Ang Mga Propesiya at Mga Pangaral ni Nephi

Ang Tagutom sa mga Nephita

Helaman 11:1–2

Sa ilang mga sumunod na taon, ang mga tulisang Gadianton ay muling umusbong sa kapangyarihan, at nagdala ng mga suliranin sa mga tao.

At ngayon ito ay nangyari na, na sa ikapitumpu at dalawang taon ng panunungkulan ng mga hukom na, ang mga alitan ay lumaki, hanggang sa magkaroon ng digmaan sa lahat ng dako ng buong lupain sa lahat ng tao ni Nephi. At itong lihim na pangkat ng mga tulisan ang siyang nagpatuloy nang gawaing ito ng pagwasak at kasamaan. At ang digmaang ito ay tumagal ng buong taong yaon; at tumagal din ito sa ikapitumpu at tatlong taon.

Helaman 11:3–4

Nalalaman ang napipintong pagkawasak ng mga masasamang tao, si Nephi ay nanalangin at nagsumamo na ang pagkalipol ay mapalitan ng isang tagutom.

At ito ay nangyari na, na sa taong yaon si Nephi ay nagsumamo sa Panginoon, sinasabing:

O Panginoon, huwag ipahintulot na ang mga taong ito ay malipol sa pamamagitan ng espada; subalit O Panginoon, higit na mabuting magkaroon ng taggutom sa lupain, upang mapukaw sila sa pag-alaala sa Panginoon nilang Diyos, at baka sakaling sila ay magsisi at bumalik sa inyo.

Helaman 11:5–6

Ayon sa hiling ni Nephi, isang kakila-kilabot na tagutom ang kumalat sa buong lupain, iniiwang patay ang malaking bahagi ng populasyon.

At naganap nga ito, alinsunod sa mga salita ni Nephi. At nagkaroon ng masidhing taggutom sa lupain, sa lahat ng tao ni Nephi. At sa gayon sa ikapitumpu at apat na taon ay nagpatuloy ang taggutom, at ang gawain ng paglipol ay tumigil sa pamamagitan ng espada subalit naging masidhi sa pamamagitan ng taggutom. At ang gawaing ito ng paglipol ay nagpatuloy rin sa ikapitumpu at limang taon. Sapagkat ang lupa ay binagabag kung kaya’t natuyo ito, at hindi nagbunga ng butil sa panahon ng tagsibol; at ang buong lupain ay binagabag, maging sa mga Lamanita at gayon din sa mga Nephita, kung kaya’t sila ay binagabag na nasawi sila nang libu-libo sa higit na masasamang bahagi ng lupain.

Helaman 11:7–9

Nakikita ang malaking bilang ng mga nasawi na dala ng taggutom, hiniling ng punong hukom kay Nephi na manalangin upang tapusin ang taggutom.

At ito ay nangyari na, na napagtanto ng mga tao na malapit na silang mangasawi sa pamamagitan ng taggutom, at nagsimulang maalaala nila ang Panginoon nilang Diyos; at nagsimulang maalaala nila ang mga salita ni Nephi. At ang mga tao ay nagsimulang makiusap sa kanilang mga punong hukom at kanilang mga pinuno, na sabihin nila kay Nephi:

Masdan, nalalaman namin na isa kang tao ng Diyos, at kaya nga magsumamo sa Panginoon nating Diyos na alisin niya mula sa atin ang taggutom na ito, at baka ang lahat ng salitang sinabi mo hinggil sa aming pagkalipol ay matupad.

At ito ay nangyari na, na sinabi ng mga hukom kay Nephi, ang alinsunod sa mga salitang ninais.

Helaman 11:9–16

Nalalamang ang mga tao ay nagsisisi, nakiusap si Nephi sa Panginoon na itigil ang taggutom sa lupain.

At ito ay nangyari na, nang makita ni Nephi na ang mga tao ay nagsisi at nagpakumbaba ng kanilang sarili sa damit na magaspang, siya ay nagsumamong muli sa Panginoon, sinasabing:

O Panginoon, masdan nagsisisi na ang mga taong ito; at nilipol nila ang pangkat ni Gadianton mula sa kanila hanggang sa sila ay mapalis, at ikinubli ang kanilang mga lihim na plano sa ilalim ng lupa.

Ngayon, O Panginoon, dahil sa kanilang pagpapakumbabang ito maaari bang alisin ninyo ang inyong galit, at hayaan na ang inyong galit ay maglubag sa pagkalipol ng yaong masasamang tao na inyo nang nalipol.

O Panginoon, maaari bang alisin ninyo ang inyong galit, oo, ang inyong masidhing galit, at itulot na ang taggutom ay tumigil na sa lupaing ito.

O Panginoon, maaari bang pakinggan ninyo ako, at itulot na maganap ang alinsunod sa aking mga salita, at magpadala ng ulan sa ibabaw ng lupain, upang siya ay mamunga, at ang kanyang mga butil sa panahon ng tagsibol.

O Panginoon, pinakinggan ninyo ang aking mga salita nang sabihin kong, Magkaroon ng taggutom, upang ang salot ng espada ay matigil; at nalalaman ko na kayo, maging sa panahong ito, ay makikinig sa aking mga salita, sapagkat sinabi ninyo: Kung ang mga taong ito ay magsisisi patatawarin ko sila.

Oo, O Panginoon, at nakikita ninyo na sila ay nagsisi, dahil sa taggutom at sa salot at pagkalipol na sumapit sa kanila.

At ngayon, O Panginoon, maaari bang alisin ninyo ang inyong galit, at subuking muli kung sila ay maglilingkod sa inyo?

At kung magkagayon, O Panginoon, maaari ninyong pagpalain sila alinsunod sa inyong mga salita na inyong sinabi.

Helaman 11:17

Ang ulan ay nagsimulang bumuhos, at ang taggutom ay napawi.

At ito ay nangyari na, na sa ikapitumpu at anim na taon ay inalis ng Panginoon ang kanyang galit mula sa mga tao, at itinulot na ang ulan ay bumuhos sa lupa, kung kaya’t namunga siya sa panahon ng kanyang pagbunga. At ito ay nangyari na, na sumibol ang kanyang mga butil sa panahon ng tagsibol.

Helaman 11:18–19

Ang mga tao ay nagalak at pinuri ang Diyos; itinuring nila si Nephi at ang kanyang kapatid na si Lehi na mga dakilang propeta.

At masdan, ang mga tao ay nagsaya at pinapurihan ang Diyos, at ang buong lupain ay napuspos ng saya; at hindi na nila hinangad pang patayin si Nephi, kundi kanilang ipinalagay siya na isang dakilang propeta, at isang tao ng Diyos, nagtataglay ng dakilang kapangyarihan at karapatan na ibinigay sa kanya ng Diyos. At masdan, si Lehi, ang kanyang kapatid, ay hindi bahagya mang nalalayo sa kanya sa mga bagay na nauukol sa kabutihan.

Helaman 11:20–21

Ang simbahan at ang mga tao ay umunlad at dumami, patuloy na nagtatamasa ng kapayapaan.

At sa gayon nangyari na ang mga tao ni Nephi ay nagsimulang muling umunlad sa lupain, at nagsimulang itayo ang kanilang mga napabayaang lugar, at nagsimulang dumami at kumalat, maging hanggang sa sila ay lumaganap sa buong lupain, kapwa sa pahilaga at sa patimog, mula sa kanlurang dagat hanggang sa silangang dagat. At ito ay nangyari na, na ang ikapitumpu at anim na taon ay nagtapos sa kapayapaan. At ang ikapitumpu at pitong taon ay nagsimula sa kapayapaan; at ang simbahan ay kumalat sa lahat ng dako ng buong lupain; at ang nakararaming bahagi ng mga tao, kapwa ang mga Nephita at ang mga Lamanita, ay nabibilang sa simbahan; at sila ay nagkaroon ng labis na kapayapaan sa lupain; at sa gayon nagtapos ang ikapitumpu at pitong taon.

Helaman 11:22–23

Ang ilang pagtatalo-talo hinggil sa doktrina ng simbahan ay umusbong, subalit ginamit ni Nephi at ni Lehi ang kanilang kaloob ng paghahayag upang solusyonan ang mga problema.

At sila ay nagkaroon din ng kapayapaan sa ikapitumpu at walong taon, maliban sa ilang pagtatalo hinggil sa mga aral ng doktrina na ipinahayag ng mga propeta. At sa ikapitumpu at siyam na taon ay nagkaroon ng labis na sigalutan. Subalit ito ay nangyari na, na sina Nephi at Lehi, at marami sa kanilang mga kapatid na nakaaalam hinggil sa tunay na aral ng doktrina, na nakatatanggap ng maraming paghahayag sa araw-araw, anupa’t sila ay nangaral sa mga tao, hanggang sa mawakasan nila ang kanilang sigalutan sa taon ding yaon.