Kayo ay mabilis sa paggawa ng kasamaan subalit mabagal sa pag-aalaala sa Panginoon ninyong Diyos. Nakakita kayo ng isang anghel, at nangusap siya sa inyo; oo, manaka-naka ay narinig ninyo ang kanyang tinig; at siya ay nangusap sa inyo sa isang marahan at banayad na tinig, datapwat kayo ay manhid, kung kaya’t hindi ninyo madama ang kanyang mga salita; kaya nga, siya ay nangusap sa inyo tulad ng tinig ng kulog, na nagpayanig sa lupa na parang ito ay mabibiyak.
At alam din ninyo na sa pamamagitan ng bisa ng kanyang makapangyarihang salita ay magagawa niyang ang mundo ay palipasin; oo, at alam ninyo na sa pamamagitan ng kanyang salita ay magagawa niyang ang mga baku-bakong pook ay maging makikinis, at ang makikinis na pook ay mawasak. O, kung gayon, bakit napakatigas ng inyong mga puso? Masdan, ang aking kaluluwa ay ginigiyagis ng dalamhati dahil sa inyo, at ang aking puso ay nasasaktan; ako ay natatakot na baka kayo ay itakwil magpakailanman. Masdan, ako ay puspos ng Espiritu ng Diyos, kung kaya nga’t ang aking katawan ay walang lakas.