At ito ay nangyari na, na namasdan ko ang mga labi ng mga binhi ng aking mga kapatid, at gayon din ang aklat ng Kordero ng Diyos, na nagmula sa bibig ng Judio, na ito ay lumabas mula sa mga Gentil patungo sa mga labi ng mga binhi ng aking mga kapatid.
At matapos nilang matanggap ito ay nakamalas ako ng iba pang mga aklat, na lumabas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kordero, mula sa mga Gentil patungo sa kanila, sa ikahihikayat ng mga Gentil at ng labi ng mga binhi ng aking mga kapatid, at gayon din ng mga Judio na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo, na ang mga talaan ng mga propeta at ng labindalawang apostol ng Kordero ay totoo.
At nangusap ang anghel sa akin, sinasabing:
Ang mga huling talaang ito, na nakita mo sa mga Gentil, ang magpapatibay sa katotohanan ng una, na nagmula sa labindalawang apostol ng Kordero, at ipaaalam ang malilinaw at mahahalagang bagay na inalis sa mga yaon; at ipaaalam sa lahat ng lahi, wika, at tao, na ang Kordero ng Diyos ang Anak ng Amang Walang Hanggan, at ang Tagapagligtas ng sanlibutan; at na ang lahat ng tao ay kinakailangang lumapit sa kanya, o sila ay hindi maaaring maligtas.
At sila ay kinakailangang lumapit alinsunod sa mga salitang pagtitibayin ng bibig ng Kordero; at ang mga salita ng Kordero ay ipaaalam sa mga talaan ng iyong mga binhi, gayon din sa mga talaan ng labindalawang apostol ng Kordero; anupa’t kapwa ito pagtitibayin sa isa; sapagkat may isang Diyos at isang Pastol sa buong mundo.
At darating ang panahon na ipakikita niya ang sarili sa lahat ng bansa, kapwa sa mga Judio at gayon din sa mga Gentil; at matapos na maipakita niya ang sarili sa mga Judio at gayon din sa mga Gentil, pagkatapos ay ipakikita niya ang sarili sa mga Gentil at gayon din sa mga Judio, at ang huli ay mauuna, at ang una ay mahuhuli.
At ito ay mangyayari, na kung makikinig ang mga Gentil sa Kordero ng Diyos sa araw na yaon na ipakikilala niya ang sarili sa kanila sa salita, at gayon din sa kapangyarihan, sa bawat gawa, hanggang sa pag-aalis ng kanilang batong kinatitisuran— At hindi patitigasin ang kanilang mga puso laban sa Kordero ng Diyos, sila ay mabibilang sa mga binhi ng iyong ama; oo, sila ay mabibilang sa sambahayan ni Israel; at sila ay magiging mga pinagpalang tao sa lupang pangako magpakailanman; hindi na sila muling madadala pa sa pagkabihag; at ang sambahayan ni Israel ay hindi na muling malilito pa.
At ang yaong malalim na hukay, na hinukay para sa kanila ng yaong makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, na itinatag ng diyablo at ng kanyang mga anak, upang maakay niya palayo ang mga kaluluwa ng tao pababa sa impiyerno—oo, yaong malalim na hukay na hinukay para sa pagkalipol ng tao ay mapupuno ng mga yaong humukay nito, tungo sa kanilang lubusang pagkalipol, wika ng Kordero ng Diyos; hindi ang pagkawasak ng kaluluwa, maliban sa pagwawaksi nito sa yaong impiyernong walang katapusan. Sapagkat masdan, ito ay alinsunod sa pagkabihag ng diyablo, at alinsunod din sa katarungan ng Diyos, sa lahat ng yaong gagawa ng kasamaan at karumal-dumal na gawain sa kanyang harapan.
At ito ay nangyari na, na nangusap ang anghel sa akin, si Nephi, sinasabing:
Namasdan mo na kung magsisisi ang mga Gentil ay makabubuti sa kanila; at nalalaman mo rin ang hinggil sa mga tipan ng Panginoon sa sambahayan ni Israel; at narinig mo rin na ang sinumang hindi magsisisi ay tiyak na masasawi. Samakatwid, sa aba sa mga Gentil kung sakali mang patitigasin nila ang kanilang mga puso laban sa Kordero ng Diyos.
Sapagkat darating ang panahon, wika ng Kordero ng Diyos, na gagawa ako ng dakila at kagila-gilalas na gawain sa mga anak ng tao; isang gawaing magiging walang hanggan, sa isang dako man o sa kabila—sa ikahihikayat man nila tungo sa kapayapaan at buhay na walang hanggan, o tungo sa pagpapaubaya sa kanila sa katigasan ng kanilang mga puso at sa kabulagan ng kanilang mga isip na magdadala sa kanila sa pagkabihag, at gayon din sa pagkawasak, kapwa temporal at espirituwal, alinsunod sa pagkabihag ng diyablo, na aking sinabi.