At masdan, ako ay humayo alinsunod sa salita ni Amaron, at kinuha ang mga lamina ni Nephi, at gumawa ng isang talaan alinsunod sa mga salita ni Amaron. At sa mga lamina ni Nephi, ako ay gumawa ng buong ulat tungkol sa lahat ng kasamaan at karumal-dumal na gawain; subalit sa mga laminang ito ay nagpigil akong gumawa ng buong ulat ng kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain, sapagkat masdan, isang patuloy na tagpo ng kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ang nakatambad sa harapan ng aking mga mata simula pa noong magkaroon ako ng sapat na pang-unawa upang mamasdan ang mga gawi ng tao. At sa aba sa akin dahil sa kanilang kasamaan; sapagkat ang aking puso ay napuspos ng kalungkutan dahil sa kanilang kasamaan, sa lahat ng araw ko; gayon pa man, nalalaman kong ako’y dadakilain sa huling araw.
At sa gayon lumipas ang tatlong daan at apatnapu at apat na taon. At ito ay nangyari na, na sa ikatatlong daan at apatnapu at limang taon ang mga Nephita ay nagsimulang magsitakas sa harapan ng mga Lamanita; at sila ay tinugis hanggang sa makarating sila maging sa lupain ng Jashon, bago pa man nagawang pigilin sila sa kanilang pag-urong. At ngayon, ang lunsod ng Jashon ay malapit sa lupain kung saan inilagak ni Amaron ang mga talaan ayon sa Panginoon, upang hindi mawasak ang mga ito.
At ito ay nangyari na, na sa taong ito ang mga tao ni Nephi ay muling tinugis at itinaboy. At ito ay nangyari na, na kami ay naitaboy hanggang sa makarating kami pahilaga sa lupaing tinatawag na Sem. At ito ay nangyari na, na pinatibay namin ang lunsod ng Sem, at tinipon namin ang aming mga tao hangga’t maaari, na baka sakaling mailigtas namin sila mula sa pagkalipol. At ito ay nangyari na, na sa ikatatlong daan at apatnapu at anim na taon sila ay muling nagsimulang sumalakay sa amin.
At ito ay nangyari na, na ako ay nangusap sa aking mga tao, at hinikayat sila nang buong lakas, na buong tapang silang tumindig sa harapan ng mga Lamanita at makipaglaban para sa kanilang mga asawa, at kanilang mga anak, at kanilang mga bahay at kanilang mga tahanan. At ang aking mga salita ay bahagyang napukaw sila na lumakas, kung kaya nga’t hindi sila nagsitakas mula sa harapan ng mga Lamanita, kundi lumaban nang buong tapang laban sa kanila.
At ito ay nangyari na, na kami ay nakipaglaban sa isang hukbo ng tatlumpung libo laban sa isang hukbo ng limampung libo. At ito ay nangyari na, na kami ay tumindig sa kanilang harapan nang buong katatagan kung kaya’t nagsitakas sila mula sa aming harapan. At ito ay nangyari na, nang sila ay magsitakas tinugis namin sila ng aming mga hukbo, at muli silang hinarap, at nagapi sila; gayon pa man ang lakas ng Panginoon ay wala sa amin; oo, kami ay naiwan sa aming sarili, na ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nanatili sa amin; anupa’t naging mahihina kami na katulad ng aming mga kapatid.
At ang aking puso ay nalungkot dahil dito sa malaking kapahamakan ng aking mga tao, dahil sa kanilang kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain. Subalit masdan, kami ay humayo laban sa mga Lamanita at sa mga tulisan ni Gadianton, hanggang sa muli naming naangkin ang mga lupaing aming mana. At ang tatlong daan at apatnapu at siyam na taon ay lumipas.
At sa ikatatlong daan at limampung taon kami ay nakipagkasunduan sa mga Lamanita at sa mga tulisan ni Gadianton, kung saan ay hinati-hati namin ang mga lupaing aming mana. At ibinigay sa amin ng mga Lamanita ang lupaing pahilaga, oo, maging hanggang sa makitid na daan patungo sa lupaing patimog. At ibinigay namin sa mga Lamanita ang lahat ng lupaing patimog.