At ito ay nangyari na, na muli kaming naglakbay, tinatahak ang halos gayon ding landas tulad noong una; at matapos na kami ay nakapaglakbay sa loob ng maraming araw ay muli naming itinayo ang aming mga tolda, upang kami ay makapanatili sa loob ng ilang panahon.
At ito ay nangyari na, na si Ismael ay namatay, at inilibing sa pook na tinawag na Nahom.
At ito ay nangyari na, na ang mga anak na babae ni Ismael ay labis na nagdalamhati, dahil sa pagkawala ng kanilang ama, at dahil sa kanilang mga paghihirap sa ilang; at sila ay bumulung-bulong laban sa aking ama, dahil sa inilabas niya sila sa lupain ng Jerusalem, sinasabing:
Ang aming ama ay patay na; oo, at kami ay labis na nagpagala-gala sa ilang, at kami ay nagdanas ng labis na paghihirap, gutom, uhaw, at pagod; at matapos ang maraming pagdurusang ito kami ay tiyak na mamamatay sa gutom sa ilang.
At sa gayon sila bumulung-bulong laban sa aking ama, at gayon din, laban sa akin; at sila ay nagnais na bumalik na muli sa Jerusalem.
At sinabi ni Laman kay Lemuel at gayon din sa mga anak na lalaki ni Ismael:
Masdan, patayin natin ang ating ama, at gayon din ang ating kapatid na si Nephi, na iniluklok ang kanyang sarili na maging ating tagapamahala at ating guro, na mga nakatatanda niyang kapatid.
Ngayon, sinasabi niya na ang Panginoon ay nakipag-usap sa kanya, at gayon din na ang mga anghel ay naglingkod sa kanya. Ngunit masdan, nalalaman natin na siya ay nagsisinungaling sa atin; at sinasabi niya ang mga bagay na ito sa atin, at siya ay nagsasagawa ng maraming bagay sa pamamagitan ng kanyang tusong pamamaraan, upang madaya niya ang ating mga mata, sa pag-aakala, marahil, na madadala niya tayo sa isang di kilalang ilang; at matapos na tayo ay kanyang mailigaw palayo, binalak niyang gawing hari ang kanyang sarili at isang pinuno natin, upang magawa niya sa atin ang naaalinsunod sa kanyang kagustuhan at kasiyahan.
At sa ganitong pamamaraan pinukaw ng aking kapatid na si Laman ang kanilang mga puso upang magalit.
At ito ay nangyari na, na ang Panginoon ay nasa aming panig, oo, maging ang tinig ng Panginoon ay narinig at nagwika ng maraming salita sa kanila, at pinarusahan sila nang labis; at matapos silang parusahan ng tinig ng Panginoon ay iwinaksi nila ang kanilang galit, at pinagsisihan ang kanilang mga kasalanan, kung kaya nga’t biniyayaan kaming muli ng Panginoon ng pagkain, nang kami ay hindi mangasawi.
At ito ay nangyari na, na muli kaming naglakbay sa ilang; at kami ay naglakbay nang halos pasilangan magmula sa panahong yaon. At kami ay naglakbay at nagdanas ng maraming kahirapan sa ilang; at ang aming kababaihan ay nagsilang ng mga anak sa ilang.
At ngayon, isinilang sa aking ama ang dalawang anak na lalaki sa ilang; ang nakatatanda ay tinawag na Jacob at ang nakababata ay Jose.
At napakalaki ng pagpapala ng Panginoon sa amin, na samantalang kami ay nabubuhay sa hilaw na karne sa ilang, ang aming kababaihan ay nagbigay ng saganang gatas sa kanilang mga anak, at malalakas, oo, maging katulad ng kalalakihan; at nagsimula nilang batahin ang kanilang mga paglalakbay nang walang mga karaingan.
At sa gayon nakikita natin na ang mga kautusan ng Diyos ay tiyak na matutupad. At kung mangyayari na ang mga anak ng tao ay susunod sa mga kautusan ng Diyos kanya silang palulusugin, at pinalalakas sila, at naglalaan ng paraan upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang iniuutos sa kanila; anupa’t siya ay naglaan ng aming ikabubuhay habang kami ay pansamantalang naninirahan sa ilang. At kami ay pansamantalang nanirahan sa ilang sa loob ng maraming taon, oo, maging walong taon sa ilang.
Sapagkat hindi kami pinahintulutan ng Panginoon na kami ay magpaningas ng maraming apoy, habang kami ay naglalakbay sa ilang; sapagkat sinabi niya:
Gagawin kong matamis ang pagkain ninyo, nang hindi na ninyo ito iluto; At ako rin ang magiging tanglaw ninyo sa ilang; at ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin, kung mangyayaring inyong susundin ang mga kautusan ko; anupa’t habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay aakayin patungo sa lupang pangako; at malalaman ninyo na sa pamamagitan ko kayo ay naakay.
Oo, at sinabi rin ng Panginoon na:
Matapos na kayo ay makarating sa lupang pangako, makikilala ninyo na Ako, ang Panginoon, ay Diyos; at na Ako, ang Panginoon, ang nagligtas sa inyo sa pagkalipol; oo, na inilabas ko kayo sa lupain ng Jerusalem.