At ito ay nangyari na, na sinabi nila sa hari: Dalhin siya rito upang makapagtanong kami sa kanya; at iniutos ng haring dalhin siya sa harapan nila. At nagsimula silang tanungin siya, upang kanilang mapasinungalingan siya, nang sa gayon sila ay magkaroon ng ipararatang sa kanya; subalit kanyang tinugon sila nang buong tapang, at napangatwiranan ang lahat ng kanilang katanungan, oo, sa kanilang panggigilalas; sapagkat kanyang napangatwiranan sila sa lahat ng kanilang katanungan, at nilito sila sa lahat ng kanilang salita.
At ito ay nangyari na, na isa sa kanila ay nagsabi sa kanya: Ano ang kahulugan ng mga salitang nasusulat, at itinuro ng ating mga ama, sinasabing:
Anong ganda sa mga bundok
ang mga paa ng yaong nagdadala ng mabubuting balita;
na naghahayag ng kapayapaan.Na nagdadala ng mabuting balita ng kabutihan.
Na naghahayag ng kaligtasan;
na nagsasabi sa Sion, Ang iyong Diyos ay naghahari;Ang inyong mga tagabantay ay magtataas ng tinig;
sa pamamagitan ng magkakasamang tinig sila ay aawit.Sapagkat kanilang makikita nang mata sa mata
kung kailan ibabalik na muli ng Panginoon ang Sion;Magpakagalak;
magsiawit nang magkakasama, kayong mga nawasak na dako ng Jerusalem.
Sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang mga tao,
tinubos niya ang Jerusalem;Ipinakita ng Panginoon ang kanyang banal na bisig
sa paningin ng lahat ng bansa,
at lahat ng dulo ng mundo
ay makikita ang kaligtasan ng ating Diyos?
At ngayon sinabi ni Abinadi sa kanila:
Mga saserdote ba kayo, at nagkukunwaring tinuturuan ang mga taong ito, at nakauunawa ng diwa ng pagpopropesiya, subalit nagnanais na malaman sa akin ang kahulugan ng mga bagay na ito? Sinasabi ko sa inyo, sa aba ninyo sa pagliligaw ng mga landas ng Panginoon! Sapagkat kung nauunawaan ninyo ang mga bagay na ito ay hindi ninyo itinuro ang mga yaon; anupa’t iniligaw ninyo ang mga landas ng Panginoon. Hindi ninyo ginamit ang inyong mga puso sa pang-unawa; samakatwid, hindi kayo naging matalino.
Kung gayon, ano ang itinuturo ninyo sa mga taong ito?
At sinabi nila:
Itinuturo namin ang mga batas ni Moises.
At muli sinabi niya sa kanila:
Kung itinuturo ninyo ang mga batas ni Moises ay bakit hindi ninyo sinusunod ang mga ito? Bakit ninyo inilalagak ang inyong mga puso sa mga kayamanan? Bakit kayo gumagawa ng mga pagpapatutot at sinasayang ang inyong lakas sa mga patutot, oo, at pinapangyaring magkasala ang mga taong ito, nang magkaroon ang Panginoon ng dahilang isugo ako upang magpropesiya laban sa mga taong ito, oo, maging isang malaking kapahamakan laban sa mga taong ito?
Hindi ba ninyo nalalaman na nagsasabi ako ng totoo? Oo, alam ninyong nagsasabi ako ng totoo; at nararapat lamang na manginig kayo sa harapan ng Diyos. At ito ay mangyayari na parurusahan kayo dahil sa inyong kasamaan, sapagkat sinabi ninyong itinuturo ninyo ang mga batas ni Moises. At ano ang nalalaman ninyo hinggil sa mga batas ni Moises? Na ang kaligtasan ba ay darating sa pamamagitan ng mga batas ni Moises? Ano ang masasabi ninyo?
At tumugon sila at sinabing darating nga ang kaligtasan sa pamamagitan ng mga batas ni Moises.
Subalit ngayon sinabi ni Abinadi sa kanila:
Alam ko na kung susundin ninyo ang mga kautusan ng Diyos na kayo ay maliligtas; oo, kung susundin ninyo ang mga kautusang ibinigay ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, sinasabing:
‘Ako ang Panginoon ninyong Diyos,
na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto,
mula sa bahay ng pagkaalipin.
Huwag kayong magkakaroon ng ibang Diyos maliban sa akin.
Huwag kayong gagawa sa inyong sarili ng anumang inukit na larawan,
o anumang nahahalintulad ng anumang bagay na nasa langit sa taas,
o mga bagay na nasa ilalim ng lupa.’
Ngayon sinabi ni Abinadi sa kanila,
Ginawa ba ninyo ang lahat ng ito? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, hindi ninyo ginawa. At itinuro ba ninyo sa mga taong ito na dapat nilang gawin ang lahat ng bagay na ito? Sinasabi ko sa inyo, Hindi, hindi ninyo itinuro.
At ngayon nang marinig ng hari ang mga salitang ito, sinabi niya sa kanyang mga saserdote:
Dalhin ang taong ito, at patayin siya;
sapagkat ano ang mapapala natin sa kanya, sapagkat siya ay baliw.
At nagsitayo sila at nagtangkang hawakan siya ng kanilang mga kamay; subalit kanyang napaglabanan sila, at sinabi sa kanila:
Huwag ninyo akong salingin, sapagkat parurusahan kayo ng Diyos kung hahawakan ninyo ako, sapagkat hindi ko pa naihahayag ang mensaheng ibinigay ng Panginoon sa akin na ipahayag; ni hindi ko pa nasasabi sa inyo ang yaong hinihiling ninyong sabihin ko; samakatwid, hindi ipahihintulot ng Diyos na ako ay mamatay sa oras na ito. Subalit kailangan kong tuparin ang mga kautusang iniutos ng Diyos sa akin; at dahil sa sinabi ko sa inyo ang katotohanan kayo ay nagagalit sa akin. At muli, dahil sa sinabi ko ang salita ng Diyos, hinatulan ninyo ako na ako ay baliw.
Ngayon ito ay nangyari na, na matapos sabihin ni Abinadi ang mga salitang ito na ang mga tao ni haring Noe ay hindi nagtangkang hawakan siya ng kanilang mga kamay, sapagkat nasa kanya ang Espiritu ng Panginoon; at ang kanyang mukha ay nagliwanag nang may di pangkaraniwang pagkinang, maging tulad kay Moises habang nasa bundok ng Sinai, habang nakikipag-usap sa Panginoon. At nangusap siya nang may kapangyarihan at karapatan mula sa Diyos; at ipinagpatuloy niya ang kanyang mga salita, sinasabing:
Nakikita ninyong wala kayong kapangyarihan na patayin ako, samakatwid, tatapusin ko ang aking mensahe. Oo, at nahihiwatigan kong tumatagos ito sa inyong mga puso dahil sa sinabi ko sa inyo ang katotohanan hinggil sa inyong mga kasamaan. Oo, at pinupuno kayo ng aking mga salita ng pagkamangha at panggigilalas, at ng galit. Subalit tatapusin ko ang aking mensahe; at pagkatapos hindi na mahalaga kung saan ako patutungo, kung mangyayari na ako ay maliligtas. Subalit ito lamang ang masasabi ko sa inyo, kung ano ang gagawin ninyo sa akin, pagkatapos nito, ay magiging halimbawa at anino ng mga bagay na darating.
At ngayon ito ay nangyari na, nang si Abinadi ay matapos sa mga pananalitang ito, na ang hari ay nag-utos na nararapat siyang dakpin ng mga saserdote at papangyarihing siya ay patayin.
Ngunit may isa sa kanila na ang pangalan ay Alma, siya na isa ring inapo ni Nephi. At siya ay isang kabataang lalaki, at pinaniwalaan niya ang mga salitang sinabi ni Abinadi, sapagkat alam niya ang hinggil sa kasamaan na pinatotohanan ni Abinadi laban sa kanila; kaya nga, siya ay nagsimulang magmakaawa sa hari na huwag siyang magalit kay Abinadi, kundi pahintulutan siyang lumisan nang mapayapa.
Ngunit ang hari ay lalong napoot, at pinapangyari na si Alma ay palayasin sa kanila, at isinugo ang kanyang mga tagapagsilbi na sundan siya upang siya ay kanilang patayin.
Ngunit siya ay tumakas mula sa harapan nila at itinago ang kanyang sarili kung kaya’t hindi nila siya natagpuan. At siya na nagtatago ng maraming araw ay isinulat ang lahat ng salitang sinabi ni Abinadi.
At ito ay nangyari na, na pinapangyari ng hari na si Abinadi ay paligiran ng kanyang mga tanod at dakpin siya; at siya ay kanilang iginapos at itinapon siya sa bilangguan.