Ganito ang wika ng Panginoon:
Sa kalugud-lugod na panahon
ay napakinggan kita,
O mga pulo ng dagat,
at sa araw ng kaligtasan ay tinulungan kita;
at aking pangangalagaan ka,
at ibibigay ko sa iyo ang aking tagapaglingkod
na pinakatipan sa mga tao,
upang itatag ang mundo,
upang ipamana ang mga mapanglaw na mana;Na maaari mong masabi sa mga bilanggo: Kayo’y magsilabas;
sa kanila na mga nakaupo sa kadiliman: Magpakita kayo.Sila’y magsisikain sa mga daan,
at ang kanilang pastulan ay magiging sa lahat ng dako sa kaitaasan.Sila’y hindi mangagugutom ni mangauuhaw man,
hindi sila mangapapaso ng init ni ng araw man;
sapagkat siya na may awa sa kanila ang papatnubay sa kanila,
maging sa mga bukal ng tubig ay papatnubayan niya sila.At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok,
at ang aking mga lansangan ay patataasin.
At pagkatapos, O sambahayan ni Israel,
masdan, ang mga ito ay manggagaling sa malayo;
at narito, ang mga ito na nagmula sa hilaga at mula sa kanluran;
at ang mga ito mula sa lupain ng Sinim.
Magsiawit, O kalangitan; at magalak, O mundo;
sapagkat ang mga paa niyaong mga nasa silangan ay itatatag;
At magsiawitan, O mga bundok;
sapagkat hindi na sila mababagabag pa;
sapagkat aaliwin ng Panginoon ang kanyang mga tao,
at maaawa sa kanya na naghihirap.
Subalit, masdan, sinabi ng Sion:
‘Pinabayaan ako ng Panginoon,
at kinalimutan ako ng aking Panginoon—
subalit ipakikita niya na hindi gayon.’Sapagkat malilimutan ba ng isang ina ang
kanyang anak na pinasususo,
na hindi siya maaawa
sa anak ng kanyang sinapupunan?Oo, maaaring makalimot siya,
gayon pa man hindi kita malilimutan, O sambahayan ni Israel.Masdan, aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay;
ang iyong mga muog ay laging nasa harapan ko.Ang inyong mga anak ay magsisipagdali sa mga mangwawasak;
at ang sumisira sa iyo ay aalisin mula sa iyo.Itingin mo ang iyong mga mata sa palibot, at masdan;
lahat ng ito ay sama-samang nagtitipun-tipon,
at paparito sila sa iyo.
At yamang ako ay buhay, wika ng Panginoon,
ikaw ay mabibihisan ng lahat ng yaon,
na parang pinaka-gayak,
at mabibigkisan ka ng mga yaon na tulad ng isang kasintahang babae.Sapagkat tungkol sa iyong mga sira at sa iyong mapapanglaw na dako,
at sa iyong lupaing nawasak,
maging ngayon ay totoong napakakipot dahil sa mga naninirahan.At silang nagsisakmal sa iyo ay mangalalayo.
Ang iyong mga magiging anak,
matapos mong mawala ang una,
ay muling magsasabi sa iyong mga tainga:
Ang lugar ay labis na makipot para sa akin;
bigyan mo ako ng lugar upang aking matirahan.
Pagkatapos sasabihin mo sa iyong puso:
Sino ang nagbigay ng mga ito sa akin,
nalalamang nawalan ako ng mga anak,
at nag-iisa, isang bihag,
at lumalaboy na paroo’t parito?
At sinong nagpalaki ng mga ito?
Masdan, ako ay naiwang nag-iisa;
ang mga ito, saan sila nanggaling?
Ganito ang wika ng Panginoong Diyos:
Masdan, itataas ko ang aking kamay sa mga Gentil,
at itatayo ko ang aking sagisag sa mga tao;
at kakalungin nila ang iyong mga anak na lalaki sa kanilang mga bisig,
at ang iyong mga anak na babae ay papasanin ng kanilang mga balikat.At mga hari ang iyong magiging mga tagakandiling ama,
at ang kanilang mga reyna ay iyong mga tagakandiling ina;
magsisiyukod sila sa iyo
na ang kanilang mga mukha ay nasa lupa,
at hihimurin ang alikabok ng iyong mga paa;
at iyong makikilala na ako ang Panginoon;
sapagkat ang mga naghihintay sa akin ay hindi mahihiya.Sapagkat makukuha ba sa makapangyarihan ang kanyang huli,
o ang talagang nabihag ay makalalaya?
Subalit ganito ang wika ng Panginoon,
Maging ang mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin,
at ang huli ng kakila-kilabot ay makalalaya;
sapagkat makikipaglaban ako sa kanya na nakikipaglaban sa iyo,
at ililigtas ko ang iyong mga anak.At pakakainin ko sila na nang-aapi sa iyo ng kanilang sariling laman;
at malalango sila ng kanilang sariling dugo
gaya ng matamis na alak;
at makikilala ng lahat ng tao na ako, ang Panginoon,
ang iyong Tagapagligtas at iyong Manunubos,
ang Makapangyarihan ni Jacob.