At ito ay nangyari na, na habang ako’y nasa gayong paggiyagis ng pagdurusa, samantalang ako’y sinasaktan ng alaala ng marami kong kasalanan, masdan, naalaala ko ring narinig ang aking ama na nagpropesiya sa mga tao hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Ngayon, nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso:
O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan, at napalilibutan ng walang hanggang tanikala ng kamatayan.
At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan. At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!
Oo, sinasabi ko sa iyo, anak ko, na walang ano mang bagay ang kasinghapdi at kasingpait ng aking mga pasakit. Oo, at muli sinasabi ko sa iyo, anak ko, na sa kabilang dako, walang ano mang bagay ang kasingganda at kasingtamis ng aking kagalakan. Oo, inakala kong nakita ko, maging tulad ng nakita ng ating amang si Lehi, ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono, napaliligiran ng di mabilang na lipumpon ng mga anghel, nasa ayos ng pag-awit at pagpupuri sa kanilang Diyos; oo, at ang aking kaluluwa ay nag-asam na maparoon.
...at hindi kailanman, hanggang sa humingi ako ng awa sa Panginoong Jesucristo, na nakatanggap ako ng kapatawaran sa aking mga kasalanan. Subalit masdan, nagsumamo ako sa kanya at natagpuan ko ang kapayapaan sa aking kaluluwa. [i]2841[/i]