Si Alma at ang Kanyang Mga Tagasunod

Mga Salita ni Abinadi Bilang Pagtuturo ni Alma

Mosiah 18:1–3

Si Alma, na nakatakas mula sa hukuman ni Noa, ay nagsimulang lihim na nagturo ng mga bagay na itinuro ni Abinadi.

At ngayon, ito ay nangyari na, na si Alma, na nakatakas mula sa mga tagapagsilbi ni haring Noe, ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan at kasamaan, at humayo nang palihim sa mga tao, at nagsimulang ituro ang mga salita ni Abinadi—

Oo, hinggil doon sa kung alin ay darating, at hinggil din sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, at ang pagtubos sa mga tao, na maisasakatuparan sa pamamagitan ng kapangyarihan, at mga pagdurusa, at pagkamatay ni Cristo, at ang kanyang pagkabuhay na mag-uli at pag-akyat sa langit.

At kasindami ng nakikinig sa kanyang salita ay tinuruan niya. At kanya silang tinuruan nang palihim, upang ito ay hindi makarating sa kaalaman ng hari. At marami ang naniwala sa kanyang mga salita.

Mosiah 18:4–7

Lumipat si Alma ng kanyang gawaing pangangaral sa isang magandang lugar na tinatawag na Mormon, na dala ang maraming tagasunod kasama niya.

At ito ay nangyari na, na kasindami ng naniwala sa kanya ay nagsitungo sa isang lugar na tinawag na Mormon, matapos tanggapin ang pangalang iyon mula sa hari, na nasa mga hangganan ng lupain na pinamumugaran, sa mga kapanahunan o sa mga panahon, ng mababangis na hayop.

Ngayon, sa Mormon ay may isang bukal ng dalisay na tubig, at dito nagtungo si Alma, doon sa malapit sa kasukalan ng maliliit na puno, kung saan niya itinatago ang sarili sa araw mula sa paghahanap ng hari.

At ito ay nangyari na, na kasindami ng naniwala sa kanya ay nagtungo roon upang makinig sa kanyang mga salita. At ito ay nangyari na, na matapos ang maraming araw ay may di mumunting bilang ang nagtipong magkakasama sa lugar ng Mormon, upang makinig sa mga salita ni Alma. Oo, sama-samang nagtipong lahat ang naniniwala sa kanyang salita, upang makinig sa kanya. At sila ay tinuruan niya, at ipinangaral sa kanila ang pagsisisi, at pagtubos, at pananampalataya sa Panginoon.

Mosiah 18:8–9

Tinuruan ni Alma ang kanyang mga tagasunod tungkol sa pakikipagtipan kay Cristo.

At ito ay nangyari na, na kanyang sinabi sa kanila:

Masdan, narito ang mga tubig ng Mormon
(sapagkat sa gayon ang mga yaon ay tinawag) at ngayon,
yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos,
at matawag na kanyang mga tao,
at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa,
nang ang mga yaon ay gumaan.

Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati,
oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw,
at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay,
at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan,
nang kayo ay matubos ng Diyos,
at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli,
nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan—

Mosiah 18:10–11

Ipinaliwanag ni Alma na ang pagbibinyag lamang ang pamamaraan kung paano ang isa ay makagagawa ng gayong tipan—ang kanyang mga tao ay nagpahayag ng kanilang pagnanais na pumasok sa gayong tipan.

Ngayon, sinasabi ko sa inyo, kung ito ang naisin ng inyong mga puso, ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa harapan niya na kayo ay nakikipagtipan sa kanya, na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan, nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo?

At ngayon, nang marinig ng mga tao ang mga salitang ito,
ipinalakpak nila ang kanilang mga kamay sa kagalakan, at nagbulalas:

Ito ang mga naisin ng aming mga puso.

Mosiah 18:12–14

Bininyagan ni Alma ang kanyang sarili sa mga tubig ng Mormon, pagkatapos ay bininyagan si Helam, ang una sa pila.

At ngayon ito ay nangyari na, na kinuha ni Alma si Helam, siya na isa sa nauna, at nagtungo at tumayo sa tubig, at nagsumamo, sinasabing:

O Panginoon, ibuhos ninyo ang inyong Espiritu sa inyong tagapaglingkod, nang kanyang magawa ang gawaing ito nang may kabanalan ng puso.

At nang sabihin niya ang mga salitang ito, ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanya, at kanyang sinabi:

Helam, binibinyagan kita,
bilang may karapatan mula sa Pinakamakapangyarihang Diyos,
bilang patotoo na ikaw ay
nakikipagtipang maglilingkod sa kanya
hanggang sa ikaw ay mamatay sa katawang mortal;

At nawa ang Espiritu ng Panginoon ay ibuhos sa iyo;
at nawa ay igawad niya sa iyo ang buhay na walang hanggan,
sa pamamagitan ng pagtubos ni Cristo,
na kanyang inihanda
mula pa sa pagkakatatag ng daigdig.

At matapos sabihin ni Alma ang mga salitang ito, kapwa sina Alma at Helam ay nalibing sa tubig; at sila ay tumayo at umahon mula sa tubig na nagagalak, sapagkat napuspos ng Espiritu.

Mosiah 18:15–16

Si Alma ay nagsimulang magbinyag sa mga nalalabi sa kanyang mga tao.

At muli, dinala ni Alma ang isa pa, at nagtungo sa ikalawang pagkakataon sa tubig, at bininyagan siya alinsunod sa nauna, lamang ay hindi niya inilubog na muli ang kanyang sarili sa tubig. At sa ganitong pamamaraan kanyang bininyagan ang bawat isa na nagtungo sa lugar ng Mormon; at sila ay may bilang na mga dalawang daan at apat na katao; oo, at sila ay bininyagan sa mga tubig ng Mormon, at napuspos ng biyaya ng Diyos.