Pinaikli ni Mormon ang Mga Talaan ng Mga Nephita

Ang Pagpapaikli at Pagtitipon ni Mormon sa mga Sinaunang Kasaysayan ng mga Tao ni Lehi

Mormon 6:6, 3 Nephi 5:10–11

Nang matipon ang kanyang mga tao sa Cumorah, dinala ni Mormon ang mga talaan na nasa lamina ni Nephi (na kung saan siya ay isa sa mga nag-ambag), at lumikha ng sarili niyang mga lamina, kung saan siya ay nagsimula na magsulat ng isang ibinuod na salin ng mga nilalaman ng mga lamina ni Nephi.

At ito ay nangyari na, nang matipon naming sama-sama ang lahat ng aming mga tao sa lupain ng Cumorah, masdan, ako, si Mormon, ay nagsimulang tumanda; at nalalaman na ito ang huling pakikipaglaban ng aking mga tao, at napag-utusan ng Panginoon na huwag kong pahihintulutan na ang mga talaang ipinasa-pasa ng aming mga ama, na banal, ay mahulog sa mga kamay ng mga Lamanita, (sapagkat sisirain ang mga ito ng mga Lamanita) kaya nga, ginawa ko ang mga talaang ito mula sa mga lamina ni Nephi...


Anupa’t ginawa ko ang aking talaan ng mga bagay na ito ayon sa talaan ni Nephi, na nauukit sa mga laminang tinatawag na mga lamina ni Nephi. At masdan, ginagawa ko ang talaan sa mga laminang aking ginawa sa pamamagitan ng sarili kong mga kamay.

Mga Salita ni Mormon 11

Ang mga lamina ni Nephi ay ipinasa-pasa sa lahat ng mga salinlahi, hanggang sa ang mga ito ay mapasakamay ni Mormon.

At ipinasa-pasa ang mga ito mula kay haring Benjamin, sa bawat sali’t salinlahi hanggang ang mga ito ay napasa aking mga kamay.

3 Nephi 5:9

Hindi lang ang mga lamina ni Nephi ang tanging mga tala ng mga Nephita, subalit ito ay mas ginagamit dahil sa kanilang kaiklian.

Subalit masdan may mga talaang naglalaman ng lahat ng pangyayari sa mga taong ito; at isang mas maikli subalit makatotohanang ulat ang ibinigay ni Nephi.

Mormon 9:32–34

Si Mormon ay sumulat sa isang titik na tinatawag na "Binagong Wikang Egipto," ipinaliwanag niya na kung may lugar pa na mapagsusulatan niya, siya sana ay sumulat sa wikang Hebreo, subalit malinaw na ang paggamit ng "Binagong Wikang Egipto" ay magpapahintulot sa manunulat na makapagtala ng mas maraming impormasyon gamit ang mga kakaunting titik.

At ngayon, masdan, isinulat namin ang talaang ito alinsunod sa aming kaalaman, sa mga titik na aming tinatawag na binagong wikang Egipto, na ipinasa at aming binago, alinsunod sa paraan ng aming pagsasalita. At kung ang aming mga lamina ay naging sapat ang laki ay isinulat sana namin ito sa Hebreo; ngunit binago rin namin ang Hebreo; at kung kami ay sumulat sa Hebreo, masdan, kayo ay hindi makakikita ng kahinaan sa aming talaan. Ngunit nalalaman ng Panginoon ang mga bagay na aming naisulat; at gayundin, walang ibang mga taong nakaaalam ng aming wika; at sapagkat walang ibang taong nakaaalam ng aming wika, kaya nga, siya ay naghanda ng mga paraan sa pagpapaliwanag ng mga yaon.

Mga Salita ni Mormon 3

Unang gumawa ng pagpapaikli si Mormon sa mga lamina ni Nephi na binubuo ng panahon mula kay Lehi hanggang kay Benjamin.

At ngayon, mangungusap ako kahit paano hinggil sa yaong aking naisulat na; sapagkat matapos akong makagawa ng pinaikling ulat mula sa mga lamina ni Nephi, hanggang sa paghahari nitong si haring Benjamin, na nabanggit ni Amaleki...

Mga Salita ni Mormon 3

Matapos gawin ang mga ito, hinalungkat niya ang kanyang mga talaan, na maaaring hinahanap ang susunod na bahagi na paiikliin, at natagpuan ang maliliit na lamina ni Nephi na bumubuo sa gayun ding mga panahon, subalit mas binibigyang diin ang mga katuruang pangrelihiyon.

...sinaliksik ko ang mga talaang ibinigay sa aking mga kamay, at natagpuan ko ang mga laminang ito, na naglalaman nitong maikling ulat ng mga propeta, mula kay Jacob hanggang sa paghahari nitong si haring Benjamin, at marami rin sa mga salita ni Nephi.

Mga Salita ni Mormon 4

Si Mormon ay natuwang makita na ang mga maliliit na lamina ay naglalaman ng mga propesiya tungkol kay Cristo at iba pang mga propesiya na naisakatuparan na.

At ang mga bagay na nasa mga laminang ito ay nakasisiya sa akin, dahil sa mga propesiya tungkol sa pagparito ni Cristo; at nalalaman ng aking mga ama na marami sa mga ito ang natupad na; oo, at nalalaman ko rin na kasindami ng mga naipropesiya hinggil sa amin hanggang sa panahong ito ay natupad na, at kasindami sa mga mangyayari pa lamang sa panahong ito ay tiyak na mangyayari—

Mga Salita ni Mormon 5–6

Kinuha ni Mormon ang maliit na lamina at isinama ito sa kanyang mga pinaikling talaan ng panahong Lehi–Benjamin.

Dahil dito, pinili ko ang mga bagay na ito, upang tapusin ang aking talaan tungkol sa kanila, kung aling nalalabi sa aking mga talaan ay hahanguin ko mula sa mga lamina ni Nephi; at hindi ko kayang isulat ang ika-isandaang bahagi man lamang ng mga bagay ng aking mga tao. Subalit masdan, kukunin ko ang mga laminang ito, na naglalaman ng mga pagpopropesiyang ito at mga paghahayag, at isasama ang mga ito sa mga labi ng aking talaan, sapagkat mahahalaga ang mga ito sa akin; at nalalaman kong magiging mahalaga ang mga ito sa aking mga kapatid.

Mga Salita ni Mormon 7–8

Hindi nakasisigurado si Mormon kung bakit niya isinasama ang mga ito, subalit nararamdaman niya na siya ay hinihimok ng Banal na Espiritu upang gawin ito, at siya ay nagtitiwala sa Diyos na nakaaalam ng lahat, sa kabila ng kanyang sariling kamangmangan.

At gagawin ko ito para sa isang matalinong layunin; sapagkat ganito ang bulong sa akin, alinsunod sa mga pamamatnubay ng Espiritu ng Panginoon na nasa akin. At ngayon, hindi ko nalalaman ang lahat ng bagay; subalit nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay na darating; anupa’t pinapatnubayan niya ako na gumawa alinsunod sa kanyang kalooban. At ang panalangin ko sa Diyos ay hinggil sa aking mga kapatid, na muli silang makarating sa kaalaman ng Diyos, oo, ang pagtubos ni Cristo; na muli silang maging mga kaaya-ayang tao.