Ang Zarahemla sa Ilalim ng Monarkiyal na Pamumuno

Ang Paghihimagsik ng Mga Anak ni Alma at Mosias

Mosiah 27:8–9, 34

Ang anak na lalaki ni Alma, na si Alma, at ang mga anak na lalaki ni Mosias, si Amon, si Aaron, si Omner, at si Himni ay kabilang sa mga hindi naniniwala na nagdudulot ng mga suliranin para sa simbahan.

Ngayon, ang mga anak na lalaki ni Mosias ay nabibilang sa mga hindi naniniwala; at gayon din, ang isa sa mga anak na lalaki ni Alma ay nabilang sa kanila, siya na tinatawag na Alma alinsunod sa kanyang ama; gayon pa man, siya ay naging napakasama at isang lalaking sumasamba sa mga diyus-diyusan. At siya ay isang lalaking bihasa sa pananalita, at nangusap siya ng maraming panghihibok sa mga tao; anupa’t naakay niya ang marami sa mga tao na gumawa alinsunod sa uri ng kanyang mga kasamaan. At siya ay naging isang malaking sagabal sa kaunlaran ng simbahan ng Diyos; inaakay papalayo ang mga puso ng mga tao; nagiging dahilan ng maraming pagtatalo sa mga tao; nagbibigay ng pagkakataon sa kaaway ng Diyos na magamit ang kanyang kapangyarihan sa kanila.


At apat sa kanila ang mga anak na lalaki ni Mosias; at ang kanilang mga pangalan ay Ammon, at Aaron, at Omner, at Himni; ito ang mga pangalan ng mga anak ni Mosias.

Mosiah 27:10–12, Alma 36:6–7

Isang araw, habang sila ay nagsasagawa ng mga paninira, isang anghel ang nagpakita sa isang makaagaw-pansin at nakayayanig na pagpapamalas.

At ngayon ito ay nangyari na, na habang siya ay nagpapalibut-libot kanyang isinasagawa ang pagwasak sa simbahan ng Diyos, sapagkat siya ay lumibot nang palihim kasama ang mga anak ni Mosias na naghahangad na wasakin ang simbahan, at upang iligaw ang mga tao ng Panginoon, taliwas sa mga kautusan ng Diyos, o maging ng hari— At tulad ng aking sinabi sa inyo, habang sila ay nagpapalibut-libot at naghihimagsik laban sa Diyos, masdan, ang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanila; at siya ay bumaba na waring nasa ulap; at siya ay nangusap na katulad ng tinig ng kulog, na naging dahilan upang mayanig ang lupang kanilang kinatatayuan; At labis ang kanilang panggigilalas, kung kaya’t bumagsak sila sa lupa, at hindi naunawaan ang mga salitang kanyang sinabi sa kanila.


Sapagkat naglakbay akong kasama ang mga anak na lalaki ni Mosias, naghahangad na wasakin ang simbahan ng Diyos; subalit masdan, isinugo ng Diyos ang kanyang banal na anghel upang pigilin kami sa daraanan. At masdan, siya ay nangusap sa amin, tulad ng tinig ng kulog, at ang buong lupa ay nayanig sa ilalim ng aming mga paa; at kaming lahat ay nalugmok sa lupa, sapagkat ang takot sa Panginoon ay nanaig sa amin.

Mosiah 27:13, Alma 36:8, 38:7

Tinawag ng anghel si Alma sa pangalan at nagtanong kung bakit niya inuusig ang simbahan.

Gayon pa man sumigaw siyang muli, sinasabing:

Alma, magbangon ka at tumindig,
sapagkat bakit mo inuusig ang simbahan ng Diyos?
Sapagkat sinabi ng Panginoon:

‘Ito ay aking simbahan, at aking itatatag ito;
at walang anumang makapagpapabagsak dito,
maliban sa pagkakasala ng aking mga tao.’

Subalit masdan, sinabi ng tinig sa akin:

Bumangon. At bumangon ako at tumayo, at namasdan ang anghel.


Subalit masdan, ang Panginoon sa kanyang dakilang awa ay isinugo ang kanyang anghel upang ipahayag sa akin na kailangang itigil ko ang gawain ng pangwawasak sa kanyang mga tao; oo, at nakakita ako ng isang anghel nang harap-harapan, at siya ay nakipag-usap sa akin, at ang kanyang tinig ay tulad sa kulog, at niyanig nito ang buong lupa.

Mosiah 27:14–16, Alma 36:9

Napaniwala ng anghel si Alma sa kanyang mga kamalian, inutusan niya siyang tumigil sa kanyang nakapipinsalang mga gawain.

At muli, sinabi ng anghel:

Masdan, napakinggan ng Panginoon ang mga panalangin ng kanyang mga tao, at gayon din ang mga panalangin ng kanyang tagapaglingkod na si Alma, na iyong ama; sapagkat nanalangin siya nang may labis na pananampalataya hinggil sa iyo na baka sakaling madala ka sa kaalaman ng katotohanan; anupa’t dahil sa layuning ito ako ay naparito upang papaniwalain ka sa kapangyarihan at karapatan ng Diyos, upang ang mga panalangin ng kanyang mga tagapaglingkod ay matugon alinsunod sa kanilang pananampalataya.

At ngayon masdan, mag-aalinlangan ka pa ba sa kapangyarihan ng Diyos? Sapagkat masdan, hindi ba’t niyayanig ng aking tinig ang lupa? At hindi mo rin ba ako namamasdan sa iyong harapan? At ako ay isinugo mula sa Diyos.

Ngayon sinabi ko sa inyo:

‘Humayo, at alalahanin ang pagkakabihag ng inyong mga ama sa lupain ng Helam, at sa lupain ng Nephi; at pakatandaan kung gaano kadakila ang mga bagay na kanyang ginawa para sa kanila; sapagkat sila ay nasa pagkaalipin, at kanyang pinalaya sila.’

At ngayon sinasabi ko sa iyo, Alma,

‘humayo ka sa iyong landas, at huwag nang muling hangarin pang wasakin ang simbahan, upang ang kanilang mga panalangin ay matugon, at ito ay kahit na nga ikaw sa iyong sarili ay itakwil.’

At sinabi niya sa akin:

Kung ikaw sa iyong sarili ay mamamatay, huwag nang hangarin pang wasakin ang simbahan ng Diyos.

Alma 36:11, Mosiah 27:17

Ang anghel ay nangusap sa mga anak ni Mosias, pagkatapos ay umalis.

At ang anghel ay nangusap pa ng maraming bagay sa akin, na narinig ng aking mga kapatid, subalit hindi ko narinig ang mga ito; ...


At ngayon ito ay nangyari na, na ito ang mga huling salitang sinabi ng anghel kay Alma, at siya ay lumisan.

Mosiah 27:18–19, Alma 36:11,10

Si Alma at ang mga anak na lalaki ni Mosias ay lubos na nanglupaypay, si Alma ay lubos na nabigla sa punto na siya ay nadaig sa pagkaparalisa ng buong katawan.

At ngayon, si Alma at ang yaong mga kasama niya ay muling nalugmok sa lupa, sapagkat labis ang kanilang panggigilalas; sapagkat sa pamamagitan ng kanilang sariling mga mata sila ay nakamalas ng isang anghel ng Panginoon; at ang kanyang tinig ay tulad ng kulog, na yumanig sa lupa; at alam nila na walang anumang bagay maliban sa kapangyarihan ng Diyos ang makapagpapayanig sa lupa at nagawa itong payanigin na parang ito ay mabibiyak. At ngayon, labis ang panggigilalas ni Alma kaya’t siya ay napipi, na hindi niya maibuka ang kanyang bibig; oo, at siya ay nanghina, maging sa hindi niya maigalaw ang kanyang mga kamay;


...sapagkat nang marinig ko ang mga salitang—Kung ikaw sa iyong sarili ay mamamatay, huwag nang hangarin pang wasakin ang simbahan ng Diyos—ako ay nakadama ng malaking takot at panggigilalas na baka ako’y mamatay, kung kaya’t ako ay nalugmok sa lupa at wala na akong narinig pa.


At ito ay nangyari na, na ako ay nalugmok sa lupa; at ito ay sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi na hindi ko naibuka ang aking bibig, ni ang nagamit ko ang aking mga paa.

Alma 38:8, 36:12–16

Si Alma, sa kalagayan ng kawalan ng kamalayan, ay nagdalamhati dahil sa kanyang binabagabag na kunsensiya.

At ito ay nangyari na, na ako’y tatlong araw at tatlong gabing nasa pinakamapait na sakit at pagdurusa ng kaluluwa;


Subalit ako ay giniyagis ng walang hanggang pagdurusa, sapagkat ang kaluluwa ko’y sinaktan sa pinakamasidhing sakit at giniyagis ng lahat ng aking kasalanan. Oo, naalaala ko ang lahat ng aking kasalanan at mga kasamaan, kung saan ako’y pinarusahan ng mga pasakit ng impiyerno; oo, nakita ko na ako’y naghimagsik laban sa aking Diyos, at na hindi ko sinunod ang kanyang mga banal na kautusan.

Oo, at pinaslang ko ang marami sa kanyang mga anak, o sa madaling salita, inakay silang palayo tungo sa pagkawasak; oo, at sa lalong maliwanag naging labis ang aking kasamaan, na ang isipin lamang na magtungo sa kinaroroonan ng aking Diyos ay giniyagis ang aking kaluluwa ng hindi maipaliwanag na masidhing takot. O, naisip ko, kung maaari lamang na ako ay itakwil at mawasak kapwa kaluluwa at katawan, upang hindi ako madalang tumayo sa harapan ng aking Diyos, upang hatulan sa aking mga gawa. At ngayon, sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi ako ay giniyagis, maging ng mga pasakit ng isang isinumpang kaluluwa.

Mosiah 27:19–20

Ang mga anak na lalaki ni Mosias ay dinala si Alma sa kanyang ama.

...kaya nga, siya ay kinuha ng kanyang mga kasama, at binuhat na nanghihina, maging hanggang sa siya ay ilapag sa harapan ng kanyang ama. At kanilang inilahad sa kanyang ama ang lahat ng nangyari sa kanila; at ang kanyang ama ay nagsaya, sapagkat nalalaman niya na ito ang kapangyarihan ng Diyos.

Mosiah 27:21–22

Ang ama ni Alma ay nakipag-ugnayan ng isang gawain para sa simbahan na mag-ayuno at manalangin sa ikabubuti ni Alma.

At kanyang pinapangyaring sama-samang magtipon ang maraming tao upang masaksihan nila kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa kanyang anak, at gayon din sa mga kasama niya. At kanyang pinapangyari na sama-samang tipunin ng mga saserdote ang kanilang sarili na magkakasama; at sila ay nagsimulang mag-ayuno, at manalangin sa Panginoon nilang Diyos upang kanyang buksan ang bibig ni Alma, upang siya ay makapagsalita, at upang matanggap din ng kanyang mga bisig ang mga lakas nito—upang mabuksan ang mga mata ng mga tao nang makita at malaman ang kabutihan at kaluwalhatian ng Diyos.

Alma 36:17–22, 38:8

Si Alma ay nanawagan kay Jesus para sa kaginhawaan mula sa kanyang pagdurusa, at ang kanyang panalangin ay nasagot.

At ito ay nangyari na, na habang ako’y nasa gayong paggiyagis ng pagdurusa, samantalang ako’y sinasaktan ng alaala ng marami kong kasalanan, masdan, naalaala ko ring narinig ang aking ama na nagpropesiya sa mga tao hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Ngayon, nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso:

O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan, at napalilibutan ng walang hanggang tanikala ng kamatayan.

At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan. At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!

Oo, sinasabi ko sa iyo, anak ko, na walang ano mang bagay ang kasinghapdi at kasingpait ng aking mga pasakit. Oo, at muli sinasabi ko sa iyo, anak ko, na sa kabilang dako, walang ano mang bagay ang kasingganda at kasingtamis ng aking kagalakan. Oo, inakala kong nakita ko, maging tulad ng nakita ng ating amang si Lehi, ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono, napaliligiran ng di mabilang na lipumpon ng mga anghel, nasa ayos ng pag-awit at pagpupuri sa kanilang Diyos; oo, at ang aking kaluluwa ay nag-asam na maparoon.


...at hindi kailanman, hanggang sa humingi ako ng awa sa Panginoong Jesucristo, na nakatanggap ako ng kapatawaran sa aking mga kasalanan. Subalit masdan, nagsumamo ako sa kanya at natagpuan ko ang kapayapaan sa aking kaluluwa.

Mosiah 27:23–31, Alma 36:23

Si Alma ay bumangon, at sinabi sa mga tao ng simbahan ang kanyang pagsisisi at pagbabalik-loob.

At ito ay nangyari na, na matapos silang mag-ayuno at manalangin sa loob ng dalawang araw at dalawang gabi, natanggap ng mga biyas ni Alma ang mga lakas nito, at siya ay tumindig at nagsimula siyang mangusap sa kanila, sinabihan silang magkaroon ng lakas ng loob:

Sapagkat, sinabi niya, nagsisi na ako sa aking mga kasalanan, at tinubos ng Panginoon; masdan, isinilang ako sa espiritu. At sinabi sa akin ng Panginoon:

‘Huwag manggilalas na ang buong sangkatauhan, oo, kalalakihan at kababaihan, lahat ng bansa, lahi, wika at tao, ay kinakailangang isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae; At sa gayon sila naging mga bagong nilikha; at maliban kung kanilang gagawin ito, hindi nila mamamana sa anumang paraan ang kaharian ng Diyos.’

Sinasabi ko sa inyo, maliban sa ito ang maging kalagayan, ay kinakailangan silang itakwil; at ito ay nalalaman ko, sapagkat halos maitakwil ako. Gayon pa man, matapos dumanas ng maraming kahirapan, halos mamatay sa pagsisisi, sa awa ng Panginoon ay minarapat na agawin ako sa walang hanggang pagniningas, at ako ay isinilang sa Diyos.

Ang aking kaluluwa ay natubos
mula sa kasukdulan ng kapaitan
at mga gapos ng kasamaan.

Ako ay nasa pinakamadilim na kailaliman noon.

Subalit ngayon namamasdan ko ang kagila-gilalas na liwanag ng Diyos.

Ang aking kaluluwa ay pinahirapan ng walang hanggang parusa;
subalit ako ay inagaw,
at ang aking kaluluwa ay hindi na muling nagdusa.

Itinakwil ko ang aking Manunubos, at tinanggihan ang mga yaong sinabi ng ating mga ama; subalit ngayon upang kanilang makini-kinita na siya ay paparito, at na kanyang naaalaala ang lahat ng nilalang na kanyang nilikha; ipakikita niya sa lahat ang kanyang sarili. Oo, ang bawat tuhod ay magsisiluhod, at ang bawat dila ay magtatapat sa kanyang harapan.

Oo, maging sa huling araw, kapag lahat ng tao ay magsisitindig upang hatulan niya, sa panahong yaon kanilang kikilalanin na siya ay Diyos; pagkatapos ay kikilalanin nila, na mga nabubuhay ng walang dini-Diyos sa daigdig, na ang kahatulan ng walang hanggang kaparusahan ay makatwiran para sa kanila; at sila ay mayayanig, at manginginig, at manliliit sa ilalim ng sulyap ng kanyang lubusang mapanuring mata.


Subalit masdan, muling nanumbalik sa aking mga paa ang kanilang lakas, at tumayo ako sa aking mga paa, at ipinahayag sa mga tao na ako ay isinilang sa Diyos.