At maging ako rin ay gumawa nang buong kapangyarihan at mga kakayahang aking taglay, upang turuan kayo ng mga kautusan ng Diyos, at upang panatilihin ang kapayapaan sa lahat ng dako ng lupain, nang hindi na magkaroon ng mga digmaan ni mga alitan man, walang pagnanakaw, ni pandarambong, ni pagpaslang, ni anumang uri ng kasamaan; At sinuman ang nakagagawa ng kasamaan, akin siyang pinarusahan alinsunod sa bigat ng kasalanang kanyang nagawa, alinsunod sa batas na ibinigay sa atin ng ating mga ama. Ngayon sinasabi ko sa inyo, na sapagkat ang lahat ng tao ay hindi makatarungan ay hindi kapaki-pakinabang na magkaroon kayo ng isang hari o mga haring mamamahala sa inyo. Sapagkat masdan, gaano kalaking kasamaan ang itinulot na magawa ng isang masamang hari, oo, at gaano kalaking pagkawasak!