Ang Lupain ni Nephi

Ang Ministeryo ni Jacob

Jacob 1:1–4

Inatasan ni Nephi si Jacob ng responsibilidad sa pangangalaga sa mga talaan.

Sapagkat masdan, ito ay nangyari na, na limampu at limang taon na ang lumipas mula ng panahong nilisan ni Lehi ang Jerusalem; samakatwid, ibinigay ni Nephi sa akin, kay Jacob, ang isang kautusan hinggil sa maliliit na lamina, kung saan ang mga bagay na ito ay nakaukit.

At ibinigay niya sa akin, kay Jacob, ang isang kautusan na dapat kong isulat sa mga laminang ito ang ilan sa mga bagay na inaakala kong pinakamahalaga; na hindi ko dapat talakayin, maliban kung bahagya lamang, ang hinggil sa kasaysayan ng mga taong ito na tinatawag na mga tao ni Nephi. Sapagkat sinabi niya na ang kasaysayan ng kanyang mga tao ay dapat iukit sa isa pa niyang mga lamina, at na dapat kong ingatan ang mga laminang ito, at ipasa ang mga ito sa aking mga binhi, sa bawat sali’t salinlahi.

At kung may mga pangangaral na banal, o paghahayag na dakila, o pagpropesiya, na dapat kong iukit ang mahahalagang paksa nito sa mga laminang ito, at talakayin ang mga ito hangga’t maaari, alang-alang kay Cristo, at para sa kapakanan ng aming mga tao.

Jacob 1:5–8

Si Jacob ay nagpagal sa paghihikayat sa mga tao na maniwala kay Jesukristo.

Sapagkat dahil sa pananampalataya at sa labis na pag-aalaala, tunay na ipinaalam sa amin ang hinggil sa aming mga tao, kung ano man ang mga bagay na mangyayari sa kanila. At nagkaroon din kami ng maraming paghahayag, at ng diwa ng labis na pagpopropesiya; anupa’t nalalaman namin ang tungkol kay Cristo at sa kanyang kahariang darating.

Samakatwid, masigasig kaming gumagawa sa aming mga tao, upang mahikayat namin silang lumapit kay Cristo, at makibahagi sa kabutihan ng Diyos, upang makapasok sila sa kanyang kapahingahan, na baka dahil sa anumang kadahilanan ay magsusumpa siya sa kanyang kapootan na hindi sila makapapasok, tulad sa pagpapagalit sa mga araw ng panunukso habang ang mga anak ni Israel ay nasa ilang.

Anupa’t hangad namin sa Diyos na aming mahikayat ang lahat ng tao na huwag maghimagsik laban sa Diyos, upang galitin siya, kundi na ang lahat ng tao ay maniwala kay Cristo, at isaalang-alang ang kanyang kamatayan, at batahin ang kanyang krus at tiisin ang kahihiyan ng sanlibutan; kaya nga, ako, si Jacob, ay tinanggap sa sarili na sundin ang kautusan ng aking kapatid na si Nephi.

Jacob 1:9–11

Si Nephi ay tumanda, at ang sistema ng pagpapangalan ng kanyang tagasunod bilang hari ay naitalaga.

Ngayon, si Nephi ay nagsimulang tumanda, at nadama niyang malapit na siyang mamatay; kaya nga, nagtalaga siya ng isang lalaki upang maging hari at tagapamahala sa kanyang mga tao sa ngayon, alinsunod sa mga paghahari ng mga hari. Sa labis na pagmamahal na iniukol ng mga tao kay Nephi, siya na naging dakilang tagapagtanggol nila, na nagwasiwas ng espada ni Laban sa pagtatanggol sa kanila, at nagpagal nang buong panahon niya para sa kanilang kapakanan—

Anupa’t labis na naghangad ang mga tao na panatilihin sa kanilang alaala ang kanyang pangalan. At sino man ang humaliling kapalit niya ay tinatawag ng mga tao na ikalawang Nephi, ikatlong Nephi, at gayon na nga, alinsunod sa mga paghahari ng mga hari; at sa gayon sila tinawag ng mga tao, hayaan kung ano mang pangalan ang naisin nila.

Jacob 1:12

Si Nephi ay namatay.

At ito ay nangyari na, na namatay si Nephi.

Jacob 1:15–16

Sa ilalim ng pamumuno ng ikalawang hari, ang mga tao ay naging palalo at nagsimulang magkaroon ng maraming asawa.

At ngayon ito ay nangyari na, na ang mga tao ni Nephi, sa ilalim ng paghahari ng pangalawang hari, ay nagsimulang maging matigas sa kanilang mga puso, at nagpasasa sila sa masasamang gawa, tulad ni David noon na naghahangad ng maraming asawa at mga kalunya, at gayon din si Solomon na kanyang anak. Oo, at nagsimula rin silang maghanap ng maraming ginto at pilak, at nagsimulang umangat nang bahagya sa kapalaluan.

Jacob 4:1–18

Si Jacob ay sumulat sa mga mababasa ng kanyang talaan sa hinaharap.