Ang Muling Pagsakop sa Lupain ng Nephi

Pribadong Pagpupulong Ni Limhi kay Amon

Mosiah 8:5

Ipinakuha ni Limhi ang mga talaan ng kanyang mga tao, kaya si Amon ay nabasa kung ano ang nangyari sa kanila mula ng sila ay lumisan mula sa Zarahemla.

At ito ay nangyari na, na pinapangyari niya na ang mga laminang naglalaman ng mga talaan ng kanyang mga tao mula noong panahong umalis sila sa lupain ng Zarahemla ay dalhin sa harapan ni Ammon, upang kanyang mabasa ang mga ito.

Mosiah 8:6-12

Sinabi ni Limhi kay Amon ang tungkol sa 24 na mga gintong lamina na natagpuan ng kanyang mga tao nang sila ay humayo upang hanapin ang Zarahemla—siya ay naging mausisa sa kung ano ang nilalaman ng mga lamina, at nagtanong tungkol sa pagsasalin.

Ngayon, pagkatapos na pagkatapos mabasa ni Ammon ang mga talaan, ang hari ay nagtanong sa kanya upang malaman kung siya ay makapagpapaliwanag ng mga wika, at sinabi ni Ammon sa kanya na hindi siya marunong. At sinabi ng hari sa kanya:

Dahil sa pagdadalamhating sanhi ng paghihirap ng aking mga tao, pinapangyari ko na apatnapu at tatlo ng aking mga tao ang maglakbay sa ilang, nang sa gayon ay baka sakaling matagpuan nila ang lupain ng Zarahemla, upang makapagsumamo kami sa aming mga kapatid na palayain kami mula sa pagkaalipin.

At naligaw sila sa ilang sa loob ng maraming araw, ngunit nagsumigasig sila, at hindi natagpuan ang lupain ng Zarahemla kundi bumalik sa lupaing ito, matapos maglakbay sa isang lupain sa gitna ng maraming tubig, matapos matagpuan ang isang lupaing natatabunan ng mga buto ng tao, at ng mga hayop, at natatabunan din ng mga guho ng bawat uri ng gusali, matapos matagpuan ang isang lupaing tinirahan ng mga taong kasindami ng mga hukbo ng Israel.

At bilang patunay na totoo ang kanilang sinabi sila ay nagdala ng dalawampu’t apat na lamina na puno ng mga ukit, at gawa ang mga ito sa lantay na ginto.

At masdan din, nagdala sila ng mga baluti sa dibdib, na malalaki, at gawa ang mga ito sa tanso at tumbaga, at mga walang sira. At muli, nagdala sila ng mga espada, ang mga puluhan niyon ay sira na, at ang mga talim niyon ay kinain na ng kalawang; at walang sinuman sa lupain ang makapagpaliwanag ng wika o ng mga ukit na nasa mga lamina. Kung kaya’t sinabi ko sa iyo:

‘Marunong ka bang magsalin?’

At sinasabi ko sa iyong muli:

‘May kilala ka bang marunong magsalin?’

Sapagkat nais kong maisalin sa aming wika ang mga talaang ito; sapagkat, baka sakali, ang mga ito ay makapagbigay sa amin ng kaalaman ng labi ng mga taong nalipol, kung saan ang mga talaang ito ay nanggaling; o, baka sakali, ang mga ito ay makapagbigay sa amin ng kaalaman ng tungkol na rin sa mga taong ito na nalipol; at nais kong malaman ang sanhi ng kanilang pagkalipol.

Mosiah 8:13-14

Sinabi ni Amon kay Limhi ang tungkol kay Mosias, ang tagakita, na may kakayanang magsalin.

Ngayon sinabi ni Ammon sa kanya:

Ako ay tiyak na makapagsasabi sa inyo, O hari, ng isang lalaking makapagsasalin ng mga talaan; sapagkat may kakayahan siya na tumingin, at magsalin ng lahat ng talaang sinauna; at kaloob ito mula sa Diyos.

At ang mga bagay na ito ay tinatawag na mga pansalin, at walang sinumang makatitingin dito maliban kung inutusan siya, at baka tingnan niya ang yaong hindi nararapat at masawi siya. At kung sinuman ang inutusang tumingin dito, siya rin ang tinatawag na tagakita.

At masdan, ang hari ng mga tao na nasa lupain ng Zarahemla ang taong inutusan upang gawin ang mga bagay na ito, at siyang may taglay nitong mataas na kaloob mula sa Diyos.

Mosiah 8:15–18

Si Amon at si Limhi ay nagusap sa paksa ng propesiya, pagiging tagakita, at mga himala.

At sinabi ng hari na ang tagakita ay higit pa kaysa propeta. At sinabi ni Ammon:

Ang tagakita ay tagapaghayag at propeta rin; at ang kaloob na nakahihigit ay hindi maaaring makamtan ng sinuman, maliban kung taglay niya ang kapangyarihan ng Diyos, na walang sinuman ang maaaring magtaglay; bagaman maaaring magtaglay ang isang tao ng dakilang kapangyarihan na ibinagay sa kanya mula sa Diyos.

Subalit maaaring malaman ng tagakita ang mga bagay na nakalipas na, at gayon din ang mga bagay na mangyayari pa lamang, at sa pamamagitan nila ay ipahahayag ang lahat ng bagay, o, sa lalong maliwanag, ang mga lihim na bagay ay maipaaalam, at ang mga nakatagong bagay ay malalagay sa liwanag, at ang mga bagay na hindi pa nalalaman ay ipaaalam nila, at ang mga bagay rin na hindi sana malalaman ay maipaaalam nila.

Sa gayon ang Diyos ay nagbigay ng paraan upang ang tao, sa pamamagitan ng pananampalataya, ay makagawa ng mga makapangyarihang himala; anupa’t siya ay naging malaking kapakinabangan sa kanyang kapwa.

Mosiah 8:19–21, 21:28

Nang marinig ito, pinuri ni Limhi ang Diyos sa kanyang mabubuting biyaya.

At ngayon, nang matapos si Ammon sa pangungusap ng mga salitang ito ay labis na nagsaya ang hari, at nagbigay-pasasalamat sa Diyos, sinasabing:

Walang alinlangan na isang malaking hiwaga ang nilalaman ng mga laminang ito, at ang mga pansaling ito ay walang alinlangang inihanda para sa layunin ng paglalahad ng mga hiwagang ganito sa mga anak ng tao.

O kagila-gilalas ang mga gawa ng Panginoon, at gaano katagal niyang titiisin ang kanyang mga tao; oo, at napakabulag at di maarok ang mga pang-unawa ng mga anak ng tao; sapagkat ayaw nilang maghangad ng karunungan, ni hindi nila nais na mamuno siya sa kanila!

Oo, para silang mga ligaw na kawan na nagsisitakas mula sa pastol, at nagsikalat, at nataboy, at mga sinila ng mga halimaw ng kagubatan.


At ngayon, si Limhi ay muling napuspos ng kagalakan sa pagkakaalam mula sa bibig ni Ammon na si haring Mosias ay may isang kaloob mula sa Diyos, upang kanyang maipaliwanag ang gayong mga nakaukit; oo, at si Ammon ay nagsaya rin.

Mosiah 21:29–31

Si Amon ay nalungkot sa mga kabiguang dinaranas ng mga tao.

Gayon man, si Ammon at ang kanyang mga kapatid ay napuspos ng kalungkutan sapagkat napakarami sa kanilang mga kapatid ang napatay; At gayon din na si haring Noe at ang kanyang mga saserdote ay naging dahilan upang ang mga tao ay makagawa ng maraming kasalanan at kasamaan laban sa Diyos; at sila rin ay nagdalamhati dahil sa pagkamatay ni Abinadi; at gayon din sa paglisan ni Alma at ng mga taong sumama sa kanya, na nagtayo ng isang simbahan ng Diyos sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng Diyos, at pananampalataya sa mga salitang sinabi ni Abinadi.

Oo, nagdalamhati sila dahil sa kanilang paglisan, sapagkat hindi nila nalalaman kung saan sila nagtungo. Ngayon, sila sana ay magagalak na sumama sa kanila, sapagkat sila rin ay nakipagtipan sa Diyos na paglilingkuran siya at susundin ang kanyang mga kautusan.

Mosiah 21:32–35

Ang mga tao ni Limhi ay higit na naaralan hinggil sa mga bagay ng relihiyon, subalit hindi nag-organisa ng isang simbahan.

At ngayon, simula ng pagdating ni Ammon, si haring Limhi ay nakipagtipan din sa Diyos, at gayon din ang marami sa kanyang mga tao, na paglilingkuran siya at susundin ang kanyang mga kautusan.

At ito ay nangyari na, na si haring Limhi at marami sa kanyang mga tao ay nagnais na mabinyagan; subalit walang sinuman sa lupain ang may karapatan mula sa Diyos. At si Ammon ay tumangging gawin ang bagay na ito, ipinalalagay ang kanyang sarili na isang hindi karapat-dapat na tagapaglingkod. Samakatwid, sa panahong yaon ay hindi pa nila binuo ang kanilang sarili sa isang simbahan, naghihintay sa Espiritu ng Panginoon.

Ngayon, sila ay nagnais na maging katulad ni Alma at ng kanyang mga kapatid, na nagsitakas patungo sa ilang. Sila ay nagnais na mabinyagan bilang saksi at bilang patotoo na sila ay nahahandang paglingkuran ang Diyos ng kanilang buong puso; gayon pa man, pinagpaliban nila ang panahon; at ang ulat ng kanilang binyag ay ibibigay pagkaraan nito.