Ngayon masdan, ako, si Jarom, ay sumusulat ng ilang salita alinsunod sa kautusan ng aking ama, si Enos, upang maingatan ang aming talaangkanan. At dahil sa maliliit ang mga laminang ito, at dahil ang mga bagay na ito ay nasusulat sa paghahangad ng kapakanan ng aming mga kapatid, ang mga Lamanita, anupa’t talagang kinakailangang makapagsulat ako nang kaunti; subalit hindi ako magsusulat ng mga bagay ng aking pagpopropesiya, ni ng aking mga paghahayag.
Sapagkat ano pa ba ang maisusulat ko na makahihigit pa kaysa mga naisulat na ng aking mga ama? Sapagkat hindi ba’t kanilang inihayag ang plano ng kaligtasan? Sinasabi ko sa inyo, Oo; at sapat na ito sa akin.
Masdan, kinakailangang marami pa ang gawin sa mga taong ito, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, at sa kabingihan ng kanilang mga tainga, at sa kabulagan ng kanilang mga isipan, at sa katigasan ng kanilang mga leeg; gayon pa man, labis na maawain ang Diyos sa kanila, at hindi pa sila pinapalis sa ibabaw ng lupain.
At marami sa amin ang nakatatanggap ng maraming paghahayag, sapagkat hindi lahat sila ay matitigas ang leeg. At kasindami ng hindi matitigas ang leeg at may pananampalataya, ay may pakikipag-ugnayan sa Banal na Espiritu, na nagbibigay-alam sa mga anak ng tao, alinsunod sa kanilang pananampalataya.
At ngayon, masdan, nakalipas na ang dalawang daang taon, at ang mga tao ni Nephi ay naging makapangyarihan sa lupain. Pinagsikapan nilang sundin ang mga batas ni Moises at gawing banal ang araw ng sabbath sa Panginoon. At hindi sila nawalan ng pitagan; ni nanlapastangan sila. At ang mga batas ng lupain ay napakahigpit.
At nakakalat sila sa halos lahat ng dako ng lupain, at gayon din ang mga Lamanita. At higit silang nakararami kaysa sa mga Nephita; at ikinagagalak nila ang pumaslang at iniinom ang dugo ng mga hayop.
At ito ay nangyari na, na maraming ulit silang sumalakay laban sa amin, na mga Nephita, upang makidigma. Subalit ang aming mga hari at aming mga pinuno ay mga makapangyarihang lalaki sa pananampalataya sa Panginoon; at itinuro nila sa mga tao ang mga landas ng Panginoon; anupa’t nalabanan namin ang mga Lamanita at naitaboy silang palabas ng aming mga lupain, at nagsimulang patibayin ang aming mga lunsod, o alinmang lugar na aming mana.
At labis kaming dumami, at nagsikalat sa ibabaw ng lupain, at naging labis na mayaman sa ginto, at sa pilak, at sa mahahalagang bagay, at sa mahusay na pagyari ng kahoy, sa mga gusali, at sa mga makinarya, at gayon din sa bakal at tanso, at asero, gumagawa ng lahat ng uri ng kagamitan ng bawat uri upang makapagbungkal ng lupa, at mga sandata ng digmaan—oo, ang matulis na palaso, at ang sisidlan ng pana, at ang tunod, at ang sibat, at lahat ng paghahanda para sa digmaan.
At sa gayon nakahandang harapin ang mga Lamanita, hindi sila namayani laban sa amin. Subalit ang salita ng Panginoon ay napatunayan, na kanyang sinabi sa aming mga ama, sinasabi na:
Habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan,
kayo ay uunlad sa lupain.
At ito ay nangyari na, na binigyang-babala ng mga propeta ng Panginoon ang mga tao ni Nephi, alinsunod sa salita ng Diyos, na kung hindi nila susundin ang mga kautusan, bagkus ay mahuhulog sa paglabag, na kinakailangan silang lipulin mula sa ibabaw ng lupain. Kaya nga, ang mga propeta, at ang mga saserdote, at ang mga guro, ay masisigasig na nagpagal, pinapayuhan nang may mahabang pagtitiis ang mga tao na magsumigasig; itinuturo ang mga batas ni Moises, at ang hangarin ng pagbibigay nito; hinihikayat silang umasa sa Mesiyas, at maniwalang siya ay paparito na para bagang pumarito na siya. At sa ganitong pamamaraan nila tinuruan sila.
At ako, si Jarom, ay hindi na magsusulat pa, sapagkat maliliit ang mga lamina. Subalit masdan, aking mga kapatid, maaari kayong sumangguni sa isa pang mga lamina ni Nephi; sapagkat masdan, sa mga yaon nauukit ang mga talaan ng aming mga digmaan, ayon sa mga sulat ng mga hari, o yaong mga ipinasulat nila.
At ibinibigay ko ang mga laminang ito sa mga kamay ng aking anak na lalaki na si Omni, upang ang mga ito ay maingatan alinsunod sa mga kautusan ng aking mga ama.