At ito ay nangyari na, na nangusap ang anghel sa akin, si Nephi, sinasabing:
Namasdan mo na kung magsisisi ang mga Gentil ay makabubuti sa kanila; at nalalaman mo rin ang hinggil sa mga tipan ng Panginoon sa sambahayan ni Israel; at narinig mo rin na ang sinumang hindi magsisisi ay tiyak na masasawi. Samakatwid, sa aba sa mga Gentil kung sakali mang patitigasin nila ang kanilang mga puso laban sa Kordero ng Diyos.
Sapagkat darating ang panahon, wika ng Kordero ng Diyos, na gagawa ako ng dakila at kagila-gilalas na gawain sa mga anak ng tao; isang gawaing magiging walang hanggan, sa isang dako man o sa kabila—sa ikahihikayat man nila tungo sa kapayapaan at buhay na walang hanggan, o tungo sa pagpapaubaya sa kanila sa katigasan ng kanilang mga puso at sa kabulagan ng kanilang mga isip na magdadala sa kanila sa pagkabihag, at gayon din sa pagkawasak, kapwa temporal at espirituwal, alinsunod sa pagkabihag ng diyablo, na aking sinabi.