Ang Panahon ng Mga Jaredita

Ang Propetang Eter

Eter 12:1

Ang lalaking nagngangalang Coriantumer ang hari sa panahon ni Eter.

At ito ay nangyari na, na ang mga araw ni Eter ay nasa mga araw ni Coriantumer; at si Coriantumer ang hari ng buong lupain.

Eter 12:2–3

Si Eter ay isang propeta, at humayo upang mangaral ng pananampalataya at pagsisisi sa mga tao.

At si Eter ay isang propeta ng Panginoon; samakatwid si Eter ay lumitaw sa mga araw ni Coriantumer, at nagsimulang magpropesiya sa mga tao, sapagkat hindi siya magawang pigilin dahil sa Espiritu ng Panginoon na nasa kanya. Sapagkat siya ay nagsumamo mula sa umaga, maging hanggang sa paglubog ng araw, pinapayuhan ang mga tao na maniwala sa Diyos tungo sa pagsisisi at baka sila malipol, sinasabi sa kanila na sa pamamagitan ng pananampalataya ang lahat ng bagay ay naisasakatuparan.

Eter 12:4–5

Tinuruan ni Eter ang mga tao na ang paniniwala sa Diyos ay magdadala sa pag-asa sa mas mabuting mundo.

Kaya nga, sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya, na gumagawa ng isang daungan sa mga kaluluwa ng tao, na siyang magbibigay sa kanila ng katiyakan at katatagan, nananagana tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos. At ito ay nangyari na, na si Eter ay nagpropesiya ng mga dakila at kagila-gilalas na bagay sa mga tao, na hindi nila pinaniwalaan, dahil sa hindi nila nakita ang mga ito.

Eter 13:13–14

Sa kabila ng kadakilaan ng mga katuruan ni Eter, siya ay tinanggihan at itinaboy, at ginugol ang kanyang panahon sa pamumuhay sa isang yungib, tinitipon ang mga talaan ng kanyang mga tao sa araw, at sumasaksi sa pagbagsak ng kabihasnan ng mga Jaredita sa gabi.

Subalit dakila at kagila-gilalas ang mga propesiya ni Eter; subalit kanilang itinuring siyang walang kabuluhan, at itinaboy siya; at ikinukubli niya ang kanyang sarili sa butas ng isang malaking bato sa araw, at sa gabi siya ay humahayo’t tinatanaw ang mga bagay na nangyayari sa mga tao. At habang siya ay namamalagi sa butas ng isang malaking bato ay ginawa niya ang nalalabi sa talaang ito, tinatanaw ang mga pagkalipol na nangyayari sa mga tao, sa gabi.

Eter 13:15

Lumaganap ang digmaan at pagtatalo-talo sa mga tao, at maraming mga mandirigma ang sumubok na pabagsakin si Coriantumer.

At ito ay nangyari na, na sa taon ding yaon kung kailan siya itinaboy mula sa mga tao, nagsimulang magkaroon ng isang malaking digmaan sa mga tao, sapagkat marami ang nag-aklas, na malalakas na tao, at naghangad na patayin si Coriantumer sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na plano ng kasamaan, na nabanggit na.

Eter 13:16–17

Si Coriantumer, na dalubhasa sa larangan ng digmaan, ay napaglabanan ang mga pagsalakay laban sa kanya, napanatili ang kanyang kapangyarihan, at hindi rin nagsisi.

At ngayon si Coriantumer, na nakapag-aral, sa kanyang sarili, ng lahat ng kasanayan sa digmaan at sa lahat ng katusuhan ng sanlibutan, anupa’t siya ay nakidigma sa kanila na naghahangad na patayin siya. Subalit hindi siya nagsisi, ni ang kanyang mga kaaya-ayang anak na lalaki o anak na babae; ni ang mga kaaya-ayang anak na lalaki at babae ni Cohor; ni ang mga kaaya-ayang anak na lalaki at babae ni Corihor; at sa madaling salita, walang sinuman sa mga kaaya-ayang anak na lalaki at babae sa ibabaw ng buong lupain ang nagsisi ng kanilang mga kasalanan.

Eter 13:18–19

Ang mga lihim na organisasyon ay lumitaw muli at sinubukang kunin ang kaharian mula kay Coriantumer.

Samakatwid, ito ay nangyari na, na sa unang taon ng pamamalagi ni Eter sa butas ng isang malaking bato, maraming tao ang napatay sa pamamagitan ng espada ng mga yaong lihim na nakikipagsabwatan, nakikipaglaban kay Coriantumer upang matamo nila ang kaharian. At ito ay nangyari na, na ang mga anak na lalaki ni Coriantumer ay nakipaglaban nang husto at maraming umagos na dugo.

Eter 13:20–21

Sa mga sumunod na taon si Eter ay nagpropesiya kay Coriantumer na kung hindi siya magsisisi, ang kabihasnan ay mawawasak, at magkakaroon ng mga bago na papalit dito.

At sa ikalawang taon ang salita ng Panginoon ay ipinahayag kay Eter, na siya ay nararapat humayo at magpropesiya kay Coriantumer na, kung siya ay magsisisi, at ang kanyang buong sambahayan, ipagkakaloob ng Panginoon sa kanya ang kanyang kaharian at ililigtas ang mga tao—Kung hindi, sila ay malilipol, at ang kanyang buong sambahayan maliban sa kanyang sarili. At siya ay mabubuhay lamang upang makita ang katuparan ng mga propesiyang nabanggit hinggil sa iba pang mga tao na makaaangkin sa lupain bilang kanilang mana; at si Coriantumer ay makatatanggap ng libing sa kanila; at lahat ng kaluluwa ay malilipol maliban kay Coriantumer.

Eter 13:22

Ipinasawalang bahala ni Coriantumer ang mga propesiya ni Eter, at nagpatuloy na makidigma sa kanyang mga kaaway; mga pagtatangka sa buhay ni Eter ay isinagawa, at siya ay bumalik sa kanyang yungib upang magtago.

At ito ay nangyari na, na si Coriantumer ay hindi nagsisi, ni ang kanyang sambahayan, ni ang mga tao; at ang mga digmaan ay hindi tumigil; at hinangad nilang patayin si Eter, subalit siya ay tumakas sa kanilang harapan at nagkubling muli sa butas ng malaking bato.