli ni Moronihas ang lunsod ng Zarahemla, at pinapangyari na ang mga Lamanita na mga nadalang bihag ay paalisin nang mapayapa sa lupain.

At sa gayon nagtapos ang ikaapatnapu at isang taon ng panunungkulan ng mga hukom.