Ang Muling Pagsakop sa Lupain ng Nephi

Ang Paghahari ni Zeniff sa Lehi-Nephi at Shilom

Mosiah 9:8–9

Ang mga tao ni Zenif ay nanirahan sa lupain.

At kami ay nagsimulang magtayo ng mga gusali, at ayusin ang mga muog ng lunsod, oo, maging ang mga muog ng lunsod ng Lehi-Nephi, at ng lunsod ng Silom. At kami ay nagsimulang magbungkal ng lupa, oo, maging lahat ng uri ng butil, mga butil ng mais, at ng trigo, at ng cebada, at ng neas, at ng seum, at ng mga binhi ng lahat ng uri ng bungang-kahoy; at kami ay nagsimulang dumami at umunlad sa lupain.

Mosiah 9:11–13

May mga alitan na umuusbong sa pagitan ng mga tao ni Zenif at ng mga Lamanita.

Sa gayon ito ay nangyari na, na matapos kaming manirahan sa lupain sa loob ng labindalawang taon ay nagsimulang mabalisa si haring Laman, at baka sa anumang pamamaraan ang aking mga tao ay maging malakas sa lupain, at hindi nila madaig sila at madala sila sa pagkaalipin. Ngayon, sila ay mga tamad at mga taong sumasamba sa mga diyus-diyusan; kaya nga ninais nila na kami ay dalhin sa pagkaalipin, upang magpakabundat sila sa mga gawa ng aming mga kamay; oo, upang magpakabusog sila sa mga kawan ng aming mga pastulan. Samakatwid ito ay nangyari na, na si haring Laman ay nagsimulang galitin ang kanyang mga tao upang sila ay makipaglaban sa aking mga tao; kaya nga, nagsimulang magkaroon ng mga digmaan at kaguluhan sa lupain.

Mosiah 9:14–19

Isang labanan ang bumulusok sa pagitan ng dalawang pangkat, subalit ang mga tao ni Zenif, dahil sa kanilang pananampalataya, ay nagtagumpay na may 3043 sa 279 na tumbasan ng mga namatay.

Sapagkat, sa ikalabingtatlong taon ng aking paghahari sa lupain ng Nephi, sa dakong katimugan ng lupain ng Silom, nang pinaiinom at pinakakain ng aking mga tao ang kanilang mga kawan, at binubungkal ang kanilang mga lupa, isang napakalaking hukbo ng mga Lamanita ang sumalakay at nagsimulang patayin sila, at kinuha ang kanilang mga kawan, at mga mais ng kanilang bukirin. Oo, at ito ay nangyari na, na sila ay nagsitakas, ang lahat ng hindi naabutan, maging sa lunsod ng Nephi, at nanawagan sa akin para sa kaligtasan. At ito ay nangyari na, na sinandatahan ko sila ng mga busog, at ng mga palaso, at ng mga espada, at ng mga simitar, at ng mga pamalo, at ng mga tirador, at ng lahat ng uri ng sandata na aming maaaring malikha, at ako, kasama ng aking mga tao ay humayo upang harapin ang mga Lamanita sa digmaan.

Oo, sa lakas ng Panginoon kami ay nakipagdigma sa mga Lamanita; sapagkat ako at ang aking mga tao ay taimtim na nagsumamo sa Panginoon na iligtas niya kami mula sa mga kamay ng aming mga kaaway, sapagkat kami ay nagising sa pag-alaala ng pagkakaligtas ng aming mga ama. At dininig ng Diyos ang aming mga pagsusumamo at tinugon ang aming mga panalangin; at humayo kami sa kanyang kapangyarihan; oo, humayo kami laban sa mga Lamanita, at sa loob ng isang araw at isang gabi ay nakapatay kami ng tatlong libo at apatnapu’t tatlo; pinagpapatay namin sila maging hanggang sa maitaboy namin sila palabas ng aming lupain. At ako rin, sa pamamagitan ng aking sariling mga kamay, ay tumulong sa paglibing ng kanilang mga patay. At masdan, sa aming labis na kalungkutan at panaghoy, dalawang daan at pitumpu’t siyam ng aming mga kapatid ang napatay.

Mosiah 10:1–5

Isang panahon ng muling pagtatatag ang sumunod, kung saan ang mga tao ni Zenif ay nagpapalakas ng kanilang militar at pang-industriyang kapangyarihan; dalawampu’t dalawang taon ang lumipas sa kapayapaan at kasaganaan.

At ito ay nangyari na, na muli naming sinimulang itatag ang kaharian at muli naming sinimulang angkinin ang lupain nang mapayapa. At pinapangyari kong gumawa ng lahat ng uri ng sandata ng digmaan, nang sa gayon ako ay magkaroon ng mga sandata para sa aking mga tao sa pagdating ng panahon na ang mga Lamanita ay sumalakay muli upang makidigma sa aking mga tao. At ako ay naglagay ng mga bantay sa paligid ng lupain, upang ang mga Lamanita ay hindi na makasalakay sa aming muli nang di namamalayan at lipulin kami; at sa ganito ko binantayan ang aking mga tao at aking mga kawan, at iniadya sila mula sa pagkahulog sa mga kamay ng aming mga kaaway.

At ito ay nangyari na, na aming minana ang lupain ng aming mga ama sa loob ng maraming taon, oo, sa loob ng dalawampu at dalawang taon. At pinapangyari kong bungkalin ang lupa ng kalalakihan, at magtanim ng lahat ng uri ng butil at lahat ng uri ng bawat bungang-kahoy. At pinapangyari ko na ang kababaihan ay magkidkid, at magsikap, at gumawa, at maghabi ng lahat ng uri ng mainam na lino, oo, at lahat ng uri ng tela, upang madamitan namin ang aming kahubaran; at sa ganito kami umunlad sa lupain—at sa ganito kami nagkaroon ng patuloy na kapayapaan sa lupain sa loob ng dalawampu at dalawang taon.

Mosiah 10:6

Si haring Laman ay namatay at ang kanyang anak ang humalili sa trono.

At ito ay nangyari na, na si haring Laman ay namatay, at nagsimulang mamamahala ang kanyang anak bilang kahalili niya.

Mosiah 10:6

Ang bagong hari ay may masamang plano para sa mga tao ni Zenif.

At sinimulan niyang pukawin ang kanyang mga tao na maghimagsik laban sa aking mga tao; anupa’t nagsimula silang maghanda upang makidigma, at sumalakay sa pakikidigma laban sa aking mga tao.

Mosiah 10:7

Si Zenif ay nagpadala ng mga tiktik upang malaman ang mga plano ng mga Lamanita.

Subalit isinugo ko ang aking mga tiktik sa paligid ng lupain ng Semlon, upang matuklasan ko ang kanilang mga paghahanda, upang makapagbantay ako laban sa kanila, upang hindi sila makasalakay sa aking mga tao at lipulin sila.

Mosiah 10:9

Si Zenif ay nagsagawa ng mga paghahanda para sa digmaan.

At ito ay nangyari na, na pinapangyari ko na ang mga kababaihan at mga anak ng aking mga tao ay magtago sa ilang; at pinapangyari ko rin na ang lahat ng matandang lalaki na kayang magdala ng sandata, at gayon din ang lahat ng aking mga kabataang lalaki na kayang magdala ng sandata ay sama-samang tipunin ang kanilang sarili upang makidigma laban sa mga Lamanita; at inayos ko sila sa kanilang mga hanay, bawat lalaki alinsunod sa kanyang gulang.

Mosiah 10:19, 11–18

Sinabi ni Zenif sa kanyang mga tao ang katotohanan tungkol sa mga Lamanita hinggil sa kanilang kasaysayan at kulturang politikal.

At ngayon ako, si Zenif,...sinabi ang lahat ng bagay na ito sa aking mga tao hinggil sa mga Lamanita:

Mosiah 10:8

Ang mga Lamanita ay nagsimulang sumalakay.

At ito ay nangyari na, na sila ay sumalakay sa dakong hilaga ng lupain ng Silom, kasama ang kanilang napakalaking hukbo, mga kalalakihang nasasandatahan ng mga busog, at ng mga palaso, at ng mga espada, at ng mga simitar, at ng mga bato, at ng mga tirador; at kanilang inahitan ang kanilang mga ulo kung kaya’t sila ay kalbo; at sila ay nabibigkisan ng bigkis na balat sa kanilang mga balakang.

Mosiah 10:19, 10, 20–21

Si Zenif ay lumaban din, at naging matagumpay.

At ngayon ako, si Zenif, matapos sabihin ang lahat ng bagay na ito sa aking mga tao hinggil sa mga Lamanita, pinasigla ko sila na humayo sa digmaan sa kanilang lakas, ibinibigay ang kanilang tiwala sa Panginoon; samakatwid, kami ay nakipaglaban sa kanila, nang harap-harapan.


At ito ay nangyari na, na kami ay umahon upang makidigma laban sa mga Lamanita; at ako, maging ako, sa aking katandaan, ay umahon upang makidigma laban sa mga Lamanita. At ito ay nangyari na, na kami ay umahon sa lakas ng Panginoon upang makidigma.


At ito ay nangyari na, na muli naming naitaboy sila palabas ng aming lupain; at napatay namin sila nang malupit na pagkatay, maging napakarami kung kaya’t hindi na namin sila mabilang. At ito ay nangyari na, na muli kaming bumalik sa aming mga lupain, at ang aking mga tao ay muling nagsimulang mamastol ng kanilang mga kawan, at magbungkal ng kanilang lupa.