At ngayon ito ay nangyari na, na simula sa panahong ito ay nagsimula nang magturo si Alma sa mga tao, at yaon ding mga kasama ni Alma sa panahong nagpakita sa kanila ang anghel, naglalakbay sa palibot ng buong lupain, naghahayag sa lahat ng tao ng mga bagay na kanilang narinig at nakita, at ipinangangaral ang salita ng Diyos sa labis na paghihirap, na labis na pinag-uusig ng yaong mga hindi naniniwala, na binabagabag ng marami sa kanila.
Subalit sa kabila ng lahat ng ito, sila ay nakapagbigay ng labis na kasiyahan sa simbahan, pinagtitibay ang kanilang pananampalataya, at pinapayuhan sila nang may mahabang pagtitiis at labis na paghihirap upang sundin ang mga kautusan ng Diyos.
At sila ay naglakbay sa lahat ng dako ng buong lupain ng Zarahemla, at sa lahat ng tao na nasa ilalim ng paghahari ni haring Mosias, buong sigasig na nagsusumikap na maisaayos ang lahat ng kapinsalaang kanilang nagawa sa simbahan, ipinagtatapat ang lahat ng kanilang kasalanan, at inihahayag ang lahat ng bagay na kanilang nakita, at ipinaliliwanag ang mga propesiya at banal na kasulatan sa lahat ng nagnanais na marinig ang mga ito. At sa gayon sila ay naging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagdadala ng marami sa kaalaman ng katotohanan, oo, sa kaalaman ng kanilang Manunubos.
At gaano sila pinagpala! Sapagkat sila ay naghayag ng kapayapaan; sila ay naghayag ng mabuting balita ng kabutihan; at kanilang sinabi sa mga tao na naghahari ang Panginoon.
Ngayon ito ay nangyari na, na matapos magawa ng mga anak na lalaki ni Mosias ang lahat ng bagay na ito, sila ay nagsama ng maliit na bilang at nagbalik sa kanilang ama, ang hari, at hiniling sa kanya na kanyang pahintulutan sila, na sila, kasama ang mga yaong kanilang pinili ay umahon sa lupain ng Nephi, upang maipangaral nila ang mga bagay na kanilang narinig, at upang maibahagi nila ang salita ng Diyos sa kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita—
Na baka sakaling kanilang madala sila sa kaalaman ng Panginoon nilang Diyos, at mapaniwala sila sa kasamaan ng kanilang mga ama; na baka sakaling malunasan nila ang kanilang kapootan sa mga Nephita, na sila rin ay madala upang magalak sa Panginoon nilang Diyos, upang sila ay maging magiliw sa isa’t isa, at upang hindi na muling magkaroon pa ng mga alitan sa lahat ng lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.
Ngayon, sila ay nagnais na ipahayag ang kaligtasan sa bawat nilikha, sapagkat hindi nila maatim na ang sinumang kaluluwa ng tao ay masawi; oo, maging ang isipin lamang na ang sinumang kaluluwa ay magtiis ng walang hanggang pagdurusa ay naging dahilan upang sila ay mayanig at manginig.
At sa gayon ang Espiritu ng Panginoon ay kumilos sa kanila, sapagkat sila noon ang pinakamasama sa lahat ng makasalanan. At minarapat ng Panginoon sa kanyang walang hanggang awa na kaawaan sila; gayon pa man sila ay nagdusa sa labis na dalamhati ng kaluluwa dahil sa kanilang mga kasamaan, nagdurusa nang labis at natatakot na sila ay itakwil magpakailanman.
At ito ay nangyari na, na sila ay nagmakaawa sa kanilang ama ng maraming araw upang makaahon sila sa lupain ng Nephi.
At si haring Mosias ay humayo at nagtanong sa Panginoon kung nararapat ba niyang pahintulutan ang kanyang mga anak na umahon sa mga Lamanita upang ipangaral ang salita.
At sinabi ng Panginoon kay Mosias:
Pahintulutan mo silang umahon, sapagkat maraming maniniwala sa kanilang mga salita, at sila ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan; at aking ililigtas ang iyong mga anak mula sa mga kamay ng mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na pinahintulutan sila ni Mosias na makaalis at gawin ang naaayon sa kanilang kahilingan.
At naglakbay sila paahon sa ilang upang ipangaral ang salita sa mga Lamanita; at aking ibibigay ang ulat ng kanilang mga hakbangin pagkaraan nito.