Ang Kolonisasyon ng Lupaing Pangako

Ang Mga Talaan ni Nephi

1 Nephi 19:1–2

Sa utos ng Panginoon, si Nephi ay gumawa ng mga lamina mula sa inang mina, at itinala ang ulat pangkasaysayan ni Lehi.

At ito ay nangyari na, na napag-utusan ako ng Panginoon, kaya nga gumawa ako ng mga laminang yari sa inang mina upang maiukit ko sa mga yaon ang talaan ng aking mga tao.

At sa mga laminang aking ginawa ay iniukit ko ang talaan ng aking ama, at gayon din ang aming mga paglalakbay sa ilang, at ang mga propesiya ng aking ama; at gayon din iniukit ko sa mga yaon ang marami sa sarili kong mga propesiya.

At hindi ko nalalaman sa panahong iyon nang gawin ko ang mga yaon na uutusan ako ng Panginoong gawin ang mga laminang ito; anupa’t ang talaan ng aking ama, at ang talaangkanan ng kanyang mga ama, at ang malaking bahagi ng lahat ng nangyari sa amin sa ilang ay nauukit sa mga naunang lamina na aking sinabi; kaya nga, ang mga bagay na nangyari bago ko nagawa ang mga laminang ito ay, sa katunayan, higit na nababanggit sa mga naunang lamina.

1 Nephi 19:4–5, 2 Nephi 5:29

Ang mga laminang ito ay nagbibigay ng mga sekular na kasaysayan ng mga tao; ito ay magpapasalin-salin mula sa isang salinlahi hanggang sa susunod.

Kaya nga, ako, si Nephi, ay gumawa ng talaan sa iba pang mga lamina, na nagbibigay ng ulat, o nagbibigay ng nakararaming ulat ng mga digmaan at alitan at pagkalipol ng aking mga tao. At ginawa ko ito, at inutusan ang aking mga tao kung ano ang kanilang nararapat gawin matapos ang aking pagpanaw; at na ang mga laminang ito ay nararapat na magpasalin-salin mula sa isang salinlahi at sa iba pang salinlahi, o mula sa isang propeta at sa iba pang propeta, hanggang sa magbigay pa ng kautusan ang Panginoon. At ang ulat ng paggawa ko ng mga laminang ito ay ibibigay pagkaraan nito; at pagkatapos, masdan, magpapatuloy ako alinsunod sa aking sinabi; at ginagawa ko ito upang maingatan ang higit na banal na mga bagay para sa kaalaman ng aking mga tao.


At ako, si Nephi, ang nag-iingat ng mga talaan sa aking mga lamina, na aking ginawa, tungkol sa aking mga tao sa ngayon.

1 Nephi 9:4, 10:1

Ang mga lamina rin ay nagbibigay ulat tungkol sa mga hari at mga pakikidigma.

Sa iba pang mga lamina ay dapat maukit ang ulat ng paghahari ng mga hari, at ang mga digmaan at alitan ng aking mga tao; anupa’t ang mga laminang ito ay para sa higit pang bahagi ng ministeryo; at ang iba pang mga lamina ay para sa higit pang bahagi ng paghahari ng mga hari at ng mga digmaan at alitan ng aking mga tao.


At ngayon ako, si Nephi, ay magpapatuloy na magbigay ng ulat sa mga laminang ito hinggil sa aking mga hakbangin, at aking panunungkulan at ministeryo; samakatwid, upang magpatuloy sa aking sariling ulat, kinakailangang mangusap ako kahit paano ng mga bagay hinggil sa aking ama, at hinggil din sa aking mga kapatid.

2 Nephi 5:30–33

Si Nephi ay inutusan na gumawa ng iba pang mga lamina.

At ito ay nangyari na, na ang Panginoong Diyos ay sinabi sa akin:

Gumawa ng iba pang mga lamina; at marami kang iuukit na bagay sa mga ito na mabuti sa aking paningin, para sa kapakinabangan ng iyong mga tao.

Anupa’t, ako, si Nephi, upang maging masunurin sa mga kautusan ng Panginoon, ay humayo at ginawa ang mga laminang ito kung saan ko iniukit ang mga bagay na ito. At inukit ko ang yaong kasiya-siya sa Diyos. At kung nasisiyahan ang aking mga tao sa mga bagay ng Diyos sila ay masisiyahan sa aking mga inukit na nasa mga laminang ito. At kung naising malaman ng aking mga tao ang tiyak na bahagi ng kasaysayan ng aking mga tao ay kinakailangan nilang saliksikin ang iba ko pang mga lamina.

1 Nephi 9:2–3,5–6

Ang mga laminang ito ay hindi nagbibigay ng kabuuang kasaysayan ng mga tao.

At ngayon, tulad ng sinabi ko hinggil sa mga laminang ito, masdan, hindi yaon ang mga laminang ginawan ko ng buong ulat ng kasaysayan ng aking mga tao; sapagkat ang mga laminang ginawan ko ng buong ulat ng aking mga tao ay binigyan ko ng pangalang Nephi; kaya nga, tinatawag ang mga yaon na mga lamina ni Nephi, alinsunod sa aking pangalan; at tinatawag din ang mga laminang ito na mga lamina ni Nephi. Gayunman, nakatanggap ako ng kautusan mula sa Panginoon na dapat kong gawin ang mga laminang ito, para sa natatanging layunin na magkaroon ng isang ulat na nakaukit hinggil sa mga ministeryo ng aking mga tao.


Samakatwid, inutusan ako ng Panginoong gawin ang mga laminang ito para sa isang matalinong layunin sa kanya, na kung anong layunin ay hindi ko alam. Subalit nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay mula sa simula; kaya nga, naghahanda siya ng paraan upang maisakatuparan ang lahat ng kanyang gawain sa mga anak ng tao; sapagkat masdan, taglay niya ang lahat ng kapangyarihan para sa katuparan ng lahat ng kanyang salita. At gayon nga ito. Amen.

1 Nephi 19:3,6–7

Ang mga talaang ito ay para sa pagtatala ng mga pang-relihiyon at pang-espiritual na mga ulat ng kanyang mga tao.

At matapos kong magawa ang mga laminang ito sa pamamagitan ng kautusan, ako, si Nephi, ay nakatanggap ng kautusan na ang ministeryo at ang mga propesiya, ang higit na malilinaw at mahahalagang bahagi ng mga yaon, ay nararapat isulat sa mga laminang ito; at na ang mga bagay na nasusulat ay nararapat na pag-ingatan para sa kaalaman ng aking mga tao, na aangkin sa lupain, at sa iba pa ring matatalinong layunin, na mga layuning nalalaman ng Panginoon.


Gayon pa man, hindi ako sumusulat ng anumang bagay sa mga lamina kundi rin lamang inaakala kong ito ay banal. At ngayon, kung nagkamali man ako, maging sila ay nagkamali rin noon; hindi sa nagdadahilan ako dahil sa ibang tao, kundi dahil sa aking sariling kahinaan, ayon sa laman, papaumanhinan ko ang aking sarili. Sapagkat ang mga bagay na ipinalalagay ng ibang tao na napakahalaga, kapwa sa katawan at sa kaluluwa, ay pinawawalang-saysay ng iba at niyuyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa. Oo, maging ang yaon ding Diyos ng Israel ay niyuyurakan ng mga tao sa ilalim ng kanilang mga paa; sinasabi ko, niyuyurakan sa ilalim ng kanilang mga paa subalit gagamit ako ng ibang pananalita—siya ay kanilang winalang-saysay, at hindi pinakikinggan ang tinig ng kanyang mga payo.

1 Nephi 1:16–17

Si Nephi ay nagbigay lamang ng bahagyang ulat ng kanyang simulain at ng kanyang pamilya sa kanyang talaan.

At ngayon ako, si Nephi, ay hindi gumawa ng buong ulat ng mga bagay na naisulat ng aking ama, sapagkat marami siyang bagay na naisulat na kanyang nakita sa mga pangitain at sa mga panaginip; at marami rin siyang naisulat na mga bagay na kanyang iprinopesiya at sinabi sa kanyang mga anak, na kung alin ay hindi ko gagawan ng buong ulat.

Subalit ako ay gagawa ng ulat ng aking mga ginawa sa aking mga araw. Masdan, ako ay gumawa ng isang pinaikling talaan ng aking ama, sa mga laminang aking ginawa sa pamamagitan ng sarili kong mga kamay; samakatwid, matapos kong mapaikli ang talaan ng aking ama ay gagawin ko naman ang isang ulat ng sarili kong buhay.

1 Nephi 6:1–6

Hindi nagabalang punuan ni Nephi ang mga laminang ito ng makalupang impormasyon na pangkasaysayan, bagkus ay pinunuan niya ito ng mga espirituwal na nakapanghihikayat na mga nilalaman.

At ngayon ako, si Nephi, ay hindi nagbibigay ng talaangkanan ng aking mga ama sa bahaging ito ng aking talaan; kahit kailan ay hindi ko isasama ito sa mga laminang ito na aking sinusulatan; sapagkat ito ay kasama sa talaang iniingatan ng aking ama; kaya nga, hindi ko na ito isusulat pa sa akdang ito. Sapagkat sapat nang sabihin ko na kami ay mga inapo ni Jose. At walang halaga sa akin na ako ay masusing magbigay ng buong ulat sa lahat ng bagay ukol sa aking ama, sapagkat ang mga yaon ay hindi maisusulat sa mga laminang ito, sapagkat nais kong magkaroon ng puwang upang maisulat ko ang mga bagay ng Diyos.

Sapagkat ang kaganapan ng aking hangarin ay mahikayat ko ang mga tao na lumapit sa Diyos ni Abraham, at sa Diyos ni Isaac, at sa Diyos ni Jacob, at maligtas. Anupa’t ang mga bagay na nakasisiya sa sanlibutan ay hindi ko isusulat, kundi ang mga bagay na nakasisiya sa Diyos at sa kanila na hindi makamundo. Kaya nga, ako ay magbibigay ng kautusan sa aking mga binhi, na huwag nilang lalagyan ang mga laminang ito ng mga bagay na walang halaga sa mga anak ng tao.

1 Nephi Intro, 1:1–3

Nagsimula si Nephi na sumulat sa mga laminang ito sa pamamagitan ng pagpapaikli sa kanyang istorya hanggang sa puntong ito—siya ay nag sulat sa wikang Judeo—egipto.

Ang Ulat ni Lehi at ng kanyang asawang si Saria, at ng kanyang apat na anak na lalaki, na tinatawag sa mga pangalang (mula sa panganay) Laman, Lemuel, Sam, at Nephi. Ang Panginoon ay nagbabala kay Lehi na lisanin ang lupain ng Jerusalem, sapagkat nagpropesiya siya sa mga tao hinggil sa kanilang kasamaan at hinangad nilang kitlin ang kanyang buhay. Tatlong araw siyang naglakbay sa ilang kasama ang kanyang mag-anak. Isinama ni Nephi ang kanyang mga kapatid at bumalik sa lupain ng Jerusalem upang kunin ang talaan ng mga Judio. Ang ulat ng kanilang mga pagdurusa. Ipinagsama nila ang mga anak na babae ni Ismael upang maging mga asawa. Isinama nila ang kanilang mga mag-anak patungo sa ilang. Ang kanilang mga pagdurusa at paghihirap sa ilang. Ang mga kapatid ni Nephi ay naghimagsik laban sa kanya. Sila ay kanyang nilito, at gumawa ng isang sasakyang-dagat. Tinawag nila ang pangalan ng pook na Masagana. Sila ay tumawid sa malawak na tubig patungo sa lupang pangako, at sa dako pa roon. Ito ay ayon sa ulat ni Nephi; o sa ibang salita, ako, si Nephi, ang sumulat ng talaang ito.


Ako, si Nephi, na isinilang sa butihing mga magulang, samakatwid, ako ay naturuan ng lahat halos ng karunungan ng aking ama; at sa dahilang nakita ko ang maraming paghihirap sa paglipas ng aking mga araw, gayunman, sa labis na pagpapala ng Panginoon sa lahat ng aking mga araw; oo, sa pagkakaroon ng malaking kaalaman tungkol sa kabutihan at sa mga hiwaga ng Diyos, kaya nga gumawa ako ng isang talaan ng aking mga gawain noong aking mga araw.

Oo, ako ay gumawa ng isang talaan sa wika ng aking ama, na binubuo ng karunungan ng mga Judio at ng wika ng mga taga-Egipto. At nalalaman ko na ang talaang ginagawa ko ay totoo; at ginagawa ko ito sa pamamagitan ng sarili kong kamay; at ginagawa ko ito ayon sa aking kaalaman.