Ngayon, ito ang mga pangyayaring naganap sa kanila sa kanilang mga paglalakbay, sapagkat sila ay maraming naging paghihirap; at sila’y labis na nagdusa, kapwa sa katawan at sa isipan, tulad ng gutom, uhaw at pagod, at gayon din sa labis na paghihirap ng espiritu. Ngayon, ito ang kanilang mga paglalakbay:
Matapos na iwanan ang kanilang ama, si Mosias, sa unang taon ng mga hukom; tinanggihan ang kahariang nais na igawad sa kanila ng kanilang ama, at ito rin ang kapasiyahan ng mga tao;
Gayon pa man, nilisan nila ang lupain ng Zarahemla, at dinala ang kanilang mga espada, at kanilang mga sibat, at kanilang mga busog, at kanilang mga palaso, at kanilang mga tirador; at ito ay ginawa nila upang matustusan nila ang kanilang sarili ng pagkain samantalang nasa ilang.
At sa gayon sila lumisan patungo sa ilang kasama ang kanilang bilang na pinili na umahon sa lupain ng Nephi, upang ipangaral ang salita ng Diyos sa mga Lamanita.
At ito ay nangyari na, na sila ay naglakbay ng maraming araw sa ilang, at sila ay labis na nag-ayuno at labis na nanalangin upang pagkalooban sila ng Panginoon ng bahagi ng kanyang Espiritu upang makasama nila, at manatili sa kanila, upang sila’y maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos na madala, kung maaari, ang kanilang mga kapatid, ang mga Lamanita, sa kaalaman ng katotohanan, sa kaalaman ng kawalang-batayan ng mga kaugalian ng kanilang mga ama, na hindi tama.
At ito ay nangyari na, na sila ay dinalaw ng Panginoon ng kanyang Espiritu, at sinabi sa kanila:
Maaliw.
At naaliw sila. At sinabi rin sa kanila ng Panginoon:
Humayo sa mga Lamanita, na inyong mga kapatid, at pagtibayin ang aking salita; gayon man, kayo ay maging matiyaga sa mahabang pagtitiis at paghihirap, upang kayo ay makapagpakita sa kanila ng mabubuting halimbawa sa akin, at gagawin ko kayong kasangkapan sa aking mga kamay tungo sa kaligtasan ng maraming tao.
At ito ay nangyari na, na ang mga puso ng mga anak ni Mosias, at gayon din yaong mga kasama nila, ay nagkalakas-loob na humayo sa mga Lamanita upang ipahayag sa kanila ang salita ng Diyos.
At tunay na dakila ito, sapagkat isinagawa nilang ipangaral ang salita ng Diyos sa isang mababangis at matitigas at malulupit na tao; mga taong nagagalak sa pagpaslang ng mga Nephita, at nilolooban at dinadambong sila; at ang kanilang mga puso ay nakalagak sa mga kayamanan, o sa ginto at pilak, at mahahalagang bato; gayon man hinangad nilang matamo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagpaslang at pandarambong, upang hindi sila gumawa para sa mga yaon sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kamay.
Sa gayon sila ay mga taong napakatatamad, ang marami sa kanila ay sumamba sa mga diyus-diyusan, at ang sumpa ng Diyos ay napasakanila dahil sa mga kaugalian ng kanilang mga ama; sa kabila nito ang mga pangako ng Panginoon ay nakalaan sa kanila kung magsisisi.
Anupa’t ito ang dahilan kung bakit ginawa ng mga anak ni Mosias ang gawain, nagbabaka sakaling kanilang madala sila sa pagsisisi; nagbabaka sakaling kanilang madala sila sa kaalaman ng plano ng pagtubos.
At ito ay nangyari na, nang sila ay dumating sa mga hangganan ng lupain ng mga Lamanita, sila ay naghiwa-hiwalay at nilisan ang isa’t isa, nagtitiwala sa Panginoon na muli silang magkikita-kita sa katapusan ng kanilang pag-aani; sapagkat inaakala nilang dakila ang gawaing kanilang ginawa.
Samakatwid naghiwa-hiwalay ang bawat isa sa kanila, at humayo sa kanila, bawat lalaki ay nag-iisa, alinsunod sa salita at kapangyarihan ng Diyos na ibinigay sa kanya.