Masdan, ngayon ito ay nangyari na, nang sabihin ni Nephi ang mga salitang ito, may ilang kalalakihang kabilang sa kanila ang tumakbo patungo sa hukumang-luklukan; oo, maging lima silang humayo, at sinabi nila sa kanilang sarili, habang humahayo sila:
Masdan, ngayon malalaman natin nang may katiyakan kung ang lalaking ito ay isang propeta at inutusan siya ng Diyos na magpropesiya nang gayong mga kagila-gilalas na bagay sa atin. Masdan, hindi tayo naniniwalang siya ay inutusan; oo, hindi tayo naniniwalang isa siyang propeta; gayon pa man, kung ang bagay na ito na sinabi niya hinggil sa punong hukom ay totoo, na siya ay patay na, kung magkagayon tayo ay maniniwala na ang iba pang mga salitang sinabi niya ay totoo.
At ito ay nangyari na, na nagtakbuhan sila sa kanilang lakas, at nagtungo sa hukumang-luklukan; at masdan, ang punong hukom ay nakahandusay sa lupa, at nakahiga sa kanyang dugo. At ngayon masdan, nang makita nila ito ay labis silang nanggilalas, kung kaya’t sila ay nangabuwal sa lupa; sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga salitang sinabi ni Nephi hinggil sa punong hukom. Subalit ngayon, nang makita nila ito sila ay naniwala, at nanaig sa kanila ang takot na baka ang lahat ng kahatulang sinabi ni Nephi ay sapitin ng mga tao; kaya nga, sila ay nanginig, at bumagsak sa lupa.
Ngayon, kaagad nang mapatay ang hukom—siya na sinaksak ng kanyang kapatid na nadadamitan ng balatkayo, at siya ay tumakas, at ang mga tagapagsilbi ay nagsitakbuhan at sinabi sa mga tao, nagbubulalas ng sigaw ng pagpaslang sa kanila; At masdan sama-samang tinipon ng mga tao ang kanilang sarili sa lugar ng hukumang-luklukan—at masdan, sa kanilang panggigilalas ay nakita nila ang yaong limang lalaki na nakahandusay sa lupa. At ngayon masdan, ang mga tao ay walang alam hinggil sa maraming tao na sama-samang nagtipon sa halamanan ni Nephi; kaya nga sinabi nila sa kanilang sarili:
Ang mga lalaking ito ang siyang pumaslang sa hukom,
at sila ay binagabag ng Diyos upang hindi sila makatakas sa atin.
At ito ay nangyari na, na kanilang dinakip sila, at kanilang iginapos sila at itinapon sila sa bilangguan. At nagpalaganap ng isang pahayag na pinaslang ang hukom, at na ang mga mamamatay-tao ay nadakip at itinapon sa bilangguan.
At ito ay nangyari na, na sa kinabukasan sama-samang tinipon ng mga tao ang kanilang sarili upang magdalamhati at upang mag-ayuno, sa libing ng dakilang punong hukom na pinatay. At sa gayon ang lahat din ng mga yaong hukom na nasa halamanan ni Nephi, at nakarinig sa kanyang mga salita, ay sama-sama ring nagtipon sa libing. At ito ay nangyari na, na sila ay nagtanong sa mga tao, sinasabing:
Nasaan ang limang isinugo upang alamin
ang hinggil sa punong hukom kung siya ay patay na nga?
At tumugon sila at sinabi:
Hinggil sa limang ito na sinasabi ninyong isinugo ninyo, ay wala kaming nalalaman;
subalit may limang mamamatay-tao,
na aming itinapon sa bilangguan.
At ito ay nangyari na, na hiniling ng mga hukom na dalhin sila; at sila ay dinala, at masdan, sila ang yaong limang isinugo; at masdan, ang mga hukom ay nagtanong sa kanila hinggil sa bagay na yaon, at sinabi nila ang lahat ng ginawa nila, sinasabing:
Kami ay tumakbo at nakarating sa lugar ng hukumang-luklukan, at nang makita namin ang lahat ng bagay maging tulad ng pinatototohanan ni Nephi, kami ay nanggilalas kung kaya nga’t kami ay bumagsak sa lupa; at nang kami ay makabawi mula sa aming panggigilalas, masdan, itinapon nila kami sa bilangguan. Ngayon, hinggil sa pagpaslang sa taong ito, hindi namin nalalaman kung sino ang may gawa nito; at ito lamang ang nalalaman namin, kami ay tumakbo at nagtungo alinsunod sa inyong kahilingan, at masdan, siya ay patay na, alinsunod sa mga salita ni Nephi.
At ngayon ito ay nangyari na, na ipinaliwanag ng mga hukom ang bagay na yaon sa mga tao, at nangusap laban kay Nephi, sinasabing:
Masdan, nalalaman natin na ang Nephi na ito ay nakipagkasundo sa kung sino upang patayin ang hukom, at pagkatapos ito ay ihahayag sa atin, upang kanyang mapaniwala tayo sa kanyang pananampalataya, upang maipagmalaki niya ang kanyang sarili na isang dakilang tao, pinili ng Diyos, at isang propeta. At ngayon masdan, ilalantad natin ang lalaking ito, at ipagtatapat niya ang kanyang kasalanan at ipaaalam sa atin ang tunay na mamamatay-tao ng hukom na ito.
At ito ay nangyari na, na ang lima ay pinalaya sa araw ng libing. Gayon pa man, pinagsabihan nila ang mga hukom hinggil sa mga salitang sinabi nila laban kay Nephi, at isa-isang nakipagtalo sa kanila, hanggang sa kanilang nalito sila.