At ngayon masdan, ako, si Moroni, ay napipilitan, alinsunod sa tipang ginawa ko na susundin ang mga kautusan ng aking Diyos; anupa’t nais ko na kayo ay sumunod sa salita ng Diyos, at kaagad kayong magpadala sa akin ng inyong mga pagkain at inyong mga tauhan, at gayon din kay Helaman. At masdan, kung hindi ninyo gagawin ito ay mabilis akong magtutungo sa inyo; sapagkat masdan, hindi pahihintulutan ng Diyos na kami ay masawi dahil sa gutom; anupa’t siya ay magbibigay sa amin ng inyong pagkain, maging kung ito man ay sa pamamagitan ng espada. Ngayon tiyaking tinutupad ninyo ang salita ng Diyos. Masdan, ako si Moroni, ang inyong punong kapitan. Hindi ako naghahangad ng kapangyarihan, kundi ang hatakin itong pababa. Hindi ako naghahangad ng papuri ng sanlibutan, kundi para sa kaluwalhatian ng aking Diyos, at ng kalayaan at kapakanan ng aking bayan. At sa gayon ko tinatapos ang aking liham.