Ngayon, nang sila ay makarating sa lupain, masdan, sa kanilang panggigilalas nalaman nilang ang mga Zoramita ay nagtayo ng mga sinagoga, at na sama-samang tinitipon nila ang kanilang sarili isang araw sa isang linggo, kung aling araw na iyon ay tinatawag nilang araw ng Panginoon; at sila ay sumasamba alinsunod sa pamamaraang kailanma’y hindi pa namasdan ni Alma at ng kanyang mga kapatid;
Sapagkat may lugar silang itinayo sa gitna ng kanilang sinagoga, isang lugar na tindigan, na mataas sa ulo; at sa tuktok niyon ay isang tao lamang ang makapapasok.
Samakatwid, sino man ang magnais na sumamba ay kailangang magtungo at tumindig sa tuktok niyon, at iunat ang kanyang mga kamay sa langit, at magsumamo sa malakas na tinig, sinasabing:
Banal, banal na Diyos;
Naniniwala kaming kayo ay Diyos,
at naniniwala kaming kayo ay banal,
at na kayo ay espiritu,
at mananatiling espiritu magpakailanman.Banal na Diyos, naniniwala kaming
inihiwalay ninyo kami sa aming mga kapatid;At hindi kami naniniwala
sa kaugalian ng aming mga kapatid,
na ipinasa-pasa sa kanila
sa pagiging isip-bata ng kanilang mga ama.Kundi naniniwala kaming hinirang ninyo kami
upang inyong maging mga banal na anak;At inyo ring ipinaalam sa amin
na hindi magkakaroon ng Cristo.Kundi kayo ay siya ring
kahapon, ngayon, at magpakailanman.At hinirang ninyo kami
upang kami’y maligtas,
niloob na lahat ng yaong nasa aming paligid ay hinirang
na iwaksi ng inyong kapootan pababa sa impiyerno;Kung aling kabanalan,
O Diyos, ay nagpapasalamat kami sa inyo;At nagpapasalamat din kami sa inyo
na hinirang ninyo kami,
upang hindi kami maakay palayo
alinsunod sa mga hangal na kaugalian ng aming mga kapatid,
na gumagapos sa kanila sa isang paniniwala kay Cristo,
na umaakay sa kanilang mga puso upang lumihis palayo mula sa inyo, aming Diyos.At muli nagpapasalamat kami sa inyo,
O Diyos, na kami ay mga pinili
at banal na tao.
Amen.
Ngayon ito ay nangyari na, na matapos marinig ni Alma at ng kanyang mga kapatid at ng kanyang mga anak ang mga panalanging ito, sila ay nanggilalas nang hindi masusukat. Sapagkat masdan, humayo ang bawat tao at naghandog ng gayon ding mga panalangin. Ngayon, ang lugar ay tinawag nilang Ramiumptum, na, ang ibig ipakahulugan, ay banal na tindigan.
Ngayon, mula sa tindigang ito sila ay naghahandog, bawat tao, ng gayon ding panalangin sa Diyos, pinasasalamatan ang kanilang Diyos na kanyang mga pinili sila, at na hindi niya inakay sila palayo alinsunod sa kaugalian ng kanilang mga kapatid, at na hindi nahikayat ang kanilang mga puso na maniwala sa mga bagay na darating, kung saan sila’y walang ano mang nalalaman.
Ngayon, matapos na ang lahat ng tao ay makapaghandog ng pasasalamat alinsunod sa pamamaraang ito, sila ay nagsibalik sa kanilang mga tahanan, hindi na muling nangungusap pa hinggil sa kanilang Diyos hanggang sa muli nilang sama-samang tipunin ang sarili sa banal na tindigan, upang maghandog ng pasasalamat alinsunod sa kanilang pamamaraan.