Makinig at masdan ito, O sambahayan ni Jacob,
na tinatawag sa pangalang Israel,
at nagsilabas mula sa mga bukal ng Juda,
(o mula sa mga tubig ng pagbibinyag),
Na nagsisumpa sa pangalan ng Panginoon,
at nagsibanggit ng Diyos ng Israel,
datapwat hindi sila nagsisumpa sa katotohanan ni sa katwiran.
Gayon pa man, tinatawag nila ang kanilang sarili alinsunod sa pangalan ng banal na lunsod,
subalit hindi sila nanalig sa Diyos ng Israel,
na Panginoon ng mga Hukbo;
oo, ang Panginoon ng mga Hukbo ang kanyang pangalan.
Masdan, aking ipinahayag ang mga dating bagay mula noong una;
at yaon ay lumabas mula sa aking bibig, at aking ipinakilala sila.
Bigla kong ipinakita sila.
At ginawa ko ito dahil sa nalalaman ko na ikaw ay mapagmatigas,
at ang iyong leeg ay parang litid na bakal,
at ang iyong noo ay parang tanso.
Kaya’t aking ipinahayag sa iyo mula pa noong una;
bago ito nangyari ay ipinakita ko na ang mga yaon sa iyo;
At ipinakita ko ang mga yaon dahil sa pangambang baka iyong sabihin—
Ginawa ito ng aking mga diyus-diyusan,
at ng aking nililok na larawan,
at ang aking larawang binubo ang siyang nag-utos niyaon.
Iyong nakita at narinig ang lahat ng ito;
at hindi ba ninyo ihahayag ang mga ito?
At aking ipinakita sa inyo ang mga bagong bagay mula sa panahong ito,
maging mga kubling bagay,
at hindi mo nalaman ang mga ito.
Nilikha ngayon ang mga ito, at hindi noong panahong nakalipas,
maging bago dumating ang araw na ito ay hindi mo narinig
na ang mga yaon ay ipinahayag sa iyo,
baka iyong sabihin—Masdan, aking nalalaman ang mga yaon.
Oo, at hindi mo narinig;
oo, hindi mo nalalaman;
Oo, mula noon pa ay hindi nabuksan ang iyong tainga;
sapagkat nalalaman ko na ikaw ay gumawa ng totoong may kataksilan,
at tinawag na makasalanan mula sa sinapupunan.
Gayon pa man, alang-alang sa aking pangalan ay aking pinipigil ang aking galit,
at dahil sa kapurihan ko ay magtitimpi sa iyo,
upang hindi kita ihiwalay.
Sapagkat, masdan, dinalisay kita,
pinili kita mula sa hurno ng paghihirap.
Dahil din sa akin, oo, dahil din sa akin, aking gagawin yaon,
sapagkat hindi ko pahihintulutang lapastanganin ang aking pangalan,
at ang kaluwalhatian ko ay hindi ko ibibigay sa iba.