Ang Sermon ni Jacob

Pag-asa Para sa Sion [Isaias 51:1-16]

2 Nephi 8:1–3

Katulad ni Abraham na isang taong baog na nakatanggap ng malaking angkan, ang kalagayan ng Sion ay pagbubutihin.

Magsipakinig kayo sa akin, kayong nagsisisunod sa kabutihan.
Magsitingin kayo sa malaking bato na inyong kinaputulan,
at sa luwang ng hukay na kinahukayan sa inyo.

Tingnan ninyo si Abraham, na inyong ama,
at si Sara, siya na nagsilang sa inyo;
sapagkat siya lamang ang tinawag ko, at pinagpala siya.

Sapagkat aaliwin ng Panginoon ang Sion,
kanyang aaliwin ang lahat niyang sirang dako;
at gagawin niyang tulad ng Eden ang kanyang ilang,
at ang kanyang lupang tigang tulad ng halamanan ng Panginoon.

Kagalakan at kasayahan ay matatagpuan doon,
pagpapasalamat at tinig na malambing.

2 Nephi 8:4–5

Ang Diyos ay may kapangyarihan na magdala ng katarungan at aliw.

Makinig sa akin, aking mga tao;
at pakinggan ninyo ako, O aking bansa;
sapagkat magmumula sa akin ang isang batas,
at ang aking kahatulan ay gagawin kong
pinakaliwanag para sa mga tao.

Nalalapit na ang aking katwiran;
lumabas na ang aking kaligtasan,
at hahatol ang aking mga bisig sa mga tao.
Ang mga pulo ay maghihintay sa akin,
at sa aking bisig sila ay magtitiwala.

2 Nephi 8:6–8

Ang mga makalupang bagay ay lumipas, subalit kapag itinuwid ng Diyos ang mga bagay, ito ay magpakailanman, sa kabila ng mga sasabihin ng mga salungat.

Itingin ninyo ang mga mata sa kalangitan,
at magsitingin kayo sa lupa sa ibaba;
sapagkat ang kalangitan ay mapapawing parang usok,
at ang lupa ay malulumang parang kasuotan;
at silang nagsisitira roon ay mamamatay sa gayon ding pamamaraan.

Subalit ang kaligtasan ko ay magpakailanman,
at ang aking katwiran ay hindi mawawala.

Makinig sa akin, kayong nakaaalam ng kabutihan,
mga tao na kung kaninong mga puso ay nasusulat ang aking batas,
huwag ninyong katakutan ang pula ng mga tao,
ni katakutan ang kanilang mga panlalait.

Sapagkat sila ay lalamunin ng tanga na parang kasuotan,
at kakainin sila ng uod na parang balahibo ng tupa.

Subalit ang kabutihan ko ay walang hanggan,
at ang aking kaligtasan ay sa lahat ng sali’t salinlahi.

2 Nephi 8:9–11

Ang pagsamo sa Diyos upang kumilos sa kalakasan katulad ng kanyang ginawa nung sinauna.

Gumising, gumising! Magbihis ng kalakasan,
O bisig ng Panginoon;
gumising nang gaya ng mga sinaunang araw.

Hindi ba’t ikaw ang pumutol ng Rahab,
at sumugat sa dragon?

Hindi ba’t ikaw ang tumuyo sa dagat,
sa tubig ng malaking kailaliman;
na iyong ginawang daan ang kailaliman ng dagat
upang daanan ng mga natubos?

Sa gayon, ang mga tinubos ng Panginoon ay magsisibalik,
at magsisiparoong may awitan sa Sion;
at walang hanggang kagalakan at kabanalan
ay mapapasakanilang mga ulo;
at matatamo nila ang kasayahan at kagalakan;
ang kalungkutan at pagdadalamhati ay mapapawi.

2 Nephi 8:12–16

Huwag mag-alala ni matakot hinggil sa hamak na makamundong pagbabanta; Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat.

Ako siya; oo, ako siya na umaalo sa iyo.

Masdan, sino ka,
na natatakot sa tao,
na mamamatay,
at sa anak ng tao,
na gagawing parang damo?

At kalilimutan ang Panginoon na may lalang sa iyo,
na nagladlad ng kalangitan,
at naglagay ng saligan ng mundo,
at patuloy na natatakot sa buong araw,
dahil sa pusok ng mamimighati,
sa wari ay handa upang gumiba?

At saan naroon ang pusok ng mamimighati?
Ang bihag na tapon ay nagmamadali,
upang siya ay palayain,
at hindi siya mamamatay sa hukay,
ni magkukulang ang kanyang tinapay.

Subalit ako ang Panginoon mong Diyos, na nagpapaalon sa tubig;
Panginoon ng mga Hukbo ang tawag sa akin.

At inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig,
at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay,
upang aking mailadlad ang kalangitan
at mailagay ang saligan ng mundo,
at masabi sa Sion: Masdan, kayo ang aking mga tao.