At tunay na dakila ito, sapagkat isinagawa nilang ipangaral ang salita ng Diyos sa isang mababangis at matitigas at malulupit na tao; mga taong nagagalak sa pagpaslang ng mga Nephita, at nilolooban at dinadambong sila; at ang kanilang mga puso ay nakalagak sa mga kayamanan, o sa ginto at pilak, at mahahalagang bato; gayon man hinangad nilang matamo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagpaslang at pandarambong, upang hindi sila gumawa para sa mga yaon sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kamay.
Sa gayon sila ay mga taong napakatatamad, ang marami sa kanila ay sumamba sa mga diyus-diyusan, at ang sumpa ng Diyos ay napasakanila dahil sa mga kaugalian ng kanilang mga ama; sa kabila nito ang mga pangako ng Panginoon ay nakalaan sa kanila kung magsisisi.
Anupa’t ito ang dahilan kung bakit ginawa ng mga anak ni Mosias ang gawain, nagbabaka sakaling kanilang madala sila sa pagsisisi; nagbabaka sakaling kanilang madala sila sa kaalaman ng plano ng pagtubos.