Ang Panahon ng Digmaan ng Zarahemla

Pagsalakay at Pagtambang

Alma 43:34–36

Ang mga Lamanita ay papalapit, nadaanan ang mga pangkat na pinamumunuan ni Moroni, na nagtatago malapit sa burol ng Ripla, at nakasalubong ang isa pang bahagi ng hukbo ng mga Nephita, na pinamumunuan ng heneral na nagngangalang si Lehi.

At ito ay nangyari na, na ang mga Lamanita ay sumalakay sa hilaga ng burol, kung saan ang isang bahagi ng hukbo ni Moroni ay nakakubli. At nang maraanan ng mga Lamanita ang burol ng Ripla, at nakarating sa lambak, at nagsimulang tumawid sa ilog Sidon, ang hukbong nakakubli sa timog ng burol, na pinamumunuan ng isang lalaki na nagngangalang Lehi, at kanyang pinamunuan ang kanyang hukbo pasulong at pinaligiran ang mga Lamanita sa silangan sa kanilang likuran. At ito ay nangyari na, na ang mga Lamanita, nang makita nila ang mga Nephita na sumasalakay sa kanila sa kanilang likuran, ay humarap sa kanila at nagsimulang makipaglaban sa hukbo ni Lehi.

Alma 43:37–38

Isang madugong labanan ang sumunod, na kung saan ang mga Nephitang may mainam na mga baluti na pinamumunuan ni Lehi ay hindi gaanong napabagsak kaysa sa mga Lamanita.

At ang gawa ng kamatayan ay nagsimula sa magkabilang panig, subalit higit na kakila-kilabot ito sa panig ng mga Lamanita, sapagkat ang kanilang kahubaran ay nakalantad sa mabibigat na hataw ng mga Nephita ng kanilang mga espada at kanilang mga simitar, na nagdadala ng kamatayan halos sa bawat hataw.

Habang sa kabilang panig, may isang taong manaka-nakang bumabagsak sa mga Nephita, sa pamamagitan ng kanilang mga espada at dahil sa kawalan ng dugo, dahil sa sila ay nasasanggalang sa kanilang maseselang bahagi ng katawan, o ang higit na maseselang bahagi ng katawan ay nasasanggalan mula sa mga hataw ng mga Lamanita, ng kanilang mga baluti sa dibdib, at kanilang mga kalasag, at kanilang mga baluti sa ulo; at sa gayon ipinagpatuloy ng mga Nephita ang gawa ng kamatayan sa mga Lamanita.

Alma 43:39–40

Ang mga Lamanita, napapansin na sila ay walang laban sa mga Nephita, ay tumakbo pabalik kung saan sila nagmula.

At ito ay nangyari na, na ang mga Lamanita ay natakot, dahil sa malaking pagkalipol sa kanila, hanggang sa sila ay magsimulang magsitakas patungo sa ilog Sidon. At sila ay tinugis ni Lehi at ng kanyang mga tauhan; at sila ay itinaboy nina Lehi sa mga tubig ng Sidon, at sila ay tumawid sa mga tubig ng Sidon. At pinanatili ni Lehi ang kanyang mga hukbo sa pampang ng ilog Sidon nang hindi sila makatawid.

Alma 43:41–43

Ang mga pangkat na pinamumunuan ni Moroni ay tinambangan ang mga Lamanitang tumatakas, at isang mas marahas na labanan ang sumiklab.

At ito ay nangyari na, na hinarap ni Moroni at ng kanyang hukbo ang mga Lamanita sa lambak, sa kabilang ibayo ng ilog Sidon, at nagsimulang salakayin sila at patayin sila. At ang mga Lamanita ay muling nagsitakas mula sa kanilang harapan, patungo sa lupain ng Manti; at muli silang hinarap ng mga hukbo ni Moroni. Ngayon, sa pagkakataong ito ay labis na nakipaglaban ang mga Lamanita; oo, hindi pa nalamang nakipaglaban ang mga Lamanita nang gayong may labis na lakas at tapang, hindi, kahit noon pa sa simula.

Alma 43:44–47

Ang mga Lamanita ay nabigyang-sigla ng mga umaklas na Zoramita at Amalekita na matinding makipaglaban, samantalang ang mga Nephita ay hinihimok ng kanilang pangangailangang mapanatili ang kanilang kalayaang ipinagkaloob ng Diyos.

At sila ay binigyang-sigla ng mga Zoramita at ng mga Amalekita, na kanilang mga punong kapitan at pinuno, at ni Zerahemnas, na kanilang punong kapitan, o kanilang punong pinuno at komandante; oo, sila ay lumaban na tila bagang mga dragon, at marami sa mga Nephita ang napatay ng kanilang mga kamay, oo, sapagkat kanilang hinataw sa dalawa ang marami sa kanilang baluti sa ulo, at kanilang tinuhog ang marami sa kanilang mga baluti sa dibdib, at pinagputul-putol din ang marami sa kanilang mga bisig; at sa gayon nanghataw ang mga Lamanita sa kanilang masidhing galit.

Gayon pa man, ang mga Nephita ay binigyang-sigla ng higit na mainam na dahilan, sapagkat hindi sila nakikipaglaban para sa kaharian ni kapangyarihan kundi sila ay nakikipaglaban para sa kanilang mga tahanan at kanilang mga kalayaan, kanilang mga asawa at kanilang mga anak, at ang lahat-lahat sa kanila, oo, para sa kanilang mga seremonya ng pagsamba at kanilang simbahan. At ginagawa nila yaong inaakalang tungkulin nila na utang nila sa kanilang Diyos; sapagkat sinabi ng Panginoon sa kanila, at gayon din sa kanilang mga ama, na:

Yaman din lamang na hindi kayo ang may kagagawan ng unang pagsalakay, ni ng pangalawa, hindi ninyo pahihintulutan ang inyong sarili na mapatay ng mga kamay ng inyong mga kaaway.

At muli, sinabi ng Panginoon na:

Ipagtatanggol ninyo ang inyong mga mag-anak maging hanggang sa pagdanak ng dugo.

Kaya nga sa dahilang ito nakikipaglaban ang mga Nephita sa mga Lamanita, upang ipagtanggol ang kanilang sarili, at kanilang mga mag-anak, at kanilang mga lupain, kanilang bayan, at kanilang mga karapatan, at kanilang relihiyon.

Alma 43:48–50

Habang ang mga Nephita ay nababahala sa pagiging mababangis ng mga Lamanita, pinalalakas sila ni Moroni sa pagpapaalala sa kanilang kalayaan—ang mga Nephita sa ngayon ay nagkaroon ng kalamangan laban sa mga Lamanita.

At ito ay nangyari na, nang makita ng mga tauhan ni Moroni ang kabangisan at galit ng mga Lamanita, sila ay uurong na sana at tatakas mula sa kanilang harapan. At si Moroni, nahihiwatigan ang kanilang layon, ay nagpasabi at binigyang-sigla ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng mga kaisipang ito—oo, ang alaala ng kanilang mga lupain, kanilang kalayaan, oo, kanilang kalayaan mula sa pagkaalipin.

At ito ay nangyari na, na hinarap nila ang mga Lamanita, at sa iisang tinig sila ay nagsumamo sa Panginoon nilang Diyos, para sa kanilang kalayaan at kanilang kalayaan sa pagkaalipin. At sila ay nagsimulang makipaglaban sa mga Lamanita nang buong lakas; at sa oras ding yaon na nagsumamo sila sa Panginoon para sa kanilang kalayaan, ay nagsimulang magsitakas ang mga Lamanita mula sa kanilang harapan; at sila ay nagsitakas maging hanggang sa mga tubig ng Sidon.

Alma 43:51–54

Sa kabila na ang mga Lamanita ay nahihigitan ang mga Nephita sa bilang, ang mga Lamanita ay naitaboy sa isang pangkat, at sa kanilang labis na takot, ay natagpuan ang kanilang sarili na napalilibutan ng mga pangkat ni Lehi at mga pangkat ni Moroni sa lambak ng Sidon.

Ngayon, ang mga Lamanita ay higit na marami, oo, nang higit sa dalawang ulit ng bilang ng mga Nephita; gayon pa man, sila ay naitaboy hanggang sa natipon sila sa iisang pangkat sa lambak, sa pampang ng ilog Sidon. Anupa’t pinaligiran sila ng mga hukbo ni Moroni, oo, maging sa magkabilang baybay ng ilog, sapagkat masdan, sa silangan ay naroon ang mga tauhan ni Lehi.

Samakatwid, nang makita ni Zerahemnas ang mga tauhan ni Lehi sa silangan ng ilog Sidon, at ang mga hukbo ni Moroni sa kanluran ng ilog Sidon, na sila ay napaliligiran ng mga Nephita, sila ay nakadama ng labis na pagkatakot. Ngayon si Moroni, nang makita niya ang kanilang pagkatakot, ay inutusan ang kanyang mga tauhan na tumigil sila sa pagpapadanak ng kanilang dugo.