Ang Pangitain ni Nephi

Ipinakita ng Anghel Ang Pagdating ni Hesus sa Hinaharap

1 Nephi 11:13–15

Nang lumaon ay bigla nalang si Nephi ay nakita ang lunsod ng Jerusalem at ang napakagandang dalaga; isang anghel ang lumitaw upang gabayan si Nephi.

At ito ay nangyari na, na tumingin ako at namasdan ang dakilang lunsod ng Jerusalem, at iba pang mga lunsod. At namasdan ko ang lunsod ng Nazaret; at sa lunsod ng Nazaret ay namasdan ko ang isang birhen, at siya ay napakaganda at napakaputi. At ito ay nangyari na, na nakita kong bumukas ang kalangitan; at isang anghel ang bumaba at tumayo sa aking harapan; at sinabi niya sa akin:

Nephi, ano ang namamasdan mo?

At sinabi ko sa kanya:

Isang birhen,
pinakamaganda at kaakit-akit
sa lahat ng iba pang birhen.

1 Nephi 11:16–17

Tinanong ng anghel si Nephi tungkol sa kung ano ang naiintindihan niya sa malamesias na propesiya; ipinagtapat ni Nephi ang kanyang kawalan ng kaalaman at pangunawa.

At sinabi niya sa akin:

Nalalaman mo ba ang pagpapakababa ng Diyos?

At sinabi ko sa kanya:

Alam kong mahal niya ang kanyang mga anak;
gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay.

1 Nephi 11:18

Ipinaliwanag ng anghel na ang dalagita ay ang ina ng Anak ng Diyos.

At sinabi niya sa akin:

Masdan, ang birheng iyong nakikita
ang ina ng Anak ng Diyos,
ayon sa laman.

1 Nephi 11:19–21

Nakita ni Nephi ang sanggol na si Jesus.

At ito ay nangyari na, na namasdan ko na siya ay natangay sa Espiritu; at matapos siyang matangay sa Espiritu ng ilang panahon, nangusap sa akin ang anghel, sinasabing:

Tingnan!

At tumingin ako at namasdang muli ang birhen, may dalang isang bata sa kanyang mga bisig. At sinabi sa akin ng anghel:

Masdan ang Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama!

1 Nephi 11:21–23

Ipinaliwanag ng anghel na ang puno sa pangitain ni Lehi ay kumakatawan kay Jesus, ang sagisag ng pag-ibig ng Diyos.

Nalalaman mo na ba ang kahulugan ng punungkahoy na nakita ng iyong ama?

At tinugon ko siya, sinasabing:

Oo, ito ang pag-ibig ng Diyos, na laganap sa mga puso ng mga anak ng tao; anupa’t ito ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay.

At nangusap siya sa akin, sinasabing:

Oo, at ang labis na nakalulugod sa kaluluwa.

1 Nephi 11:24–25

Nakita ni Nephi ang buhay ni Jesus; ang gabay na bakal, ang bukal ng tubig, at ang puno na lahat ay kumakatawan kay Cristo at kanyang ebanghelyo.

At matapos niyang sabihin ang mga salitang ito, sinabi niya sa akin:

Tingnan!

At tumingin ako, at namasdan ko ang Anak ng Diyos na nakikisalamuha sa mga anak ng tao; at nakita kong marami ang nangaluhod sa kanyang paanan at sinamba siya.

At ito ay nangyari na, na namasdan ko na ang gabay na bakal, na nakita ng aking ama, ay salita ng Diyos, na nagbibigay-daan patungo sa bukal ng mga buhay na tubig, o sa punungkahoy ng buhay; kung aling mga tubig ay sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos; at namasdan ko rin na ang punungkahoy ng buhay ay sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos.

1 Nephi 11:26–27

Nakita ni Nephi ang binyag ni Jesus.

At muling sinabi sa akin ng anghel:

Tingnan at masdan ang pagpapakababa ng Diyos!

At tumingin ako at namasdan ang Manunubos ng sanlibutan, na siyang sinabi ng aking ama; at namasdan ko rin ang propetang maghahanda ng daan para sa kanya. At ang Kordero ng Diyos ay humayo at nagpabinyag sa kanya; at matapos siyang mabinyagan, namasdan kong bumukas ang kalangitan, at bumaba na tulad sa isang kalapati ang Espiritu Santo mula sa langit at tumahan sa kanya.

1 Nephi 11:28

Nakita ni Nephi si Jesus na nagtuturo sa mga tao, at ang pagtanggi sa kanya.

At namasdan kong humayo siyang nangangaral sa mga tao, sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian; at sama-samang nagtipon ang maraming tao upang marinig siya; at namasdan kong ipinagtabuyan siya mula sa kanila.

1 Nephi 11:29

Nakita ni Nephi ang labing-dalawang apostol.

At namasdan ko rin ang iba pang labindalawa na sumusunod sa kanya. At ito ay nangyari na, na sila ay natangay sa Espiritu mula sa aking harapan, at hindi ko na sila nakita.

1 Nephi 11:30–31

Nakita ni Nephi ang mga himala at pagpapagaling ni Cristo.

At ito ay nangyari na, na muling nangusap sa akin ang anghel, sinasabing:

Tingnan!

At tumingin ako, at namasdan ko na muling bumukas ang kalangitan, at nakita kong bumababa ang mga anghel sa mga anak ng tao; at sila ay naglingkod sa kanila. At muli siyang nangusap sa akin, sinasabing:

Tingnan!

At tumingin ako, at namasdan ko ang Kordero ng Diyos na nakikisalamuha sa mga anak ng tao. At namasdan ko ang maraming tao na may karamdaman, at yaong mga naghihirap sa lahat ng uri ng sakit, at nasasapian ng mga diyablo at masasamang espiritu; at nangusap ang anghel at ipinakita ang lahat ng bagay na ito sa akin. At pinagaling sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kordero ng Diyos; at pinalayas ang mga diyablo at ang masasamang espiritu.

1 Nephi 11:32–33

Nakita ni Nephi ang pagbitay kay Jesus sa krus.

At ito ay nangyari na, na muling nangusap sa akin ang anghel, sinasabing:

Tingnan!

At tumingin ako at namasdan ang Kordero ng Diyos, na dinakip siya ng mga tao; oo, ang Anak ng Diyos na walang hanggan ay hinatulan ng sanlibutan; at nakita ko ito at pinatototohanan. At ako, si Nephi, ay nakitang itinaas siya sa krus at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

1 Nephi 11:34–36

Nakita ni Nephi ang pagbagsak ng malaking gusali sa panaginip ni Lehi; kinakatawan nito ang lubos na kabiguan ng mga yaong sumasalungat sa Panginoon.

At matapos siyang patayin ay nakita ko ang maraming tao ng mundo, na sama-samang nagtipon sila upang kalabanin ang mga apostol ng Kordero; sapagkat sa gayon tinawag ng anghel ng Panginoon ang labindalawa.

At sama-samang nagtipon ang maraming tao ng mundo; at namasdan ko na sila ay nasa malaki at maluwang na gusali, tulad ng gusaling nakita ng aking ama. At muling nangusap ang anghel ng Panginoon sa akin, sinasabing:

Masdan ang sanlibutan at ang karunungan nito; oo, masdan ang sambahayan ni Israel na sama-samang nagtipon upang kalabanin ang labindalawang apostol ng Kordero.

At ito ay nangyari na, na nakita ko at pinatototohanan, na ang malaki at maluwang na gusali ang kapalaluan ng sanlibutan; at bumagsak ito, at ang pagkakabagsak nito ay napakalakas. At muling nangusap ang anghel ng Panginoon sa akin, sinasabing:

Gayon ang magiging pagkawasak ng lahat ng bansa, lahi, wika, at tao, na kakalaban sa labindalawang apostol ng Kordero.