Ang Sermon ni Jacob

Ang Tawag Tungo sa Jerusalem [Isaias 51:17-52:2]

2 Nephi 8:17–20

Ang Jerusalem ay hinampas ng galit ng Diyos.

Gumising, gumising, bumangon ka, O Jerusalem,
na uminom sa kamay ng Panginoon
sa saro ng kanyang matinding galit—
iyong sinaid hanggang sa latak ang sarong
nakalalango—

At walang pumatnubay sa kanya isa man sa mga anak na lalaking
kanyang isinilang;
ni umalalay sa kanya
isa man sa mga anak na lalaking kanyang pinalaki.

Ang dalawang anak na lalaking ito ay dumating sa iyo,
na nalulungkot para sa iyo—
sa iyong kapanglawan at pagkawasak,
at ang taggutom at ang espada—
at kanino kita ipaaaliw?

Ang iyong mga anak na lalaki ay nangakalupaypay, maliban sa dalawang ito;
sila ay nakahiga sa lahat ng panulukan ng lansangan;
na katulad ng isang mabangis na toro na nasa silo,
tigib ng matinding galit ng Panginoon,
ang pagbabanta ng iyong Diyos.

2 Nephi 8:21–23

Ang Diyos ay may awa sa Jerusalem.

Samakatwid masdan ngayon ito, ikaw na naghihirap,
at lango, ngunit hindi ng alak:

Ganito ang wika ng iyong Panginoon,
ang Panginoon at iyong Diyos ay nagmamakaawa sa kapakanan ng kanyang mga tao;
masdan, kukunin ko sa iyong kamay
ang sarong nakalalango,
ang latak ng saro ng aking matinding galit;
hindi mo na ito iinumin pang muli.

Subalit aking ilalagay ito sa kamay
nila na nagpapahirap sa iyo;
na nakapagsabi sa iyong kaluluwa:

Yumukod, upang kami ay makadaan—
at iyong inilatag ang iyong katawan na parang lupa
at parang lansangan sa kanila na nagdaraan.

2 Nephi 8:24–25

Ang nagsisising Jerusalem ay tinawag.

Gumising, gumising, isuot mo ang iyong kalakasan, O Sion;
isuot ang iyong magagandang kasuotan,

O Jerusalem, ang banal na lunsod;
sapagkat mula ngayon ay wala nang papasok sa iyo
na hindi tuli at ang marumi.

Pagpagin mo ang sarili mula sa alabok;
bumangon, umupo, O Jerusalem;
kalagan ang sarili mula sa mga tali sa iyong leeg,
O bihag na anak na babae ng Sion.