At ito ay nangyari na, na matapos na kaming lahat ay makalulan sa sasakyang-dagat, at madala ang aming mga panustos at bagay na iniutos sa amin, kami ay naglayag sa dagat at itinaboy ng hangin patungo sa lupang pangako.
At makaraang kami ay maitaboy ng hangin sa loob ng maraming araw, masdan, ang aking mga kapatid at ang mga anak na lalaki ni Ismael at gayon din ang kanilang mga asawa ay nagsimulang magsaya, kung kaya nga’t sila ay nagsimulang sumayaw, at umawit, at magsalita nang may labis na kagaspangan, oo, maging hanggang sa kanilang malimutan sa anong kapangyarihan sila nadala roon; oo, sila ay natangay sa labis na kagaspangan.
At ako, si Nephi, ay nagsimulang matakot nang labis na baka ang Panginoon ay magalit sa amin, at bagabagin kami dahil sa aming kasamaan, na kami ay malulon sa kailaliman ng dagat; kaya nga, ako, si Nephi, ay nagsimulang magsalita sa kanila nang mahinahon; subalit masdan, sila ay nagalit sa akin, sinasabing:
Ayaw namin na ang aming nakababatang kapatid ang siyang mamuno sa amin.
At ito ay nangyari na, na sinunggaban ako nina Laman at Lemuel at iginapos ako sa pamamagitan ng mga lubid, at sila ay labis na nagmalupit sa akin; gayon pa man, pinahintulutan ito ng Panginoon upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan, tungo sa katuparan ng kanyang salita na sinabi niya hinggil sa masasama. At ito ay nangyari na, na matapos nila akong igapos kung kaya nga’t hindi ako makagalaw, ang aguhon, na inihanda ng Panginoon, ay tumigil sa paggalaw.
Anupa’t, hindi nila malaman kung saan nila nararapat isuling ang sasakyang-dagat, hanggang sa may namuong isang malakas na bagyo, oo, isang malakas at nakasisindak na bagyo, at kami ay itinaboy pabalik sa ibabaw ng mga tubig sa loob ng tatlong araw; at sila ay nagsimulang matakot nang labis na baka sila ay malunod sa dagat; gayunpaman, hindi nila ako kinalagan.
Ngayon, ang aking ama, si Lehi, ay nangusap ng maraming bagay sa kanila, at gayon din sa mga anak na lalaki ni Ismael; subalit masdan, sila ay nangusap ng maraming pananakot laban sa sinumang magsasalita para sa akin; at ang aking mga magulang na matatanda na, at nagdanas ng lubhang maraming pagdadalamhati dahil sa kanilang mga anak, sila ay naratay, oo, maging sa kanilang higaan. Dahil sa kanilang pagdadalamhati at labis na kalungkutan, at sa kasamaan ng aking mga kapatid, sila ay nalapit sa kalagayang halos ay muntik nang makipagkita sa kanilang Diyos; oo, ang kanilang mapuputing buhok ay malapit nang humimlay sa alabok; oo, maging hanggang sa sila ay halos muntik nang maihulog nang may kalungkutan sa matubig na libingan.
At si Jacob gayon din si Jose, sapagkat mga bata pa, na nangangailangan ng hustong pagkandili, ay nagdalamhati dahil sa mga paghihirap ng kanilang ina; at gayon din ang mga luha ng aking asawa at kanyang pagsusumamo, at ng akin ding mga anak, ay hindi nakapagpalambot ng mga puso ng aking mga kapatid upang ako ay kalagan nila.
At sa ikaapat na araw, na kami ay itinaboy pabalik, ang bagyo ay nagsimulang maging lalong matindi. At ito ay nangyari na, na kami ay halos malulon na sa kailaliman ng dagat. At makaraang kami ay itaboy pabalik sa ibabaw ng mga tubig sa loob ng apat na araw, nagsimulang matanto ng aking mga kapatid na ang mga kahatulan ng Diyos ay napasakanila, at sila ay tiyak na masasawi maliban kung sila ay magsisisi sa kanilang mga kasamaan; kaya nga, lumapit sila sa akin, at kinalag ang mga gapos sa aking mga galanggalangan, at masdan, ang mga ito ay labis na namaga; at gayon din, ang aking bukung-bukong ay lubhang namaga, at labis ang pananakit niyon.
At walang iba maliban sa kapangyarihan ng Diyos, na nagbanta sa kanila ng pagkalipol, ang maaaring makapagpalambot sa kanilang mga puso; anupa’t nang kanilang mapagtanto na sila ay malapit nang malulon sa kailaliman ng dagat na pinagsisihan nila ang bagay na kanilang ginawa, kung kaya nga’t ako ay kinalagan nila.
Gayunpaman, ako ay umasa sa aking Diyos, at pinapurihan siya sa buong maghapon; at hindi ako bumulung-bulong laban sa Panginoon dahil sa aking mga paghihirap.
At ito ay nangyari na, na matapos na ako ay kalagan nila, masdan, kinuha ko ang aguhon, at ito ay gumalaw kahit saan ko man naisin. At ito ay nangyari na, na ako ay nanalangin sa Panginoon; at makaraang ako ay makapanalangin, ang hangin ay huminto, at ang bagyo ay tumigil, at nagkaroon ng ganap na katiwasayan. At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ang umugit sa sasakyang-dagat, na kami ay naglayag na muli patungo sa lupang pangako.
At ito ay nangyari na, na makaraang kami ay makapaglayag sa loob ng maraming araw kami ay sumapit sa lupang pangako;