Si Helaman sa Dayag Kanluran

Ang Plano ng Mga Amonita

Alma 53:10–13, 56:4

Ang mga Ammonita ay ang mga nagbalik-loob na mga Lamanita na nabubuhay sa lupain ng mga Nephita na nangako sa isang sumpa ng hindi pagiging marahas, subalit nang marinig nila ang pagsalakay ng mga Lamanita iniisip nilang labagin ang kanilang sumpa upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.

At ngayon masdan, ako ay may sasabihin kahit paano hinggil sa mga tao ni Ammon, na, noong una, ay mga Lamanita; subalit dahil kay Ammon at sa kanyang mga kapatid, o kaya’y dahil sa kapangyarihan at salita ng Diyos, sila ay nagbalik-loob sa Panginoon; at sila ay dinala sa lupain ng Zarahemla, at mula noon ay ipinagtanggol na ng mga Nephita.

At dahil sa kanilang sumpa sila ay napipigilang humawak ng mga sandata laban sa kanilang mga kapatid; sapagkat sila ay gumawa ng panunumpang hindi na sila magpapadanak pa ng dugo; at alinsunod sa kanilang sumpa sila ay nasawi na sana; oo, pahihintulutan na sana nila ang kanilang sarili na mahulog sa mga kamay ng kanilang mga kapatid, kung hindi lamang sa awa at labis na pagmamahal ni Ammon at ng kanyang mga kapatid sa kanila. At dahil dito sila ay dinala sa lupain ng Zarahemla; at mula noon ay ipinagtanggol na ng mga Nephita.

Subalit ito ay nangyari na, nang makita nila ang panganib, at ang maraming paghihirap at pagdurusang binabata ng mga Nephita para sa kanila, sila ay naantig sa pagkaawa at nagnais na humawak ng mga sandata sa pagtatanggol ng kanilang bayan.


Ngayon hindi ko na kailangang ilahad pa sa iyo ang hinggil sa kanilang mga kaugalian o kanilang kawalang-paniniwala, sapagkat nalalaman mo ang hinggil sa lahat ng bagay na ito—

Alma 53:13–15, 56:6–8

Si Helaman, na nagaalala tungkol sa mga kaluluwa ng mga Ammonita, ay tumangging hayaan silang sirain ang kanilang pangako.

Subalit masdan, nang kukunin na nila ang kanilang mga sandata ng digmaan, sila ay nadaig ng mga pakiusap ni Helaman at ng kanyang mga kapatid, sapagkat sisirain na sana nila ang sumpang ginawa nila.

At si Helaman ay natakot na baka sa paggawa nito ay mawala ang kanilang mga kaluluwa; anupa’t ang lahat ng yaong pumasok sa tipang ito ay napilitang masdan ang kanilang mga kapatid na danasin ang kanilang paghihirap, sa kanilang mapanganib na katayuan sa panahong ito.


At ngayon nalalaman mo rin ang hinggil sa tipang ginawa ng kanilang mga ama, na hindi sila hahawak ng kanilang mga sandata ng digmaan laban sa kanilang mga kapatid upang magpadanak ng dugo. Subalit sa ikadalawampu at anim na taon, nang makita nila ang ating mga paghihirap at ating mga pagdurusa para sa kanila, sisirain na sana nila ang tipang ginawa nila at hahawak ng kanilang mga sandata ng digmaan upang ipagtanggol tayo.

Subalit hindi ko sila mapahihintulutan na kanilang sirain ang tipang ito na kanilang ginawa, inaakalang kami ay palalakasin ng Diyos, hanggang sa hindi na kami maghihirap pa dahil sa pagtupad sa sumpang ginawa nila.

Alma 53:16–18, 56:3,5

Gayunpaman, mayroong mga dalawang libong ikalawang henerasyong mga batang lalaking Ammonita na hindi gumawa ng tipan ng hindi pagiging marahas na nagtipon at sumang-ayon na ipagtatanggol ang kanilang mga tao.

Subalit masdan, ito ay nangyari na, na sila ay maraming anak na lalaki, na hindi nakipagtipan na hindi nila kukunin ang kanilang mga sandata ng digmaan upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa kanilang mga kaaway; kaya nga sama-samang nagtipon sila ng kanilang sarili sa oras na ito, kasindami ng makapaghahawak ng sandata, at tinawag nila ang kanilang sariling mga Nephita.

At sila ay nakipagtipan na makikipaglaban para sa kalayaan ng mga Nephita, oo, na ipagtatanggol ang lupain hanggang sa pag-aalay ng kanilang buhay; oo, maging sila ay nakipagtipang hindi kailanman isusuko ang kanilang kalayaan, kundi sila ay makikipaglaban sa lahat ng pagkakataon upang maipagtanggol ang mga Nephita at ang kanilang sarili mula sa pagkaalipin. Ngayon masdan, may dalawang libo ang mga kabataang lalaking yaon, na pumasok sa tipang ito at kinuha ang kanilang mga sandata ng digmaan upang ipagtanggol ang kanilang bayan.


Masdan, dalawang libo ng mga anak ng mga yaong taong inilabas ni Ammon mula sa lupain ng Nephi—ngayon nalalaman mo na sila ay mga inapo ni Laman, na siyang pinakamatandang anak ng ating amang si Lehi;


Anupa’t sapat na sa akin ang sabihin ko sa iyo na dalawang libo ng mga yaong kabataang lalaking ito ang humawak ng kanilang mga sandata ng digmaan, at ninais na ako ang maging pinuno nila; at kami ay humayo upang ipagtanggol ang ating bayan.

Alma 53:19–21

Si Helaman ay itinalaga bilang kumandante ng hukbong Ammonita, na mga magigiting at mabubuti.

At ngayon masdan, sapagkat hindi pa sila nagiging pabigat sa mga Nephita, sila ngayon sa panahong ito ay naging isang malaking tulong din; sapagkat kinuha nila ang kanilang mga sandata ng digmaan, at ninais nilang si Helaman ang maging pinuno nila.

At lahat sila ay mga kabataang lalaki, at sila ay napakagigiting, at gayon din sa lakas at gawain; subalit masdan, hindi lamang ito—sila’y kalalakihang matatapat sa lahat ng panahon sa anumang bagay na ipinagkakatiwala sa kanila. Oo, sila’y mga lalaki ng katotohanan at maunawain, sapagkat sila ay naturuang sumunod sa mga kautusan ng Diyos at lumakad nang matwid sa kanyang harapan.