At ngayon masdan, nais naming malaman ang dahilan ng labis na kapabayaang ito; oo, nais naming malaman ang dahilan ng inyong pabayang katayuan. Magagawa ba ninyong isiping umupo sa inyong mga luklukan sa kalagayan ng kapabayaan, samantalang ang inyong mga kaaway ay naghahasik ng gawa ng kamatayan sa inyong paligid? Oo, samantalang pinapaslang nila ang libu-libo sa inyong mga kapatid—
Oo, maging sila na umaasa sa inyo ng pangangalaga, oo, inilagay kayo sa katayuan na maaari ninyo silang tulungan, oo, maaari sana ninyo silang padalhan ng mga hukbo, upang palakasin sila, at mailigtas ang libu-libo sa kanila mula sa kamatayan sa pamamagitan ng espada. Subalit masdan, hindi lamang ito—ipinagkait ninyo ang inyong mga pagkain sa kanila, hanggang sa marami ang nakipaglaban at ibinuwis ang kanilang mga buhay dahil sa kanilang mga taimtim na naisin na taglay nila para sa kapakanan ng mga taong ito; oo, at ginawa nila ito nang mamamatay na sana sila sa gutom, dahil sa inyong labis na kapabayaan sa kanila.