Ang Pagsipi ni Nephi sa Isaias

Propesiya Laban sa Babilonya

2 Nephi 23:1–8

Ang Diyos ay naghahanda na wasakin ang Babilonya.

Ang iprinopesiya sa Babilonia,
na nakita ni Isaias na anak ni Amos.

Magtayo ka ng bandila sa mataas na bundok,
sumigaw kayo sa kanila,
iwasiwas ang kamay,
upang pumasok sila sa mga pintuan ng mga maharlika.

Inutusan ko ang aking mga itinalaga,
tinawag ko rin ang aking mga makapangyarihan,
sapagkat ang aking galit ay wala sa kanila na mga nagsasaya sa aking kamahalan.

Ang ingay ng maraming tao sa mga bundok
ay tulad ng isang dakilang bansa,
umaalingawngaw ang kaguluhan
ng mga kaharian ng mga bansang nagtipun-tipon,
ang Panginoon ng mga Hukbo ang nangangalap ng mga hukbo ng digmaan.

Nagmula sila sa malayong bansa,
mula sa hangganan ng langit,
oo, ang Panginoon, at ang mga sandata ng kanyang poot,
upang wasakin ang buong lupain.

Magsiungol kayo, sapagkat nalalapit na ang araw ng Panginoon;
darating ito bilang isang pagwasak mula sa Pinakamakapangyarihan.

Samakatwid manghihina ang lahat ng kamay,
manlulumo ang puso ng bawat tao;

At matatakot sila;
matinding kirot at kalungkutan ay daranasin nila;
magugulat sila sa isa’t isa;
waring magliliyab ang kanilang mga mukha.

2 Nephi 23:9–10

Mga palatandaan at mga kababalaghan sa kalangitan ay magiging kaakibat ng poot ng Diyos.

Masdan,
nalalapit na ang araw ng Panginoon,
malupit na may poot at masidhing galit,
upang wasakin ang lupain;
at lilipulin niya ang mga makasalanan doon.

Sapagkat ang mga bituin sa langit
at ang mga kaningningan niyon ay hindi magbibigay ng kanilang liwanag;
magdidilim ang araw sa kanyang pagsikat,
at hindi magbibigay ng kanyang liwanag ang buwan.

2 Nephi 23:11–13

Parurusahan ng Diyos ang kasamaan ng mundo.

At parurusahan ko ang daigdig dahil sa kanyang kasamaan,
at ang masasama dahil sa kanilang kabuktutan;
aking pipigilin ang kahambugan ng mga palalo,
at aking ibababa ang pagmamataas ng malulupit.

Gagawin kong higit na mahalaga ang tao kaysa lantay na ginto;
maging ang isang tao kaysa sa gintong sinsel ng Ofir.

Samakatwid,
yayanigin ko ang kalangitan,
at aalisin ko ang lupa sa kanyang kinalalagyan,
sa kapootan ng Panginoon ng mga Hukbo,
at sa araw ng kanyang masidhing galit.

2 Nephi 23:14–16

Ang lahat ng palalo ay pabababain.

At matutulad ito sa usang hinahabol,
at tulad ng isang tupang walang pastol;
at magbabalik ang bawat isa sa kani-kanyang bayan,
at tatakas ang bawat isa sa kani-kanyang lupain.

Ang bawat palalo ay sisibatin;
oo, at ang bawat isang aanib sa masama
ay babagsak sa pamamagitan ng espada.

Ang kanilang mga anak
din ay pagluluray-lurayin sa harapan ng kanilang mga mata;
pagnanakawan ang kanilang mga tahanan at gagahasain ang kanilang mga asawa.

2 Nephi 23:17–18

Ang mga taga-Media (barbaro) ay magiging dahilan ng pagkawasak ng Babilonya.

Masdan,
aking pupukawin ang mga taga-Media laban sa kanila,
na hindi magpapakundangan sa pilak at ginto,
ni hindi sila nalulugod dito.

Luluray-lurayin din ng kanilang mga busog ang mga kabataang lalaki;
at mawawalan sila ng awa sa bunga ng sinapupunan;
hindi nila patatawarin ang mga bata.

2 Nephi 23:19–22

Ang hatol sa Babilonya ay malinaw.

At ang Babilonia,
ang kaluwalhatian ng mga kaharian,
ang gandang ipinagmamalaki ng mga Caldeo,
ay magagaya sa pagkawasak ng Diyos sa Sodoma at Gomorra.

Hindi na ito matitirahan,
ni hindi paninirahan sa bawat sali’t salinlahi:

Ni hindi na ito tatayuan ng tolda ng taga-Arabia;
ni hindi pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang kawan.

Subalit ang mababangis na hayop ng ilang ay mahihiga roon;
at mapupuno ang kanilang mga tahanan ng mga hayop na nagsisiungol;
at mamamahay roon ang mga kuwago,
magluluksuhan doon ang mababangis na kambing.

At magsisiungol ang mababangis na hayop ng mga pulo
sa kanilang mapapanglaw na tahanan,
at ang dragon sa kanilang maliligayang palasyo;
at nalalapit na ang kanyang panahon,
at hindi na pahahabain ang kanyang mga araw.

Sapagkat madali ko siyang wawasakin;
oo, sapagkat magiging maawain ako sa aking mga tao,
subalit masasawi ang masasama.