Ang Panahon ng Digmaan ng Zarahemla

Political Na Pagbabago at Pagkakagulo

Alma 50:37

Si Nefihas, ang punong hukom sa Zarahemla, ay namatay.

At ito ay nangyari na, na sa taon ding yaon na naibalik sa mga tao ni Nephi ang kanilang kapayapaan, na si Nefihas, ang pangalawang punong hukom, ay namatay, matapos manungkulan sa hukumang-luklukan nang may ganap na katwiran sa harapan ng Diyos.

Alma 50:39–40

Ang anak na lalaki ni Nefihas, na nagngangalang Pahoran, ay tinanggap ang katungkulan bilang punong hukom.

Masdan, ito ay nangyari na, na ang anak ni Nefihas ay hinirang na manungkulan sa hukumang-luklukan, bilang kahalili ng kanyang ama; oo, siya ay hinirang na maging punong hukom at gobernador ng mga tao, nang may panunumpa at banal na ordenansa na humatol nang matwid, at panatilihin ang kapayapaan at ang kalayaan ng mga tao, at ipagkaloob sa kanila ang kanilang mga banal na pribilehiyo na sambahin ang Panginoon nilang Diyos, oo, na itataguyod at pangangalagaan ang layunin ng Diyos sa lahat ng kanyang araw, at dalhin ang masasama sa katarungan alinsunod sa kanilang mabibigat na kasalanan.

Ngayon masdan, ang kanyang pangalan ay Pahoran. At nanungkulan si Pahoran sa luklukan ng kanyang ama, at sinimulan ang kanyang panunungkulan sa pagtatapos ng ikadalawampu at apat na taon, sa mga tao ni Nephi.

Alma 51:1–4

Ang mga Nephita na nagnanais na baguhin ang batas, ay sinubukang himukin si Pahoran na baguhin ang ilang mga bahagi ng batas, subalit nang si Pahoran ay tumangging umayon, ang ilan sa mga tao ay hindi nasiyahan kay Pahoran bilang kanilang punong hukom.

At ngayon ito ay nangyari na, na sa pagsisimula ng ikadalawampu at limang taon ng panunungkulan ng mga hukom sa mga tao ni Nephi, matapos nilang mapanatili ang kapayapaan sa pagitan ng mga tao ng Lehi at ng mga tao ng Morianton hinggil sa kanilang mga lupain, at matapos simulan ang ikadalawampu at limang taon sa kapayapaan;

Gayon pa man, hindi nila napanatiling matagal ang ganap na kapayapaan sa lupain, sapagkat nagsimulang magkaroon ng alitan sa mga tao hinggil sa punong hukom na si Pahoran; sapagkat masdan, may isang bahagi ng mga tao ang nagnais na baguhin ang ilang natatanging bahagi ng batas. Subalit masdan, si Pahoran ay tumangging baguhin ni ang pahintulutang baguhin ang batas; anupa’t hindi niya pinakinggan ang mga yaong nagpahayag ng kanilang mga tinig lakip ang kanilang kahilingan hinggil sa pagbabago ng batas.

Kaya nga, yaong mga nagnanais na baguhin ang batas ay nagalit sa kanya, at nagnais na hindi na siya ang maging punong hukom sa lupain; anupa’t nagkaroon ng mainit na pagtatalo hinggil sa bagay na ito, subalit hindi hanggang sa pagdanak ng dugo.

Alma 51:5–6

Dalawang politikal na partido ang umusbong: ang king-men, na naghahangad na ibagsak ang sistemang hukuman at magtaguyod ng isang hari, at ang mga freemen, na nagnanais na mapanatili ang mga kalayaang natatamasa sa ilalim ng kasalukuyang pamamahala.

At ito ay nangyari na, na yaong mga nagnanais na matanggal si Pahoran sa hukumang-luklukan ay tinawag na mga king-men, sapagkat ninanais nilang mabago ang batas sa paraang maibagsak ang malayang pamahalaan at magtaguyod ng isang hari sa lupain.

At yaong mga nagnanais na manatili si Pahoran bilang punong hukom ng lupain ay pinangalanan ang kanilang sarili na mga freemen; at sa gayon sila nahahati, sapagkat ang mga freemen ay nangako o nakipagtipan na pananatilihin ang kanilang mga karapatan at ang kanilang mga pribilehiyo sa relihiyon sa pamamagitan ng malayang pamahalaan.

Alma 51:7–8

Isang pampublikong reperendo ang tutukoy na ang tao sa kabuuan ay magtataguyod sa sistemang panghukuman; ang mga king-men ay nahigitan.

At ito ay nangyari na, na ang bagay na ito ng kanilang pag-aalitan ay isinaayos sa pamamagitan ng tinig ng mga tao. At ito ay nangyari na, na ang tinig ng mga tao ay nagpatibay sa panig ng mga freemen, at si Pahoran ay nanatili sa hukumang-luklukan, na naging dahilan ng labis na kasiyahan sa mga kapatid ni Pahoran at marami rin sa mga tao ng kalayaan, na nagpatahimik din sa mga king-men, kung kaya’t hindi sila makatutol kundi napilitang panatilihin ang layunin ng kalayaan. Ngayon, ang yaong mga sumasang-ayon sa mga hari ay yaong mga maharlikang angkan, at hinangad nilang maging mga hari; at sila ay itinataguyod ng mga yaong naghahangad ng kapangyarihan at karapatan sa mga tao.