Mga Lehites sa Jerusalem at Arabia

Ang Pagdating sa Bountiful

1 Nephi 17:5–6

Ang pangkat ay nakarating sa isang malabang at mabungang bahagi ng baybayin na tinatawag na Masagana.

At dumating kami sa lupain na aming tinawag na Masagana, dahil sa doon ay maraming bungang-kahoy at gayon din ng pulut-pukyutan; at ang lahat ng bagay na ito ay inihanda ng Panginoon upang kami ay huwag masawi. At namasdan namin ang dagat, na tinawag naming Irreantum, na, ibig ipakahulugan, ay maraming tubig.

At ito ay nangyari na, na itinayo namin ang aming mga tolda sa tabing dagat; at sa kabila ng aming dinanas na maraming pagdurusa at labis na kahirapan, oo, maging napakarami na hindi namin maisulat na lahat, kami ay labis na nagalak nang kami ay sumapit sa tabing dagat; at tinawag namin ang pook na Masagana, dahil sa pagkakaroon nito ng maraming bungang-kahoy.

1 Nephi 17:7

Sinabi ng Panginoon kay Nephi na umakyat sa bundok.

At ito ay nangyari na, na makaraang ako, si Nephi, ay nakapamalagi sa lupain ng Masagana sa loob ng maraming araw, ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa akin, sinasabing:

Bumangon ka, at umakyat ka sa bundok.

At ito ay nangyari na, na ako ay bumangon at umakyat sa bundok, at nagsumamo sa Panginoon.

1 Nephi 17:8

Sinabi ng Panginoon kay Nephi na gumawa ng isang sasakyang-dagat.

At ito ay nangyari na, na nangusap sa akin ang Panginoon, sinasabing:

Ikaw ay gumawa ng isang sasakyang-dagat, alinsunod sa pamamaraang ipakikita ko sa iyo, upang maitawid ko ang iyong mga tao sa kabila ng mga tubig na ito.

1 Nephi 17:9–10

Si Nephi ay nagtanong kung saan patutungo upang makakuha ng mga inang mina para sa paggawa ng mga kagamitan sa pagyari ng sasakyang-dagat; Sinabi sa kanya ito ng Panginoon.

At sinabi ko:

Panginoon, saan po ako patutungo upang makatagpo ng inang minang tutunawin, upang makagawa ako ng mga kagamitan sa pagyari ng sasakyang-dagat alinsunod sa pamamaraang ipinakita ninyo sa akin?

At ito ay nangyari na, na sinabi sa akin ng Panginoon kung saan ako nararapat pumunta upang makatagpo ng inang mina, nang makagawa ako ng mga kagamitan.

1 Nephi 17:11

si Nephi ay gumawa ng mga apoy at bulusan.

At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay gumawa ng bulusang pang-ihip sa apoy, na yari sa mga balat ng mga hayop; at matapos na ako ay makagawa ng bulusan, nang ako ay magkaroon ng pang-ihip sa apoy, pinagkiskis ko ang dalawang bato upang makapagpaningas ako ng apoy.

1 Nephi 17:15–16

Si Nephi ay gumawa ng mga kagamitan mula sa mga inang mina.

Kaya nga, ako, si Nephi, ay nagsikap na sundin ang mga kautusan ng Panginoon, at pinayuhan ko ang aking mga kapatid tungo sa katapatan at pagsisikap. At ito ay nangyari na, na ako ay gumawa ng mga kagamitang yari sa inang mina na tinunaw ko mula sa malaking bato.

1 Nephi 17:17–18

Nang makita ni Laman at Lemuel si Nephi na gumagawa, kinutya nila siya.

At nang makita ng aking mga kapatid na ako ay magsisimulang gumawa ng sasakyang-dagat, sila ay nagsimulang bumulung-bulong laban sa akin, sinasabing:

Ang ating kapatid ay isang hangal, sapagkat inaakala niya na siya ay makagagawa ng isang sasakyang-dagat; oo, at inaakala rin niyang makatatawid siya sa malawak na tubig na ito.

At sa gayon dumaing ang aking mga kapatid laban sa akin, at nagnais na huwag silang gumawa, sapagkat hindi sila naniwala na ako ay makagagawa ng isang sasakyang-dagat; ni sila ay maniwala na ako ay inatasan ng Panginoon.

1 Nephi 17:19

Si Nephi ay lubhang nasaktan sa kanilang kawalan ng paniniwala.

At ngayon ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay labis na nalungkot dahil sa katigasan ng kanilang mga puso;

1 Nephi 17:19–22

Si Laman at Lemuel ay nagpatuloy sa pagkutya at panglalait kay Nephi sa kanyang gawa; sinisisi siya sa lahat ng kanilang mga suliranin.

At ngayon, nang mapuna nila na ako ay nagsimulang malungkot sila ay natuwa sa kanilang mga puso, kung kaya nga’t sila ay nagsaya sa aking pagkalungkot, sinasabing:

Alam naming hindi mo kayang gumawa ng sasakyang-dagat, sapagkat alam naming kulang ka sa kaalaman, kaya nga, hindi mo kayang isagawa ang ganyang napakalaking gawain. At ikaw ay katulad ng ating ama, nalinlang ng mga hangal na guni-guni ng kanyang puso; oo, inakay niya tayo palabas ng lupain ng Jerusalem, at tayo ay gumala-gala sa ilang sa maraming taong ito; at ang ating kababaihan ay nagpapakahirap, kahit na sila ay may dinadala sa sinapupunan; at sila ay nagsilang ng mga anak sa ilang at nagdanas ng lahat ng hirap, maliban sa kamatayan; at mabuti pang sila ay nangamatay bago sila lumisan sa Jerusalem kaysa nagdanas ng mga kahirapang ito.

Masdan, sa maraming taong ito, tayo ay nagdusa sa ilang, sa panahong maaari sana nating natamasa ang ating mga ari-arian at ang lupaing ating mana; oo, at tayo sana ay naging maligaya. At alam namin na ang mga taong nasa lupain ng Jerusalem ay mabubuting tao; sapagkat kanilang sinunod ang mga batas at kahatulan ng Panginoon, at lahat ng kanyang kautusan, alinsunod sa mga batas ni Moises; kaya nga, alam namin na sila ay mabubuting tao; at hinatulan sila ng ating ama, at inilayo tayo sapagkat nakinig tayo sa kanyang mga salita; oo, at ang ating kapatid ay katulad niya.

At sa ganitong pamamaraan ng pananalita ang mga kapatid ko ay bumulung-bulong at dumaing laban sa amin.

1 Nephi 17:23–47

Sa pagtugon, pinangaralan ni Nephi ang kanyang mga kapatid na lalaki, isinasalaysay ang kasaysayan ng Israel, kinundena ang kanilang kawalang-paniniwala, at hinimok silang magsisi.

At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay nangusap sa kanila, sinasabing:

1 Nephi 17:48

Nang marinig ito, si Laman at Lemuel ay lubhang nagalit, at nagnais na itapon si Nephi sa karagatan.

At ngayon ito ay nangyari na, nang sabihin ko ang mga salitang ito sila ay nagalit sa akin, at nagnais na ihagis ako sa kailaliman ng dagat;...

1 Nephi 17:48–49

Si Nephi ay nagsalita sa ngalan ng Diyos sa pagpigil kay Laman at Lemuel.

...at nang sila ay palapit na upang pagbuhatan ako ng kamay ako ay nangusap sa kanila, sinasabing:

Sa pangalan ng Pinakamakapangyarihang Diyos, inuutusan ko kayong huwag ninyo akong salingin, sapagkat ako ay puspos ng kapangyarihan ng Diyos, maging hanggang sa pagkadaig ng aking laman; at sinuman ang magbubuhat ng kamay sa akin ay malalantang katulad ng tuyong tambo; at siya ay mawawalang-kabuluhan sa harapan ng kapangyarihan ng Diyos, sapagkat babagabagin siya ng Diyos.

At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay nagsabi sa kanila na huwag na silang bumulung-bulong pa laban sa kanilang ama; ni huwag nilang ipagkait ang kanilang gawain sa akin, sapagkat ang Diyos ang siyang nag-utos sa akin na ako ay gumawa ng sasakyang-dagat.

1 Nephi 17:50–52

Muling pinatunayan ni Nephi ang kapangyarihan ng Diyos na nasa kanya; si Laman at Lemuel, kumbinsido, ay hindi nagtangkang pagbuhatan siya ng kamay.

At sinabi ko sa kanila:

Kung Diyos ang nag-utos sa aking gawin ang lahat ng bagay ang mga yaon ay magagawa ko. Kung uutusan niya akong sabihin ko sa tubig na ito, ikaw ay maging lupa, ito ay magiging lupa; at kung ito ay sasabihin ko, ito ay mangyayari. At ngayon, kung ang Panginoon ay may gayon kadakilang kapangyarihan, at makagagawa ng maraming himala sa mga anak ng tao, paanong hindi niya ako maaaring atasan, na ako ay gumawa ng sasakyang-dagat?

At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay nangusap ng maraming bagay sa aking mga kapatid, kung kaya nga’t sila ay nalito at hindi na nakipagtalo laban sa akin; ni hindi nila ako mapagbuhatan ng kanilang mga kamay o masaling ako ng kanilang mga daliri, maging sa loob ng maraming araw. Ngayon hindi sila nagtangkang gawin ito at baka maluoy sila sa harapan ko, lubhang napakalakas ng Espiritu ng Diyos; at ito ay nakapangyari sa kanila.

1 Nephi 17:53–54

Sinabi ng Panginoon kay Nephi na iunat ang kanyang mga bisig—si Laman at Lemuel ay nakatanggap ng malakas na pagkapanginig.

At ito ay nangyari na, na nangusap sa akin ang Panginoon:

Iunat mong muli ang iyong mga kamay sa iyong mga kapatid, at sila ay hindi maluluoy sa harapan mo, datapwat panginginigin ko sila, wika ng Panginoon, at ito ay gagawin ko, upang makilala nila na ako ang Panginoon nilang Diyos.

At ito ay nangyari na, na iniunat ko ang aking kamay sa aking mga kapatid, at sila ay hindi naluoy sa harapan ko; subalit pinanginig sila ng Panginoon, maging alinsunod sa salitang kanyang winika.

1 Nephi 17:54–55, 18:1

Kinilala ni Laman at Lemuel ang makalangit na awtoridad ni Nephi; nagsimula silang sambahin si Nephi, ngunit sinabi ni Nephi sa kanila na ang Diyos ang dapat nilang sambahin.

At ngayon, kanilang sinabi:

Nalalaman namin nang may katiyakan na ang Panginoon ay sumasaiyo, sapagkat alam namin na ang kapangyarihan ng Panginoon ang yumanig sa amin.

At sila ay nagpatirapa sa harapan ko, at ako ay sasambahin na sana, datapwat pinigilan ko sila, sinasabing:

Ako ay inyong kapatid, oo, maging inyong nakababatang kapatid; kaya nga, sambahin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos, at igalang ang inyong ama at inyong ina, nang humaba ang inyong mga araw sa lupaing ipagkakaloob sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.


At ito ay nangyari na, na kanilang sinamba ang Panginoon, at sila ay humayong kasama ko;

1 Nephi 18:1–2

Si Nephi at ang kanyang mga kapatid na lalaki ay nagpatuloy sa pagtatayo sa sasakyang-dagat.

...at kami ay gumawa ng mga kahoy na kakaiba ang kayarian. At ipinakita sa akin ng Panginoon sa pana-panahon kung sa anong pamamaraan nararapat kong gawin ang mga kahoy ng sasakyang-dagat.

Ngayon ako, si Nephi, ay hindi ginawa ang mga kahoy alinsunod sa pamamaraang natutuhan ng tao, ni aking binuo ang sasakyang-dagat alinsunod sa pamamaraan ng tao; kundi binuo ko ito alinsunod sa pamamaraang ipinakita ng Panginoon sa akin; kaya nga, hindi ito alinsunod sa pamamaraan ng tao.

1 Nephi 18:3

Si Nephi ay madalas na bumabalik sa bundok upang makatanggap ng makalangit na gabay.

At ako, si Nephi, ay madalas na umakyat sa bundok, at madalas akong nanalangin sa Panginoon; anupa’t nagpakita sa akin ang Panginoon ng mga dakilang bagay.

1 Nephi 18:4

Ang sasakyang-dagat ay nabuo.

At ito ay nangyari na, nang matapos ko ang sasakyang-dagat, alinsunod sa salita ng Panginoon, namasdan ng aking mga kapatid na ito ay kasiya-siya, at ang pagkakagawa niyon ay lubhang mahusay; kaya nga, nagpakumbaba silang muli sa harapan ng Panginoon.

1 Nephi 18:5

Inutusan ng Panginoon si Lehi na dalhin ang bawat isa papasok sa sasakyang-dagat.

At ito ay nangyari na, na ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa aking ama, na kami ay nararapat bumangon at bumaba patungo sa sasakyang-dagat.

1 Nephi 18:6

Tinipon nila lahat ng kanilang mga panustos, at lumulan sa sasakyang-dagat.

At ito ay nangyari na, na kinabukasan, matapos na maihanda namin ang lahat ng bagay, maraming bungang-kahoy at karne mula sa ilang, at saganang pulot, at mga panustos alinsunod sa iniutos sa amin ng Panginoon, kami ay bumaba patungo sa sasakyang-dagat, dala ang lahat ng aming dala-dalahan at mga binhi, at anumang bagay na dala-dala namin, bawat isa alinsunod sa kanyang gulang; samakatwid, bumaba kaming lahat patungo sa sasakyang-dagat, kasama ang aming mga asawa’t anak.