Subalit masdan, ito ay maselang panahon para sa ganitong mga alitan sa mga tao ni Nephi; sapagkat masdan, muling pinukaw ni Amalikeo ang mga puso ng mga tao ng mga Lamanita laban sa mga tao ng mga Nephita, at siya ay nangalap ng mga kawal mula sa lahat ng bahagi ng kanyang lupain, at sinandatahan sila, at inihahanda para sa digmaan nang buong pagsusumigasig; sapagkat siya ay nangakong iinumin niya ang dugo ni Moroni. Subalit masdan, makikita natin na ang kanyang pangako na ginawa niya ay kahangalan; gayon pa man, inihanda niya ang kanyang sarili at ang kanyang mga hukbo upang makidigma laban sa mga Nephita.
Ngayon, ang kanyang mga hukbo ay hindi gaanong malaki na tulad ng dati, dahil sa maraming libu-libong napatay ng kamay ng mga Nephita; subalit sa kabila ng kanilang malaking kawalan, si Amalikeo ay nakapangalap ng kamangha-manghang malaking hukbo, kung kaya nga’t hindi siya natakot na sumalakay sa lupain ng Zarahemla.
Oo, maging si Amalikeo rin ay sumalakay, sa unahan ng mga Lamanita. At ito ay sa ikadalawampu at limang taon ng panunungkulan ng mga hukom; at ito ay sa gayon ding oras nang sinimulan nilang ayusin ang mga bagay-bagay ng kanilang pag-aalitan hinggil sa punong hukom na si Pahoran.
At ito ay nangyari na, nang marinig ng mga taong tinatawag na king-men na ang mga Lamanita ay sumasalakay upang makidigma laban sa kanila, sila ay nagalak sa kanilang mga puso; at sila ay tumangging humawak ng mga sandata, sapagkat sila ay labis na napoot sa punong hukom, at gayon din sa mga tao ng kalayaan, kung kaya’t sila ay tumangging humawak ng mga sandata upang ipagtanggol ang kanilang bayan.
At ito ay nangyari na, nang makita ito ni Moroni, at nakita ring dumarating ang mga Lamanita sa mga hangganan ng lupain, siya ay labis na napoot dahil sa katigasan ng yaong mga taong kanyang labis na pinagsikapang pangalagaan; oo, siya ay labis na napoot; ang kanyang puso ay napuspos ng galit laban sa kanila.
At ito ay nangyari na, na siya ay nagpadala ng kahilingan, lakip ang tinig ng mga tao, sa gobernador ng lupain, hinihiling na basahin niya ito, at bigyan siya (si Moroni) ng kapangyarihan upang pilitin ang mga tumiwalag na yaon na ipagtanggol ang kanilang bayan o sila ay patayin. Sapagkat ito ang kanyang unang hangarin, ang wakasan ang mga gayong alitan at pagtatalu-talo sa mga tao; sapagkat masdan, ito ay naging dahilan noon ng lahat ng kanilang pagkalipol. At ito ay nangyari na, na ito ay pinahintulutan alinsunod sa tinig ng mga tao.
At ito ay nangyari na, na inutusan ni Moroni ang kanyang hukbo na labanan ang mga king-men na yaon, upang hataking pababa ang kanilang kapalaluan at kanilang kataasan at ipantay sila sa lupa, o sila ay humawak ng mga sandata at itaguyod ang layunin ng kalayaan.
At ito ay nangyari na, na may apat na libo ng mga tumiwalag na yaon ang pinabagsak ng espada; at yaong mga pinuno nila na hindi napatay sa digmaan ay dinakip at itinapon sa bilangguan, sapagkat wala nang oras para sa kanilang paglilitis sa panahong ito.
At ang nalalabing mga tumiwalag na yaon, kaysa sa tagpasin sa lupa ng espada, ay sumuko sa diwa ng kalayaan, at napilitang itaas ang bandila ng kalayaan sa kanilang mga tore, at sa kanilang mga lunsod, at humawak ng mga sandata sa pagtatanggol ng kanilang bayan.
At sa gayon winakasan ni Moroni ang mga king-men, kung kaya’t wala nang nakilala pa sa pangalang king-men; at sa gayon nawakasan niya ang katigasan at kapalaluan ng mga yaong taong naghahayag na sila ay mga dugong bughaw; sa halip sila ay ibinaba upang magpakumbaba ng kanilang sarili na katulad ng kanilang mga kapatid at makipaglaban nang buong giting para sa kanilang kalayaan sa pagkaalipin.